Kabanata 2

1 0 0
                                    

"Habulin n'yo siya! Bilisan n'yo!"

Nang marinig ko ang baritonong boses ni William ay mas lalo akong kumaripas ng takbo kahit na ramdam na ramdam kong matutumba na ako sa pagod. Ito na marahil ang pinakamabilis na takbong ginawa ko sa tanang buhay ko. Nanginginig ang buong katawan at tagaktak ang malamig na pawis sa aking mukha. Nagmistulang tambol ang puso ko dahil sa lakas ng kabog nito na akala mo'y luluwa na palabas sa aking dibdib. Hindi ko na mawari pa kung dahil ba ito sa pagtakbo o sanhi ng takot na nararamdaman ko sa mga oras na ito.

Kanina pa ako tumatakbo palayo sa kanila pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin sila mailigaw. Isa na rin siguro sa mga dahilan ay mas alam nila ang pasikot-sikot dito kaysa sa 'kin na bagong salta pa lang.

Mariin kong kinagat ang ibabang labi ko nang makita na hanggang ngayon ay nakapatay pa rin ang mga CCTV camera na nakapaligid dito. Pilit kong hinahagilap ang mga guwardiyang nakita ko kanina ngunit tila'y nawala sila na parang mga bula. Habang tumatakbo ay inayos ko ang hood ng aking jacket nang kamuntikan na itong matanggal sa aking ulo nang tumama ang malakas na hangin sa aking katawan. Hindi dapat nila makita ang mukha ko.

Nang may masulyapan akong maliit na eskinita ay walang habas akong lumiko roon. Umaasang makakalayo ako sa kanila ngunit mabilis din nila akong nasundan.

"Putanginang babae ka! Pagnahuli ka namin, mata mo lang ang walang latay!" umalingawngaw sa pandinig ko ang boses ni William.

Bahagya kong pinikit ang aking mga mata. Hindi ko alam kung paano ako makakaligtas ngayong gabi.

Ilang ulit akong lumiko sa bawat daan na nakikita ko. Pagod na pagod na ako pero kailangan kong magpakatatag. Kung hihinto ako sa pagtakbo, sigurado akong papatayin din nila ako kagaya ni Carlos. Ayaw ko pang mamatay marami pa akong pangarap para sa pamilya ko.

Unti-unting tumulo ang mga luha sa mata ko. Pamilyar sa akin ang eksenang ito. Parehong-pareho ito sa mga panaginip ko noon pero ang pinagkaiba lang ay talagang hinahabol ako ng mga taong gustong patahimikin ako.

Sa anim na pagliko ay nawalan ako ng balanse at natumba. Tumama ang buo kong katawan sa magaspang na semento. Sunod-sunod na sakit ang naramdaman ko lalo na sa kaliwang paa ko.

Tuluyan nang bumuhos ang mga luha ko. Ilang ulit akong umiling upang mabura sa aking isipan ang nagmamakaawang mukha ni Carlos ngunit kahit na ilang beses pa ako pumikit at lumuha ay hindi pa rin ito mawala.

"Kailangan natin makita ang babaeng iyon. Malilintikan tayo pag nalaman ito ni supremo!"

Namilog ang mga mata ko. Mabilis na kumalat ang takot sa aking katawan nang marinig ko ang mabibilis at mabibigat na mga yabag na papalapit sa aking kinaroroonan. Hindi na ako nagdalawang isip na tumayo kahit nanghihina na ang aking mga tuhod at braso.

Paika-ika akong tumakbo sa abot ng aking makakaya. Hindi ko na alam kung saan ako patungo, sinusundan ko na lang kung saan ako dadalhin ng mga paa ko.

Kailangan kong makalayo sa kanila. Kailangan kong mabuhay. Kailangan kong bigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Carlos!

Bumagal ang pagtakbo ko nang mapadpad ako sa isang interseksyon. Inilibot ko ang aking tingin sa buong paligid. Hindi ko alam kung saan ako tatakbo. Kung dadaan ako sa kaliwang direksyon, mahuhuli ako ng mga kasamahan ni William na naghihintay doon, at kung tatakbo ako sa unahan, mahuhuli rin ako ng iba pa niyang kasamahan. Ang tanging ligtas na daan ay ang kanang bahagi ngunit dead end na ang dulo nito tulad ng babala na nakasulat sa dingding.

Saan ako pupunta nito? Saan ako magtatago?

Binalot ng matinding kaba ang buong katawan ko nang marinig ko ang mga boses nila.

Ripping MiseryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon