Chapter 1
Gasoline's POV
NAWAWALA ANG PABORITO KONG T-SHIRT. Binili ko pa iyon sa isang mall. Hindi naman masyadong kamahalan at mumurahing brand lang naman. Pero kasi iyon ang una kong nabiling gamit sa una kong suweldo ngayong taon. Maganda ang tela at ang paborito kong character sa isang anime ang nakatatak. Si Hidan ng Akatsuki sa Naruto.
Nasaan na ba iyon? Sa pagkakaalala ko ay dito ko lang naman iyon inilagay kasama ng iba pang mga damit kong pinaka-iingat ingatan ko. Nabutingkal ko na lahat ng lalagyan ng damit ko pero hindi ko pa rin ito mahanap. Napameymang ako nang kutuban ng masama. Huwag naman sana.
Lumabas ako ng kwarto ko at hinagilap kung nasaan ang babaeng nakikitira lang sa apartment ko pero kung umasta akala mo kung sino.
Tumama ang mga mata ko sa likod ng babaeng nakatalikod sa gawi ko. Ang mahaba niyang itim na buhok na paalon ay nakalugay. Ang iksi ng suot niya na akala ko nga ay wala at mukhang pinuntirya na naman niya ang isa sa mga boxers ko. Nanuyo ang lalamunan ko nang humagod ang mga mata ko sa makinis at mahaba ngunit malaman niyang mga binti. Napalunok ako ng laway kahit wala naman akong malunok noong humangin bigla mula sa teresa ko. Nasamyo tuloy ng dalawa kong baga ang natural niyang amoy.
Bakit ko nga ba siya hinahanap? Hindi ko na matandaan ang dahilan.
Lumingon siya sa akin at iyon na naman ang mataray na bukas ng kaniyang mukha at ang nakataas niyang mga kilay. "What?" Bakit ba palagi siyang nanghahamon ng away? Inaano ko ba siya? Siya nga ang nang-aano sa akin.
Pero naagaw naman ang atensyon ko noong makita ko na kung ano ang suot niya at doon lamang ako natauhan. Gusto kong manuntok. Ginawa niyang sando ang damit ko. Ang paborito kong damit. Gusto kong magalit ang kaso ay bagay sa kanya iyong damit ko. Ginupit niya iyong dalawang manggas at parang kinakantsawan ako ng nakadilang si Hidan.
Napahilot ako sa sentido ko at mariin siyang tinitigan. "Bibili na tayo ng damit mo."
Napataas ang kilay niya sa akin pero saglit lang ay biglang nagliwanag ang mukha niya. Halatang excited. Nagmamadali siyang pumunta ng banyo. "Oh wait, I'll ligo first." Pero bago pa man siya makarating ay inisang hakbang ko ang pagitan namin at hinuli ang kamay niya. Iginiya ko siya papasok sa kwarto ko ay mali silid tulugan na niya pala.
"Huwag ka na maligo, hindi ka pa naman mukhang mabaho." Kasi mukhang ang sarap mo pa ngang amuyin. Nang matamaan ng mata ko kung ano ang hinahanap ko roon ay agad ko iyong pinulot.
Ihinagis ko sa kanya ang sweatpants ko para suutin niya na agad niya namang nasalo. Tumaas ang kilay niya sa akin pero agad niya ring nakuha kung ano man ang gusto kong iparating. Napakaliit na nun sa akin at mukhang kakasya naman sa kanya. Mabuti nga at hindi ko pa naitatapon. Lumabas ako ng kwarto at hinintay siyang makapagbihis. Pero noong makita kong suot na niya iyon ay napakamot na lamang ako sa sentido. Lalo na at mukhang gusto niya akong kalbuhin dahil sa itsura niya.
Lumapit ako sa kanya at walang pasabing itinaas ang damit niya kasama ng sweatpants kong suot niya. Sa sobrang taas nun ay halos umabot na sa dibdib niya at pagkatapos ay sinikipan ang tali na sapat lang para makahinga siya. Habang ginagawa ko iyon ay ramdam ko ang titig niya sa akin. Nagagwapuhan siguro.
Inayos ko ang damit kong ginupit niya. Nang makuntento ako sa itsura niya ay hinagilap ko kung nasaan ang tsinelas kong slides na Nike na hindi ko na masuot dahil sobrang liit na sa paa ko. Isinuot ko iyon sa paa niya at nakahinga naman ako ng maluwag dahil kaunti lang ang sobra sa paa niya.
Pinagmasdan ko siya mula ulo hanggang paa at ayos naman. Astig na magandang mataray. Nang matapos ako sa ginagawa ko sa kanya ay doon lang sumagi sa akin kung ano ang ginawa ko. Sinipat ko ang mukha niya at tinignan kung anong reaksyon niya. Wala naman. Sakto lang. Magandang mataray pa rin. Umiwas ako sa kanya ng tingin at pasimpleng kinaltukan ang sarili. Kasalanan niya kasi dahil man lang siya nagreklamo. Talagang hinayaan niya lang akong gawin kung ano man ang gawin ko. Hindi naman siya nagalit ano? Wala naman akong ginawang masama. Inayos ko lang naman ang suot niya. Kahit pa nakita ko ng kaunti ang itim na panloob niya, at ang patag at makinis niyang tiyan.