November 30, 2014
Maaga ang uwian namin ngayon pero nagpasya akong tumambay muna sa school. Boring din naman sa bahay at mabubwisit lang ako. Pagkatapos kaming idismiss ay dumiretso ako sa canteen.
Magtatanong pa lang sana ako sa tindera kung magkano ang pagkain na tinuturo ko ay nakataas na agad ang kilay niya kaya naman nagbigay nalang ako ng singkwenta at naghintay ng sukli.
Kinuha niya naman ito at imbes na pera ang ibigay ay nagulat ako nang suklian niya ako ng mga candy.
"Hindi ako bibili ng candy." sabi ko habang tinitingnan lang ang nakalapag na mga candy.
"Wala kaming barya." masungit niyang tugon at inirapan pa ako bago ako tinalikuran para daluhan ang estudyanteng bibili rin.
Maganda pa naman ang araw ko ngayon pero sinira lang ng babaeng ito. Sumikip ang dibdib ko sa galit.
Kinuha ko na ang tinapay na binili ko at umupo. Pinili ko ang table na malapit sa pintuan palabas. Habang kumakain ay pinapanood ko ang tinderang nagsusungit din sa ibang estudyante. Kurbadong kurbado ang maiitim niyang kilay na mukhang laging nakataas.
Nang maubos ang tinapay ay bumalik agad ako sa counter para bumili ng instant noodles. Alam ko ang eksaktong presyo nito kaya iyon ang binigay ko sa tindera. Sinabihan niya akong ibibigay na lang sa table ko ang noodles.
Habang hinihintay ay sinukbit ko na ang bag ko para maghanda sa gagawin kong magandang eksena. Nang sa wakas ay palapit na siya sa akin habang hawak ang tray ay hindi ako mapakali sa excitement.
Pero hindi dahil sa noodles.
Kinuha niya ang mangkok na nasa tray at nang akmang ilalapag niya na sa table ko ay hinampas ko ang kamay niya pataas kaya naman tumalsik ang mainit na sabaw sa mukha niya.
Napahiyaw siya kaya nagsitinginan ang mga tao doon. Sigurado akong hindi ako kita dahil nga nasa gilid ako sa may pintuan at nahaharangan ng tindera.
Habang takip takip ang mukha ay tumatalon talon din siya. Bago ako tumayo ay kinuha ko pa ang mangkok at sinaboy sa mukha niya ang laman at nagmamadaling tumakbo palabas.
Hiyaw na may kasamang iyak ang narinig ko habang tumatakbo na ako papunta sa gate sa likod ng school. Mangilan ngilan lang ang dumadaan dito dahil madalas sa entrance gate sila nagtutungo.
Sumabog ang tawa ko nang makalabas na sa school. Ako pa talaga ang tinarayan niya, huh?
Hindi lang ako ang nakaganti, naipaghiganti ko rin ang lahat ng mga estudyanteng sinungitan niya. Sira na nga ang mukha, may gana pa siyang magtaray.
Tingnan ko lang kung hindi matanggal ng mainit na sabaw ang drawing niyang kilay.
BINABASA MO ANG
Hidden Mind
Mystery / ThrillerAvi seems to be a normal high school student, but beneath her ordinary appearance lies a hidden truth. For her, when faced with humiliation, "Don't let them get away with it, strike back. Even if it takes violence." She never realized that her actio...