Halos tatlong buwan na ang lumipas subalit patuloy pa rin ang digmaan sa pagitan ng Kaharian ng Gana laban sa tatlong Kaharian na nag-alyansa.
Halos lugmok na ang buong kaharian ng Gana mula sa sunod sunod na mga matitinding pagsalakay ng kanilang mga kalaban. Kinakapos na sila ng suplay ng mga pagkain at gamot.
Nagtungo si Haring Napoleon sa pinaka-sentro ng kaharian ng Gana, ang tanyag na lungsod ng Abalon. Kasama niya ang pulutong ng mga sundalo sa pamumuno ni Heneral Zakarias.
Pinagmasdan ng Hari ang nangyaring pagkawasak ng kanyang mahal na lungsod. Nagsiguho at naging halos abo na lamang ang dating matataas at matatayog na mga gusali ng Abalon na siyang tinitingala maging ng mga dayuhan.
Halos binalot na ng kadiliman ang buong lungsod na dati rati ay nagtataglay ng tila mga maningning na bituin at mga brilyanteng nagkikislapan.
Nakita ng Hari ang isang babae na nakaupo sa gilid ng kalsada ng lungsod. Mayroon itong karga karga na isang sanggol. Nakita niya ang matinding paghihinagpis ng babae. Dumadaing at naglulupasay ito mula sa nadarama nitong matinding sakit ng kalooban. Wala nang buhay ang sanggol na kanyang yakap yakap.
Abala naman ang mga sundalo sa buong paligid ng Abalon. Pinagtutulungan nila na buhatin ang mga walang buhay na katawan ng kapwa nila mga sundalo at mga inosenteng sibilyan. Inilalagay nila ito sa isang malaking sasakyan at pinagsasama nilang inililibing ang mga ito sa isang malalim na lupa.
Kahapon lamang nang maganap ang paglusob ng kanilang mga kalaban sa lungsod ng Abalon. Naganap ang paglusob ng mga ito habang nasa pagpupulong sa palasyo si Haring Napoleon kay Haring Titus na mula sa kaharian ng Rama. Nagkasundong mag-alyansa ang dalawang kaharian kapalit ng langis at mga armas.
Mayaman at sagana sa langis ang kaharian ng Gana. Na isa sa mga dahilan kung bakit nais silang digmain at sakupin ng iba pang mga kaharian na nakapalibot sa kanila. Ang Kaharian naman ng Rama ang pinaka-tanyag sa buong mundo dahil sa paggawa ng mga magaganda at dekalidad na mga armas at kagamitang pandigma.
Napaluhod si Haring Napoleon mula sa kanyang kinatatayuan. Hinugot niya ang kanyang espada mula sa sisidlan nito na nasa gilid ng kanyang beywang. Tinaas niya ang kanyang mahaba at makintab na espada na tila inaalay niya ito sa kalangitan. Tumingala siya sa langit. Puno ng pagsusumamo ang kanyang mga mata. Nasundan ng kanyang malakas na hagulgol. Napa-hiyaw siya mula sa kanyang nadaramang labis na lungkot at galit.
"Pakiusap kamahalan, buhayin mo ang aking anak! Parang-awa mo na, kamahalan! Hindi dapat mamatay ang aking anak! Hindi sa ganitong uri ng kamatayan! HINDI!!!" Patuloy sa pagsisigaw ang naturang babae na tila nasiraan ito ng bait. Walang humpay ito sa pag-iyak. Sinikap nung babae na makalapit kay Haring Napoleon ngunit mabilis naman siyang hinarangan ng mga sundalo at inakay palayo sa Hari.
Hindi natinag si Haring Napoleon dahil nanatili lamang ito sa kanyang pagkakaluhod hanggang sa sumapit ang paglubog ng araw sa buong Kaharian ng Gana.
###
N021724
YOU ARE READING
ISRAEL
General FictionIsang kaharian ang naghihintay sa pagbabalik ng natatanging tagapagmana ng gintong korona. Hindi matatakasan ni Israel ang kanyang tadhana.