PROLOGUE
"VIRANNY GORXIA DE WARREN. Isa sa labindalawang mga anak ni Zodiac. Base sa mga intel ay ito ang pinakamadaling target natin ngayon. Nakay Reese ang lahat ng impormasyong kakailanganin ninyo para mahuli ang isa sa mga kampon ni satanas. Malaki ang kikitain natin kapag nahuli iyan ng buhay. Malakas man ang lahi niyan ay babae pa rin, mahina. Sige na!"
Napahinga ako ng malalim noong umalis na sa apat na sulok na kwartong tagpuan namin ang lalaking matanda. Kailan nga ba ako makakaalis sa trabaho kong ito?
Vampire Hunters. Iyon ang karaniwang tawag sa amin. Binabayaran kami ng kung sino-sino para lang makahuli ng bampira. Isang underground na mga organisasyon at kasali nga ako sa isa sa pinakamalaki. Ang organisasyon ni Tanda, Mando Mendoza. Mayroong halos isang libong kalahok sa buong Pilipinas. Maraming lahing bampira sa kapuluan ng Pilipinas pero may isang pamilya talagang pinag-iinitan ng ulo ang matandang iyon.
Sa dami ng problema ng Pilipinas hindi mo aakalaing may ganito palang usapin sa atin. Oo mayroong mga bampira at kung ano anong mga lahi pa ang kasama rin nating naninirahan na baka nga ay nakakasabay mo lang rin sa paglalakad sa sidewalk o kaya ang manalamin sa CR ng isang mall. Nakikihalubilo rin sila na akala mong kagaya rin natin. Wala naman akong pake, ginawa man sila ng Diyos o ni satanas ay wala na akong masasabi pa roon. Ang sa akin lang ay huwag lang nilang papakialaman ang buhay ko. Ang kaso nga lang ay paano naman ako makakatakas sa kanila kung ganito naman ang trabaho ko na kamatayan ko na lang ang magiging dahilan ng kalayaan ko.
Marami ang mga taong nakakaalam sa mundo nila, marami rin naman ang hindi. Masyadong tago at masyado ring lantad. Binabalita rin pero karamihan ay hindi naman naniniwala. May mga nagsasabing kampon sila ng mga demonyo at may mga kabaliktaran naman. Pero si tanda ay saksakan ang pagkulo ng dugo sa ibang lahi lalo na sa mga bampira. Lahat ng mga kasali sa organisasyon ay may kimkim na galit at paghihiganti sa mga lahing maninipsip ng dugo. Samantalang ako ay nakikisabay lang dahil wala naman akong pagpipilian.
Isa sa mga kinagagalitan nila ay ang pamilya ng mga De Warren. Siguro dahil napakamisteryoso ng bampirang pamilyang ito. Maraming napatay na mga tao at sadyang hindi namin sila maabot, kumbaga masyado silang makapangyarihan at hindi iyon naaayon sa kagustuhan ng mga kalahi kong sakim at malala ang impluwensya ng inggit sa kanilang buhay. Wala pa naman akong nakakatagpong totoong naargrabyado ng pamilya nila kaya hindi ko lang masabi kung totoo bang kampon talaga sila ng dilim. Sabi ko nga wala akong mapagpipilian. Sumasabay lang ako sa agos.
Base sa pag-aaral at mga sabi-sabi ay isang beses lang pwedeng magka-anak ang isang bampira, at hinding-hindi na iyon masusundan pa. Ang kaso nga lang ay kung bakit nagkaroon ng labindalawang anak si Zodiac De Warren, isa iyon sa mga misteryo ng pamilya niya. At napakalabong inisang anak lang iyon ng asawa niya. Sa pagkakaalam ko ay ni simpleng impormasyon man lang tungkol sa pamilya ay walang makuha ang sino mang organisasyon na kagaya namin. Kaya ibig sabihin lang ay malakas ang pwersa at makapangyarihan talaga ang pamilyang iyon, mapamundo man nila o mas lalong mundo ng mga tao.
Kaya ngayon ay nagtataka ako kung papaano nakuha ni Mando ang pangalan ng isa sa mga anak ni Zodiac. At nakuha pa ang larawan nito.
"Ang ganda nito ano? Ang taray ng bukas ng mukha." Saad ni William habang binubusisi ng maayos ang isang larawan na binigay kanina ng matanda. Kasali ako sa pribadong grupong itinatag ni Mando. Lima kaming lahat. Si William na aming tech guy, Gino, Marcus, Kar na leader namin at ako. Si Mando mismo ang nagtraining sa amin. Iba rin ang grupo namin sa organisasyon. They said we are the elites but for me, these guys are just a bunch of bullshits. Kasama na ako roon.