Chapter Two

20 2 0
                                    

Chapter Two
The Commoner

────•~✦~•────

AUDRA

Pinanood ko ang mga magagarang karwaheng dumaraan sa isang gubat patungo sa malaking kastilyong napalilibutan ng matataas na mga pader sa kanlurang bahagi ng aming bayan.

Pasukan na naman sa Lunes. Hindi nakapagtatakang nagsisidatingan na ang mga estudyante ng Lucian University mula sa iba't-ibang rehiyon ng kaharian.

"Ano kayang pakiramdam ng maging mayaman?" naisip kong itanong sa kasama ko bago ako sumubo ng isang dakot ng kanin at ulam mula sa hawak kong plato. Nandito kami sa burol na paborito naming tambayan para kumain at magpahinga bago magpatuloy sa trabaho namin mamaya.

Sumandal si Theron sa punong nagbibigay ng lilim sa'min ngayong tanghali at kunot-noong sinulyapan ang direksyong tinitingnan ko. "Bakit? Gusto mong makasakay ng karwahe at makapasok sa pamantasang 'yan tulad nila?"

"Aba'y oo, kung pinalad lang ako," sabi ko habang ngumunguya. "Hindi mo ba iniisip kung anong itsura ng loob ng ganyang kalaking kastilyo?"

"Hindi," agad niyang sagot. "Pero kung nagbabayad sila ng tatlong daang libong trepi para sa matrikula, marahil ay gawa sa ginto ang mga silid dyan."

Napangisi ako. "Anong malay natin? Baka pati kubeta nila ay ginto."

"Siraulo." Natatawang inabot ni Theron ang sandok at akmang kukuha pa ng kanin, pero napasimangot siya nang makitang wala nang laman ang maliit na kalderong dinala niya. "Inubusan mo na naman ako?"

Mabilis kong nilayo ang plato ko sa kanya bago pa niya maisipang agawin ang natitira kong kanin. "Huwag ka nang magtaka. Alam mo namang paborito ko 'tong adobong kangkong na luto mo."

"Kahit anong ulam ang dalhin ko, mas malakas ka pa ring lumamon kaysa sa'kin. Pambihira," reklamo ni Theron. "Sigurado ka bang walang magick na kayang magpalitaw ng mga pagkain? O kahit punuin mo lang ulit 'tong kaldero."

"Nako. Kung may gano'ng spell, hindi ako nambuburaot sa'yo. Karne sana ang ulam ko sa araw-araw at hindi lang tuwing may pagdiriwang," sabi ko sa kanya.

"Wala rin palang silbi ang pagiging witch mo kung hindi ka marunong magluto. Mamamatay ka pa rin sa gutom," nakangising asar sa'kin ni Theron bago siya uminom sa kanyang bote ng tubig.

"Kaya nga kita kinaibigan para may tagaluto ako," natatawa ko namang sagot.

Dito sa Kaharian ng Thomasine, may dalawang uri ng mamamayan. Ang kalahati ng populasyon ay tulad ko na may katutubong dugo at ipinanganak na may magick kaya tinatawag na witch o wizard. Ang natitirang kalahati naman, katulad ni Theron na ang dugo ay galing sa mga dayuhang nanirahan lang dito at walang taglay na magick.

Makikita sa itsura ang pagkakaiba ng mga witch at wizard dahil kami lang ang may ginintuang mga mata sa buong mundo. Gayun pa man, hindi naging hadlang ang dugo para maging matalik na magkaibigan kami ni Theron.

Pinagpatuloy ko ang aking pagkain at muling pinagmasdan ang kastilyo ng Lucian University sa malayo.

May tatlong antas ng pag-aaral para sa mga taga-Thomasine, may magick man o wala. Sa primary education, ang mga batang nasa limang taong gulang na ay tinuturuan kung paano bumasa at sumulat. Tinuturuan din sila ng mga basic non-magick subjects tulad ng Arithmetic, Literature, History, at iba pa. Limang taon ang gugugulin dito bago makapasok sa secondary education.

Pagdating sa secondary education, hiwalay na ang mga paaralan para sa mga estudyanteng may magick at wala dahil maliban sa itinuturong advanced non-magick subjects, pinag-aaralan na rin ng mga witch at wizard ang basic magick subjects. Anim na taon naman ang gugugulin ng mga estudyante rito.

The Witch SwitchTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon