I WAS KILLED

4 2 0
                                    

I WAS KILLED
Written by BinibiningAttorney

         Napahawak ako sa dingding nang makaramdam ako ng hilo matapos biglaang tumayo. Nang mapawi na ang hilo ko'y dumiretso ako sa palikuran upang pagmasdan ang aking sarili sa malaking salamin.

         Grabe na ang pangingitim ng ilalim ng aking mga mata. Nanunuyo na rin at labis ang pagkaputla ng aking mga labi. Buhaghag ang aking buhok at nagsilabasan ang mga tigyawat. Hindi ko na halos makilala ang aking sarili.

         Napalingon ako nang may marinig akong bagay na nahulog. Dali-dali akong bumalik sa aking silid at napabuntong-hininga na lamang ako nang makita na nagkalat sa sahig ang aking mga panulat at nagsiliparan ang mga papel na kanina ko pa inaasam na tapusin.

         Lumapit ako at sinimulang pulutin ang mga ito. Malapit na akong matapos nang biglang tumunog ang aking telepono.

         "H-hello..." Halos mapunit ang aking tuyot na labi nang ako'y magsalita upang sagutin ang tawag ng aking guro.

         "Sorry to say Evalyn, but... you failed my subject."

         Halos mapantig ang aking tainga dahil sa narinig ko. Napalunok ako at bigla ko na lang nabitawan ang aking telepono. Nangatog ang aking mga tuhod dahilan upang ako'y bumagsak at mapaluhod.

         Napaluha ako nang mahagip ng aking mga mata ang mga medalya at sertipikong nakapalibot sa buong silid. Nanikip ang aking dibdib nang makita ko ang larawan ng aking ina habang akbay-akbay ako na noo'y nakasuot ng napakaraming mga gintong medalya.

         Pumikit ako dahil tila inaakit ako ng cutter na ginamit ko sa paghahati ng mga plakard kanina. Pagmulat ko ng aking mga mata ay bumungad sa akin ang palabas sa telebisyon.

         Isang babaeng maputla na nakaputi at may tangan na cutter. Itinaas niya ang kaniyang manggas at tinitigan ang kaniyang pulso. Ginalusan niya ito, hiniwa hanggang sa tumagas ang napakaraming dugo.

         Nilaro niya ang dugo, itinapat muli ang cutter sa kaniyang pulso at idiniin, idinikdik iyon sa kanyang ugat.

         Nais kong gawin din iyon ngunit nakaramdam ako na may pumintig sa aking ugat at ako'y nakatulog.

         NAGISING ako nang may marinig akong tricycle na huminto sa tapat ng aming tahanan. Agad akong tumayo at nakita kong pasakay si mama roon. Hinabol ko si mama at tumabi sa kaniya sa loob.

          Ngumiti ako kay mama ngunit hindi siya kumibo.

          Alam na ba niya na bumagsak ako?

          Nanatili akong tahimik hanggang sa huminto ang tricycle sa isang ospital. Sinundan ko lang si mama. Nakita ko ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Pumasok siya sa isang kwarto at nagpa-iwan ako sa labas.

          Natanaw ko siya, umiiyak sa isang walang buhay na pasyente. At doon ko lang napagtanto...

          I was killed.

          I was killed by myself.

          Hindi lang sa paglalaslas at literal na pagbawi ko sa aking buhay. Matagal ko nang pinatay ang sarili ko sa pamamagitan ng pagkalunod sa ekspektasyon ng iba, pagiging perpekto para sa ikatutuwa nila at pagpilit sa mga bagay na hindi ko naman talaga kaya.

          I killed myself.

LIFE'S AGONY (Compilation of Sad Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon