Chapter Three

24 2 0
                                    

Chapter Three
The Forest

────•~✦~•────

AUDRA

Pagtapak namin sa loob ng Bleeding Forest, agad kaming sinalubong ng lamig at ng naiibang tanawin nito. Mas nagtataasan ang mga puno at may hamog na bumabalot sa paligid, kaya kahit may araw ay kaunting liwanag lang ang pumapasok sa lugar. Sigurado akong kapag gabi ay wala na talagang makikita sa gubat na ito kaya tuwing umaga at hapon lang kami pumupunta rito para sa aming trabaho.

Maingat kaming naglakad sa pangunguna pa rin ni Tatay Alonso. Bahagyang nagpapahuli si Theron na siyang nagbabantay sa aming likuran, habang kami ni Kuya Oscar ay nasa gitna at nagmamasid sa magkabilang gilid.

Tahimik ang buong kapaligiran na tila nag-aabang kung ano ang sunod naming gagawin. Walang maliliit na mga hayop sa lugar na ito at halos wala ring hangin ang nagagawi kaya kahit ang mga dahon sa puno ay hindi gumagalaw. Tinalasan namin ang aming pandinig sa kahit na anong kaluskos, pero ang kaunting ingay na naririnig namin ay galing lang sa aming mga yapak at hininga.

Nakuha ng Bleeding Forest ang pangalan nito dahil nagdurugo ang mga taong pumapasok dito, at nananatili sa paligid ang masangsang na amoy na humahalo sa amoy ng lupa at mga dahon. Pero ayon sa mga pinag-aralan namin sa History, ang Bleeding Forest ay dating bahagi ng Thomasine noong wala pa ang mga nilalang na kasalukuyang namumugad rito. Ang lupaing sakop nito ay dating limang rehiyon na tinitirhan din ng mga tao.

Nagbago lang ang lahat nang isang estrangherang witch na nagngangalang Jemisha ang gumawa ng curse, mahigit tatlong daang taon na ang nakalipas, sa kagustuhan niyang pabagsakin ang kaharian.

Gumamit si Jemisha ng isang spell na walang ibang nakaaalam para magpalabas ng mga nilalang na mababangis at gutom sa laman ng tao. Pagkatapos, inutusan niya ang mga ito ayon sa kanyang kagustuhan. Sinubukan niyang patayin ang lahat ng mga tao sa bawat rehiyon, pero hindi siya tuluyang nagtagumpay sa kanyang plano dahil lumaban ang mga taga-Thomasine.

Natalo si Jemisha at namatay, ngunit ang mga nilalang na pinalabas niya ay nanatili at hindi basta-basta napupuksa. Mabuti na lang ay nagawang ihiwalay ang mga napinsalang lupain at naikulong ang mga nilalang sa pamamagitan ng Border.

Sa paglipas ng mga siglo, ang mga naging hari at reyna ng Thomasine ay sumubok magpadala ng kanilang pinakamagagaling na hukbo ng mga witch at wizard para pumunta sa Bleeding Forest at puksain ang mga nilalang dito, pero walang nagtatagumpay kapag narating na nila ang pinakamalalim na parte ng kagubatan.

Nasa dalawampung metro ang nilakad namin bago huminto si Tatay Alonso at sumenyas sa lupa. Tiningnan naman naming mga nasa likuran niya ang kanyang tinuturo at nakita ang bakas ng mga paa ng isang hayop.

"Aoyin," bulong ni Kuya Oscar matapos suriin ang hugis at laki ng mga bakas. Tumango si Tatay Alonso at tinuro ang direksyon palayo sa pinuntahan ng Aoyin dahil hindi ito ang pakay namin ngayong hapon.

Mahirap kung kalalabanin namin ang bawat nilalang na madadaanan namin sa Bleeding Forest. Hangga't maaari, pinupunan lang namin ang mga paunang order na binayaran na sa tindahan para sariwa itong makukuha ng mga customer, isang araw matapos nilang magbayad. Pero madalas, may mga sobra kaming nabibitbit pauwi na ibinebenta rin namin sa tindahan hangga't hindi nabubulok o nalalanta.

Ang mga hayop at halaman na matatagpuan dito sa Bleeding Forest ay depende kung saang parte kami pupunta dahil nahahati ang kagubatan sa tatlo─ang outer layer, middle layer, at inner layer.

Sa outer layer gumagala ang pinakamahihinang uri ng mga nilalang at ito ang madalas puntahan ng mga tulad naming naglalakas-loob. Sanay na kaming makipaglaban dito pero kailangan pa rin ng ibayong ingat.

The Witch SwitchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon