3

1 0 0
                                    

Naglalaro ang mga bata sa hardin ng malaking mansyon ng mga Quinonas habang ibang nakakatanda ay nasa loob ng mansyon. Nagpapasahan ng kani-kaniyang kuwento at kinikilala ang isa't-isa.

Maraming Quinonas sa buong bansa. Kilala ang apilyedong Quinonas na makapangyarihan. Mayamang pamilya.

Ang pamilyang Quinonas na lubos na tinitingala ng lahat ay ang mga Quinonas na nagmula sa lahi ni Pablo Quinonas. Ang nagmamay-ari sa mansyon kung saan nag-sasaya ngayon ang lahat ay si Pedro Quinonas. Ang ikalawang anak ni Pablo.

Mayroong tatlong anak si Pablo, lahat ay lalaki.

Ang bunso ay si Piolo na naninirahan na ngayon sa Europa kasama ang asawa't mga anak. Halos dalawang dekada na ang nakakalipas simula nang makapag-asawa ito. Matapos magpakasal ay nagtungo ang mag-asawa sa Europa at hindi na muling bumalik pa sa Pilipinas.

Ang gitna at ikalawang anak ay si Pedro. Si Pedro Quinonas ay mayroon na ring pamilya. Mayroon na silang dalawang anak ng kaniyang asawa. Ang isa ay babaeng nasa labing-pitong taong gulang na. Siya si Karla. At ang lalaking anak niya na si Rubio na nasa labing-dalawang taong gulang.

"Señorita Mercedes! Jusko, tumayo ka riyan!" Nagulantang ang batang si Mercedes nang marinig ang boses ng katiwala nilang siya ring tagabantay niya habang nakaupo siya sa sariling paa sa labas ng mansyon. Naroon din ang ilang bata na naglalaro.

Nang hindi sumagot si Mercedes kaagad ay nagsalita pa ulit ang babae.

"Pakiusap Mercedes, kagagalitan ako ni Donya Chiquita!" wika nito.

Nang marinig iyon ay kaagad na tumayo na si Mercedes. Kinabahan si Mercedes, hindi naman istrikta ang ina niya ngunit kung makikita siya nito ay hindi naman ang tagapagbantay ang kagagalitan ni Donya Chiquita kung hindi ay siya. Hindi nagagalit ang kaniyang ina sa mga kasambahay o tagapagbantay niya.

Si Mercedes ang nag-iisang anak ni Protacio Quinonas, ang panganay na anak ni Pablo. Ang siyang nagmana ng pinakamalaking porsyento sa yaman ni Pablo Quinonas at ang pumalit sa ama na maging pinuno ng buong angkan nang pumanaw ito.

Dahil dito ay maraming nagsasabing nararapat nang magkaroon ng lalaking anak si Protacio. Pitong taong gulang na si Mercedes ngunit hindi pa siya nasusundan. Hindi maaaring pamunuan ang angkan ng isang babae.

Sinubukan naman ng mag-asawa na magkaanak muli. Limang beses din na nagdalang-tao muli si Donya Chiquita ngunit namatay ang mga ito habang nasa sinapupunan pa.

Nais man maghanap ng mga tao sa paligid ng masisisi sa kamalasang iyon sa buhay ng mag-asawa ngunit wala silang mahanap. Kilalang mabubuti ang mga Quinonas. Sa lahat ng mayayamang pamilya ay hindi lamang sila hinahangaan sa yaman at kapangyarihan nila kundi pati na rin sa kanilang kabutihan at pantay-pantay na tingin at pagtrato sa lahat. Naiiba sila sa ibang mga pamilyang nakatataas sa buhay kaya ang iniisip ng lahat ay maaaring iyon ang kapalit na hiningi ng diyos sa lahat ng biyayang binigay nito sa pamilya.

Nang matapos ang piging, bago umuwi sila Mercedes ay nagpaalam sila sa kaniyang Tiyo. Sandali pang nag-usap sila Pedro at Protacio. Tahimik na nakatayo lamang si Mercedes sa gilid ng kaniyang ina na katabi ng kaniyang ama ngayon nang mahuli ng kaniyang mga mata ang pinsang si Karla na lumabas ng mansyon.

Sinundan niya nang tingin si Karla ngunit nalipat ang tingin niya kay Rubio nang bigla itong sumulpot mula sa kung saan at lumapit sa kaniyang mga magulang. Tinitigan lamang niya ang kaniyang pinsan na minsan lang niya kung makita.

Matapos mag-usap ng mga Don ay umalis na sila Mercedes. Nakatulog siya sa balikat ng ama habang nasa biyahe.

Ang saya mula sa piging sa tahanan nila Pedro Quinonas ay napalitan nang kinabukasan ay may matanggap silang balita.

Dos no QuinonasWhere stories live. Discover now