Ano kaya ang size ng paa ni Clark?
Hindi ko mapigilang maitanong sa sarili iyon. Kung bibilhan ko siya ng sapatos ay dapat lang na alam ko ang size ng kanyang paa. Ang plano ko ay hindi ko ipapa-alam na may regalo ako para sa kanya.
Paano ko ba siya makakausap ulit?
Mabuti lang sana kung kaibigan na kami. Hanggang ngayon nga hindi niya pa ako nakikilala.
Namataan ko ang isang rubber shoes na sobrang lapit ng disenyo sa sapatos ni Clark. Baka magustuhan niya ito. Tamang-tama dahil runner si Clark at mukhang matibay talaga ang sapatos na ito. Napansin kong medyo luma na ang kanyang sapatos pero hindi niya pa pinapalitan ng bago.
Maya-maya ay umalis na ako sa rubber shoes section saka lumabas sa mall. Hahanap ako ng paraan para matukoy kung ano size ng paa niya. Bukas babalik ako at bibilhin ko na ang balak kong special gift para sa kanya.
Sana lang ay magustuhan niya.
Friday. Nandito kami ngayon sa malawak na field na napapalibutan ng mga punong-kahoy na may paikot na bench sa ilalim. Nasa bandang gitna kami ng area at kasama namin ang teacher namin para sa PE class.
Masama talaga ang pakiramdam ko ngayon. Mainit at maalinsangan.
"Eurah, are you okay?" Pag-aalala ni Roan, siya ang kaklase naming top one. Nahihilo ako at ang sakit ng ulo ko. Epekto siguro buhat ng nalipasan ako ng gutom. Dahil ayaw kong ma-late sa klase hindi na ako nag-agahan.
Nahihiya ako kay Roan. Siya ang unang nakapansin na nakahilata ako ngayon sa field at hapong-hapo. "Ayos lang ako."
"Anong problema? Anong pinag-uusapan niyo?" Biglang sumingit si Janice. May hawak itong rocket ng badminton sa kanang kamay niya.
"Nagtanong lang ako kung ayos lang ba ang kaibigan mo pres, mukha kasi siyang hindi okay." 'Yon ang tugon ni Roan. "Sige maiwan ko na kayo."
Sinundan ng tingin ni Janice si Roan habang papalayo ito.
"Sa tingin ko may crush si Roan sayo bes" sabi niya sa akin habang sinusundan pa rin ng tingin ang lalaki.
"Paano mo naman nasabi?"
"Nag-alala kasi siya sayo. Teka, napano ka ba kasi?"
Ngayon, ay nilingun na niya ako at sinuri. "Mukha ngang hindi ka okay."
Tumanggi ako. "Okay lang talaga ako. Medyo masakit lang ang ulo ko pero okay lang na--"
Ang hirap magsinungaling dahil di ko na natuloy ang sasabihin ko nang pagtayo ko ay nawalan ako ng balanse. Hindi ko na maramdaman ang lakas sa katawan ko. Ilang sandali pa, dumilim ang buong paligid. Naramdaman ko na lamang na bumagsak na ako.
Nagising ako na sumalubong sa akin ang puting kisame. Nilibot ko ng tingin ang buong paligid at mukhang nasa loob ako ng clinic. Bumalikwas ako at bumangon. Napansin kong ako lang mag-isa. Nasaan na ba ang kaibigan ko?
"Gising ka na."
Nagulat ako sa biglang nagsalita. Inasahan ko na si Janice iyon pero lalaki ang may-ari ng boses.
"Clark?"
To be continued...
Featured Song: Sorpresa (Alon)
BINABASA MO ANG
Untied Shoelace
Teen FictionAn untied shoelace in the midst of the crowd. Infatuation trilogy #1: Untied shoelace.