KUYA'S PROMISE

19 5 1
                                    

KUYA'S PROMISE
Written by BinibiningAttorney

     “Paano ba iyan, kuya? May girlfriend ka na pala,” pang-aasar ko sa kuya ko.

     “Huwag kang mag-alala Angel, ikaw pa rin ang prinsesa ni kuya. Wala namang magbabago, okay?” sabi niya sabay yakap sa akin.

     “Iwww kuya naman!” pabiro kong sabi sabay kunwaring tulak sa kaniya.

     Binatukan lang niya ako.

     “Aray naman, kuya! May prinsesa bang binabatukan?” Inirapan ko siya.

     Bigla siyang naging seryoso.

     “Pero Angel Kris Dela Peña, kapag ikaw ang nagkaroon ng boyfriend, siguraduhin mong iyong hindi ka sasaktan, ha? Papatayin ko iyong mananakit sa ‘yo. Kahit sino pa siya,” bilin niya sa akin habang duro-duro pa ako.

     “Kinumpleto ba naman pangalan ko! Totoo ba? Papatayin mo mananakit sa akin? Promise?”

     “Promise!”

     “Naks naman! Future mamamatay-tao ka pala," pagbibiro ko. "Pero huwag kang mag-alala, siyempre naman kuya, kapag hahanap ako ng lalaking mamahalin ko, iyong katulad niyo ni papa!” nakangiti kong tugon sabay yakap sa kaniya.

     “Good,” saad niya pa at ginulo ang buhok ko.

     "Haaay kuya, sige na! Baka ma-late ka pa sa anniversary date ninyo. Umalis ka na!” pagtataboy ko sa kaniya.

     Natatawa naman siyang naglakad palabas ng pinto at nagtanong pa kung guwapo ba siya sa suot niya bago tuluyang umalis.

     Ini-lock ko na ang gate at pinto bago pumasok sa kuwarto ko. Paniguradong gabi na babalik si kuya kaya isinarado ko na ang lahat katulad ng bilin niya dahil may susi naman siya. Kami lang kasing dalawa sa bahay simula twelve years old ako. Limang taon lang naman ang agwat namin sa isa’t isa at simula pagkabata talaga ay malapit kami kaya hindi na ako masiyadong malungkot kahit parehong nasa ibang bansa sina mama at papa. Isa pa, tatlong taon na rin naman kaming magkasama nang kami lang dalawa.

     Humiga na ako sa kama ko at pumikit. Sana maayos na si kuya kasi alam kong may problema sila.

     Napamulat na lang ako mula sa pagkakatulog nang marinig kong bumukas ang pintuan sa sala.

     Si kuya na siguro iyon!

     Napatayo na lang ako at napalabas ng kuwarto nang marinig kong may nabasag na kung ano sa sala.

     “Kuya!” sabi ko sabay takbo palapit sa kaniya nang makitang puro dugo ang paa niya dahil sa basag na vase sa paanan niya.

     “A-angel...” Ngumiti siya sa akin, “Huwag kang lalapit baka masugatan ka. Ayos lang ako.”

     Kumuha siya ng walis at nilinis ang mga bubog. Pagkatapos no'n, iika-ika siyang umupo sa sofa at nilapitan ko na siya.

     “Kuya lasing ka ba? Napano ka? Umiiyak ka ba?” nag-aalala kong tanong sa kaniya.

     Nagpunas siya ng luha.

     “Niloko nila ako,” umiiyak na sabi niya, “Magbabayad sila!”

     “K-kuya...” utal kong sabi nang makita ko siyang maglabas ng kutsilyo.

     “Ang sakit!” patuloy na pag-iyak niya.

     Tumabi ako sa kaniya at niyakap siya, “Kuya ayos lang iyan,” pagpapatahan ko sa kaniya.

     Hinawi niya ang buhok ko at iniharap ako sa kaniya. Unti-unting lumalapit ang mukha niya sa mukha ko.

     “K-kuya...” sabi ko habang dahan-dahan siyang itinutulak pero bigla niya akong hinila palapit sa kaniya at hinalikan ako. Mahigpit din ang hawak niya sa mga braso ko.

     “K-kuya h-huwag...” iyak ko pero tila hindi niya ako naririnig.

     Tinutulak ko siya at pilit ko siyang pinipigilan pero mas malakas siya. Nagpatuloy lang siya sa ginagawa niya. Nagpatuloy lang ang kuya ko sa panggagahasa sa prinsesa niya.

     Sumikat muli ang araw ngunit hindi pa rin nawawala ang dilim ng mga pangyayari kagabi. Hubo't hubad pa rin ako, tulala at umiiyak.

     Nakayakap pa rin ang kuya ko sa akin. Naramdaman ko siyang gumalaw. Kahit hindi ako nakatingin sa kaniya ay ramdam kong idinilat na niya ang mga mata niya.

     Bigla siyang tumayo at tumingin sa akin na tila walang alam sa nangyari. Mabilis siyang lumayo at kita ang pag-aalala sa mga mata niya.

     “A-angel... A-anong nagawa ko?" nanginginig niyang sabi.

     Tumayo siya at patuloy akong pinagmamasdan sa sahig habang ako'y iyak lang nang iyak.

     “H-hindi...” umiiling niyang sabi habang lumuluha. “P-patawad...” iyak niya.

     Nakikita kong gusto niya akong hawakan pero nag-aalangan siya. Patuloy lang siya sa pag-iyak habang nakahawak sa ulo niya. Sumisigaw, umiiyak, natutuliro. Hanggang sa....

     "Kuya!"

     Napasigaw na lang ako at humagulgol nang bumagsak si kuya sa paanan ko. Napuno na lang ng dugo ang sahig matapos niyang saksakin ang kaniyang dibdib at tuluyan siyang mawalan ng buhay.

     Remember kuya's promise?

     “Papatayin ko iyong mananakit sa ‘yo. Kahit sino pa siya.”

     He kept that.

LIFE'S AGONY (Compilation of Sad Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon