"Hindi ako tumakas... Tumalikod ako sa isang pakikipaglaban na walang katuturan."
Nakatutok ang mga mata ko sa telebisyon habang pinapanuod ang eksena mula sa pelikula. Kumuha ako ng isang tuyo mula sa lamesa para ilagay sa plato ko na hawak ko sa kanang kamay ko at nakapatong sa tuhod kong nakataas sa mahabang upuan sa harapan ng telebisyon.
Dinurog ko ang kamatis matapos kong isawsaw ito sa toyo mula sa platito na nasa tabi ko. Tutok na tutok ang mata ko sa pinapanuod naming pelikula habang naghahapunan sa sala. Isang umaatikabong kaganapan na naman ang hindi namin pwedeng palagpasin, mula sa pelikulang Santiago ni Fernando Poe Jr., isang makapigil-hiningang linya ang kaniyang binitawan. Hindi namin alintana ang patak ng ulan mula sa bubong ng aming bahay na walang kisame, lahat kami ay nakatuon ang atensyon sa artistang nasa maliit na telebisyon.
Sama-sama kaming naghahapunan sa aming munting tahanan, sa gitna ng maliit na baryo sa Bulacan, kung saan malamig ang hangin na nanggagaling sa hamog ng bukid sa likod-bahay. Dinig ang mga kuliglig, kulisap at may konting amoy ng usok mula sa namatay na siga ng kapitbahay kaninang sisilim.
"Tingnan mo, maya-maya, isa-isang susugod yan, imbes na sabay-sabay para matalo yung bida," sabi ni Mama, habang nginunguya ang kanin niya, "Tapos, kapag napatay na niya lahat ng kalaban, no'n pa lang dadating ang mga pulis."
Natawa kaming lahat. Oo nga naman. Palibhasa, klasik na pelikulang Pinoy, pero ang mahalaga ay dalang-dala kami sa istorya at inaabangan talaga namin ang mga susunod na eksena.
Ako si Peril, isang malaking kalokohan.
Isinilang na kalokohan, at mamamatay na kalokohan.
Isa ako sa mga binansagan nilang "Batang 90s". Isa sa mga tipikal na batang lumaki sa isang istriktong mga magulang. Old school, ika nga.
May curfew, dapat alas-singko ng hapon o bago abutan ng dilim sa daan ay nasa loob na ng bahay at nagsasaing na. Maagang gigising dahil may pasok sa eskwela, hindi pwedeng sumigaw, tumawa ng malakas, o makipagtalo sa mga nakatatanda.
Naka-prayoridad ang pag-aaral at ang pagtulong sa mga magulang. Hindi nagpapagabi sa daan at hindi maaaring magpaligaw, makipag-barkada, o magpabaya sa eskwela.
Panganay ako sa dalawang magkapatid; pareho kaming babae. Mas matanda ako sa kanya ng anim na taon, at dahil ako ang nakatatanda, ako ang naatasang mag-alaga at sumubaybay sa kanya kapag wala ang aking mga magulang.
Dahil palagi silang wala.
Ang Mama, isang guro sa eskwelahan dito sa lipat-baryo. Kasama niya ako sa eskwela, dahil doon din ako nag-aaral kung saan siya nagtuturo.
Ang Papa naman ay nagtatrabaho paminsan-minsan, kapag may nakokontratang pagawaing bahay ang mga Lolo. Isang kawani ng baranggay ang Lolo na tatay ni Papa, kung kaya't masasabi kong medyo nakakaangat kami kumpara sa iba. Hindi kami ordinaryong tao, ordinaryong mahirap lang kami, pero kahit papaano'y kilala ng mga tao dito sa lugar namin.
Ang angkan ng Papa ay mga malalaking tao. Matatangkad at malalaki ang mga katawan, may mga hangin sa ulo: may reputasyon at may tapang. Hindi basta-basta, ika nga. Huwag kang loloko-loko at may kalalagyan ka sa kanila. Linya sila ng mga panganay-- ang aking Lolo at Lola na magulang ng Papa ay panganay sa kanilang magkakapatid, at ang Papa ay panganay na anak. Ang Lolo ay kilala sa pagiging matapang, siga, ngunit nasa lugar.
Galit sila ng Papa kapag may naaaping matanda o naabusong kababaihan. Ayaw nila ng katiwalian, pero hindi sila takot pumasok sa gulo kung may ipaglalaban. Ang Papa naman, palaging nainom, may bisyo at mahilig sa sugal. Hindi ng baraha, kundi ng manok. Hindi ko alam pero mula pa man noong bata ako, nakikita ko na silang may alagang mga manok panabong, kung kaya't akala ko ay normal lang ito.
Ang angkan naman ng Mama ay angkan ng mga Kristiyano. Mula sa magulang ng kaniyang nanay na kung tawagin namin ay Ina at Ama, sila ay kasama sa mga nagtatag ng simbahan dito sa aming baryo. Ang angkan nila ay puro mga propesyunal: doktor ang kanilang mga tito at tita, at tatlo sa kanilang pitong magkakapatid ay mga guro sa iba't ibang paaralan. Ang kanilang bunso ay tinawag ng Panginoon upang maglingkod at naging isang pastor, at hindi kalaunan ay nakapangasawa ng isang diyakonesa.
Marami sa kanila ang may narating sa buhay kung kaya naman ganoon din kataas ang kanilang pangarap para sa aming mga sumunod na henerasyon.
At narito ako.
Isa lang ang pangarap ko: ang makawala sa kanila.
Iyon ang sa tingin kong makakapagpabago ng buhay ko. Ayoko sa kanila, at ayoko dito. Ayoko ng kahigpitan nila. Ayoko ng mga masasakit na salita nila. Ayoko ng paraan ng pagdidisiplina nila sa amin. Ayoko ng mga batas nila.
Kung kaya't hindi ko man alam kung paano, ginagawa ko na lamang ang makakaya ko para kahit papaano ay hindi na lang nila ako napapansin at napapagbuntunan ng galit at sama ng loob nila sa buhay nila.
Pagkatapos kumain, nagkusa na akong ligpitin ang mga pinagkainang plato at nilinis ang hapag-kainan. Ako na rin ang naghugas ng plato dahil baka magalit ang Papa kapag naabutan na naman niya ito bukas ng umaga.
Pagkatapos ng lahat ng gawain ay inilagay ko na ang kulambo sa aking higaan. Ang aking kapatid na si Prima, sa kabilang kwarto pa natutulog, kasama nila Mama at Papa, dahil maliit pa.
Bukas na ang graduation ko sa elementarya.
Inilabas ko ang nakahanda kong speech, dahil babasahin ko daw ito sa harap ng entablado bukas bilang ako ang valedictorian sa aming klase. Kailangan ko pa itong kabisaduhin dahil hindi daw pwede na tingin ako ng tingin sa aking kopya kapag nagsasalita na.
Bahala na bukas.
YOU ARE READING
Fiasco
Romance"If love is a game, then I would not want to win." Peril only has one dream: to be able to leave her family and live by herself. She goes by all the odds and pushes through life as if every day was her only ticket to escape from her extremely stric...