Wakas

3 0 0
                                    

Inayos ko ang suot kong jacket at dahan dahang z-in-ip ito, grabe. Sobrang lamig talaga dito sa Tagaytay. Sabi ng mga kaklase ko, mas malamig daw talaga ang January at February kaysa November at December kaya naman ito ako ngayon. Habang naglalakad paahon sa Skyranch ay parang nilalamig na sisiw, balot na balot ng jacket at naka sumbrero pa.

"Sin! Hintayin mo ako," sigaw na mula sa likuran ko. Napalingon naman ako at napangiti. Nakita ko si Den na nagmamadaling naglalakad para maabutan ako.

"Oh, akala ko ba eh hindi ka muna sasabay? Dito ako dadaan tapos sa may Papa Bolo ako sasakay ng jeep." Sinuot ko ang hood ng jacket ko dahil nararamdaman ko na talaga ang lamig.

"Hindi, 'yung ballpen mo, isasauli ko," sabi niya saka dumukot sa bulsa niya. Nakita ko naman doon ang ballpen ko na hiniram niya kaninang umaga.

Inaabot niya sa'kin 'yon, "ayan, baka need mo mamaya eh." Kinuha ko naman saka marahang isinuksok sa bulsa ng bag ko.

"Sige na, thank you! Ingat ka pauwi." Ngumiti naman ako at hindi na siya tinanaw pabalik. Ay, kalamig talaga.

Diniretso ko ang malawak na daan. Dati, pangarap ko lang na makapasyal sa Tagaytay, ngayon, halos araw araw na akong bumabyahe para pumasok. Pero kahit araw araw akong nandito at nagrereklamo sa lamig, hindi pa rin nakakasawa. At may something talaga sa Tagaytay na hahanap hanapin mo. Wow, sana all binabalik-balikan.

Medyo foggy ngayon pero kahit na maulap, kita ko pa rin naman ang daan. Alas tres pa lang ng hapon, hindi pa labasan ng mga estudyante kaya naman mabilis lang akong nakasakay. Nag abot ako ng bayad kay kuyang driver at umayos ng upo. Punuan na rin itong jeep na nasakyan ko ngayon pero dahil mukhang kasya naman ako ay sumakay na ako.

Agad kong binuksan ang Spotify app ko at namili ng kantang patutugtugin. Nang makuntento ay sinuot ko na ang earphones ko saka pumikit. Malayo ang byahe kaya naman talagang batak ka dapat sa tugtugan para hindi ka mainip.

Nag play ang playlist kong 'the weekend baby' kasabay ng matulin na pagtakbo ng jeep. Minsan natatawa na lang ako. Parang nagto-Tokyo Drift ang mga jeep dito sa Tagaytay. Paano naman kasi, sobrang lawak ng kalsada, kasya kahit apat na sasakyan, idagdag mo pa na sa mga ganitong oras ng araw, wala masyadong motorista sa daan, kaya naman, kumapit ka ng mabuti, at drifter ang jeep na nasakyan mo.

Pumikit pa ako ng ilang minuto nang marinig ang notification ko sa messenger.

Nag pop-up ang chat heads ni Mama. Pinindot ko ito at binasa ang message.

"Nak, bili k ng chocoley." Ni-reply-an ko naman ito at agad na binaba ulit ang phone ko.

Mukhang dadaan na naman ako sa 7/11 nito. Ang plano ko nga ay dumiretso na lang ng uwi ngayong araw. Ano ba naman ito.

"Oh 'yung mga bababa ng bayan diyan," tawag ng driver. Mula sa bintana, makikita mo ang ilang mga stall sa tabi ng kalsada. Makikita mo rin ang ilang mga fastfood chain dahil madadaanan mo talaga ang mga ito. Umayos naman na ako ng upo, ipinasok ko na ang phone ko sa loob ng bag at inilabas ang wallet ko.

Ilang minuto pa ang lumipas at natawan ko na ang Sea Oil. Kulay pula naman ang ilaw kaya naman ng medyo malapit-lapit na ako, bumwelo na ako para bumaba.

"Kuya sa tabi lang," tawag ko sa driver. Tumango naman siya sa'kin at saka dali-dali akong kumilos pababa. Gaya ng nakagawian ko, tumawid ako sa kaliwa at sa side walk naglakad.

Napahinto pa ako sa bungad ng 7/11 at sinilip-silip ang loob nito. Si Ate Rose lang ang namataan ako. Salamat naman at mukhang wala 'yung si Jerome, 'yung lalaking staff na kung ano-ano ang pinagsasasabi sa'kin.

Napabuntong hininga ako saka dali-daling pumasok sa loob. Kumuha lang ako ng coke zero at dumiretso na sa chocolate section. Tinignan ko isa-isa ang mga nasa stall at pumili ng tatlong klase ng chocolate. Ayos na siguro ito.

"Ito lang po Ate," sabi ko sa kahera at nag abot ng bayad.

P-in-unch niya ang mga chocolate at coke na binili ko saka niya inabot ang pera na bayad ko. As usual, sinuklian niya ako at ibinalot ang pinamili ko.

Nagpasalamat lang ako saka pumihit palabas nang matanawan ko mula sa staff room si Jerome. Parang natataranta naman akong lumabas at naupo sa pinakagilid na pwesto ng store nila. Napapailing na lang akong nilagay ang pinamili ko sa mesa at saka nagbukas ng coke.

Magpapalipas lang din siguro ako dito ng isang oras saka uuwi.

"Miss Aisle, kumusta?" Napatingala ako at nakita ko na naman ang mukha ni Jerome na nakangiti sa'kin. Ito na naman siya. Gusto ko lang mag scroll sa Facebook ng mapayapa. Hindi ba pwede 'yon?

"Hindi ako titigil Sinaisle hangga't hindi mo ako pinapansin. Hindi ako titigil hangga't hindi mo ako nginingitian nang gaya kay Ate Abby o kay Ate Rose," base sa tono niya ay seryoso siya. Hinila niya ng marahan ang upuan sa harapan ko saka naupo.

Hindi ko siya pinansin at nagkunwari ako na parang wala akong kasama sa mesa. Hindi ko kasi maintindihan, wala akong makitang dahilan para magkaroon kami ng koneksyon sa isa't-isa.

"Noong nakita kita noong isang araw Sinaisle, parang nakita ko kung anong gusto ko mangyari sa hinaharap ko. Nang titigan kita, alam kong sinagot na ni Ama ang matagal ko nang panata. Sinabi kong hindi ako magmamadali, hindi ako maghahanap, hihintayin ko ang ipagkakaloob Niya sa'kin, at kapag nakita ko na siya, pinapangako kong habang buhay ko siyang mamahalin," mahaba at makapagbagbag damdamin niyang sabi habang napapatulala na lang ako sa kaniya.

Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko dahil hindi ko alam kung anong sasabihin o gagawin. Hindi ko alam kung anong itutugon ko. Nararamdaman ko na mula sa puso lahat ng sinabi niya. Nararamdaman kong totoo lahat 'yon at seryoso siya.

"Hindi mo kailangang sumagot Aisle, ayaw kong tawagin kang Sin dahil 'yon na ang tawag sa'yo ng lahat, at ayaw ko no'n dahil hindi mali at hindi kasalanan na gustuhin at mahalin ka. Wala kang kailangang gawin Aisle ko. Dahil ako na ang bahala. Hayaan mo akong ipakita at iparamdam sa'yo na gusto at mahal kita sa lahat ng paraan na alam ko," dugtong pa niya na lalong nagpatulala sa'kin.

Please lang, ano ba itong mga sinasabi ng lalaking 'to? Naiintindihan ko lahat pero bakit hindi ako makasagot? Nararamdaman ko ang pagkapuro ng mga salita niya. Tulungan ninyo ako!

"Hindi mo kailangang sumagot, Aisle. Hindi ako magtatanong, pero sana, kung dumating na ang araw na gusto mo na rin ako, sabihin mo sa'kin ng pasalaysay. Dahil alam kong mahal kita simula noong nakita kita, at ang pagmamahal ay hindi nagtatanong. Ito ay malinaw, ito ay dalisay." Hinawakan niya ang mga kamay ko at tumitig sa'kin habang may ngiti sa kaniyang labi.

"Hindi ako maghihintay Aisle, dahil kadalasan, ang mga naghihintay ay naiinip at umaalis. Pero ako, handa akong samahan ka, sasama ako palagi, nang sa gayon ay hindi ako mawawala sa tabi mo." Iniangat niya ang kamay niya saka marahang ginulo ang buhok ko.

"Hindi ko mapigilan ang nararamdaman ko sa'yo, Aisle. Ang cute mo masyado. Oh sige na, papasok na ako. Ito ang number ko, i-text mo ako kapag nakauwi ka na." Kinuha niya ang resibo ko at isinulat niya ang number niya doon. Isiniksik niya ito sa loob ng paper bag na naglalaman ng mga pinamili ko.

"Mag ingat ka, mahal ko." Tumayo siya at umalis na. Pumasok siyang nakangiti sa loob at nagsimulang mag-ayos sa mga estante.

Nang makabawi ay napahawak na lang ako sa dibdib ko. Ano ba itong nararamdaman ko? Bakit ganito?

Walang mga paru-paro, malakas ang pintig ng puso ko pero alam kong kalmado ako. Hindi ako kinakabahan, pero alam kong masaya ako. May kiliti at parang siguradong sigurado ako.

Tinitignan ko pa siya ulit saka tumayo na sa kinauupuan ko.

Kinuha ko sa loob ng paper bag ang papel na may numero niya. Dinukot ko ang phone ko saka nagtipa, "uuwi na ako, Je."

Nagsimula akong maglakad habang nakatingin sa intersection ng Sabutan. Walang pumapasok sa isip ko.

Sinalubong ko ang kaniyang puso, at hinayaan ko na tuluyang magkrus ang mga buhay namin. At alam ko, sa mga oras na 'to, handa akong sabayan siya sa biyahe ng buhay na naghihintay sa'ming dalawa na magkasama.

Gunita sa 7/11Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon