Part 1: The Gate of the PalaceWalang tigil ang pagtunog ng mga signal warning sa buong kaharian. Senyales na may paparating na panganib. Halos lahat ng mga tao ay lumilikas mula sa kanilang bahay patungo sa palasyo.
Maraming grupo ng mga sundalo ang nakapaligid at nagbabantay upang matiyak ang seguridad sa buong kaharian.
Samantala sa labas ng gate ng palasyo ay nakapila ang napakaraming tao. Ang iba sa kanila ay mga matatanda, mga bata, mga buntis at ang iba nama'y mayroong kapansanan. Bakas sa kanilang mga mukha ang labis na nararamdaman nilang takot at pangamba. Nakatitig sila sa napakataas na gate ng palasyo na gawa sa bakal. Umaasa sila na magbubukas ito upang papasukin sila sa loob.
Sa tuwing may dumarating na sasakyan ay bumubukas ang gate. Hanggang sa napansin nila na halos mga mayayamang tao at mayroong mataas na posisyon sa palasyo lamang ang pinapapasok ng mga naka-gwardyang sundalo kaya nagalit ang mga tao. Nagsisigaw at nagmamakaawa sila na papasukin sila sa loob ng palasyo. Samantalang ang iba naman ay nagsi-iyakan na lamang na tila ba ay nawalan ng pag-asa.
Napatigil sila nang makarinig sila ng malalakas at sunod sunod na pagdagundong sa langit. Nakakita sila ng mga sumasabog na bomba sa ere. Nagpanic ang mga tao. Tinutulak nila ang gate ng palasyo upang mabuksan.
Samantala sa loob ng palasyo ay magkausap ang Heneral ng mga sundalo at ang Hari.
"Ipinag-uutos ko na isarado na ang lahat ng mga pintuang daan ng palasyo!" Ang utos ng Hari na naka-upo sa kanyang trono.
"Kamahalan, ano ang gagawin sa mga tao na magpupumilit na makapasok dito sa loob ng palasyo?"
"Nais ko na hanapan mo sila ng isang ligtas na lugar na maaari nilang pasamantalang matirhan. Ipagbigay-alam mo sa kanila na aking ipapahatid ang kanilang pangangailangan tulad ng mga pagkain at mga gamot para sa mga maysakit habang nasa panahon tayo ng digmaan. Aasahan kita, Heneral."
"Masusunod, kamahalan." Ang sagot ng Heneral mula sa kautusan ng Hari. Pagkatapos nga kanilang pag-uusap ay mabilis na itong umalis.
Pagkaalis ng Heneral ay saka nagkaroon ng pagkakataon ang Reyna na kausapin ang Hari.
"Kamahalan, pakiusap, bigyan mo sana ng pagkakataon na makapasok ang ating mga mamamayan dito sa loob ng ating palasyo." Hinimas ng Reyna ang kanyang tiyan. Kasalukuyan siyang nagdadalang tao. "Labis kong inaalala ang kaligtasan ng mga bata at mga kababaihan na katulad ko na nagdadalang-tao. Hindi matatahimik ang loob ko kapag naiisip ko na naroon ang ating mamamayan sa labas ng palasyo at umaasa na pagbubuksan natin sila ng pintuan at patutuluyin."
"Patawarin mo ako mahal ko, kung sa pagkakataong ito ay hindi kita mapagbibigyan sa iyong kahilingan sapagkat kahit gustuhin ko man na papasukin silang lahat dito sa palasyo ay hindi natin kakayanin na kumupkop ng napakaraming tao lalo na sa panahon ngayon, itong kinakaharap nating digmaan.
Hindi natin natitiyak kung kailan ito matatapos. Kaunti lamang ang ating mga silid rito sa ating palasyo at sapat lang din sa atin ang nakaimbak na pagkain."
Tumayo ang Hari mula sa kanyang pagkaka-upo at pagkatapos ay lumapit ito sa kinauupuan ng Reyna na nasa kanyang tabi. Hinalikan nito ang kanyang tiyan. "Ilang buwan na lamang ay lalabas na ang ating supling. Ang siyang aking magiging tagapagmana ng korona dito sa kaharian. Nais kong maging pangalan niya ay Israel. Sapagkat napanaginipan ko na ang ipangalan sa aking magiging unang supling ay Israel. Ang aking panganay at tagapagmana.""Israel? Napakagandang pangalan para sa isang anak na lalake. Ngunit, mahal ko, paano naman kung ang ating supling ay isang babae?"
Hinawakan ng Hari ang kanyang kanang kamay at hinalikan ito. "Kung ganun, Israel parin ang nais kong ipangalan sa kanya, mahal ko. Princess Israel ang itatawag sa kanya ng buong kaharian. Tiyak ako na magiging kasing ganda mo ang ating anak kung siya man ay isang babae."
Biglang dumating ang tatlong sundalo kasama ng mga ilang serbedora ng palasyo kaya naputol ang usapan ng Hari at Reyna.
"Kamahalan, narito at handa na ang iyong mga kasuotan at sandatang pandigma."
N0102123
YOU ARE READING
ISRAEL
General FictionIsang kaharian ang naghihintay sa pagbabalik ng natatanging tagapagmana ng gintong korona. Hindi matatakasan ni Israel ang kanyang tadhana.