Kabanata 03
Kleya's POV
Hingal na hingal ako habang nagtatago sa isang malaking aparador. A-Andito siya, si Ben, andito siya. P-Paanong buhay siya? Diba dapat nasa libro lang siya?
May narinig akong yapak ng mga paa kaya nanginginig na tinakpan ko ang bibig ko upang di makagawa ng ingay.
Sumilip ako sa maliit na butas ng aparador at kitang-kita ko ang isang taong walang ulo at may hawak na kadenang matutulis sa isang kamay. Nang masilayan ko ang isa pa niyang kamay ay napasinghap ako at napahawak sa dibdib dahil sa matinding kaba at takot. Isang puso ng tao ang hawak ng kaliwang kamay niya at kinakain niya ito gamit ang leeg niyang putol. Pinapasok niya lang sa butas ng leeg niya ang pusong hawak niya.
Tila nanghina ako sa nakita. Hindi ko alam kung kanino ang puso na iyon ngunit sigurado ako na sa puntong iyon, ako lang mag-isa sa silid. Napatili ako nang biglang bumukas ang aparador saka bumungad sakin ang katawan ni Ben. Klarong-klaro ko ang duguan niyang katawan at may nakalambitin pa na bituka ng tao sa kadena niya. "AHHHH!"
“Kleya! Kleya, gising!” Napabalikwas ako ng bangon at nanlalaki ang matang napatingin sa kawalan. “Ayos ka lang?” Boses iyon ni Luwi.
“L-Luwi? Bakit? Anong problema?” Tinanggal ko ang headset at sinilip ang oras sa cellphone. “Alas onse pa pala?”
“Nawawala sina Carlos at Zyra.” Ang boses niya ay parang naiiyak. Dahil madilim, inilawan ko ang mukha niya at natawa ako nang makitang umiiyak nga siya.
“Mukha kang tanga!” Tumayo ako at lumabas ng tent.
“Seryoso kasi! Kanina pa sila eight umalis pero hanggang ngayon, hindi pa rin sila bumabalik.” Nagpapadyak siya sa inis dahil siguro sa pagtawa ko.
Napabuntong-hininga ako at hinarap si Luwi. “Alam naman natin ang relasyon nila, diba? Baka naman nag-momol lang hehehe.”
“Nang ganito katagal?” Singhal niya. I just shrugged saka pinuntahan ang iba pa naming kasama. Bumungad sakin ang mukha nilang may pag-alala at takot. Kahit nga ang pala-asar na si Julius ay sobrang seryoso ng mukha. Pansin kong wala si Finn, siguro hindi na nila ginising.
“Guys, chill lang kayo. Babalik din ang mga iyon.” Pagpanatag-loob ko sa kanila.
At naghintay nga kami ng ilang mga oras, hanggang sa mag alas-dos na ng madaling araw ay wala pa rin sila. Kaya napagpasyahan naming hanapin sina Carlos at Zyra.
Madilim pa rin sa labas nang lumabas kami kaya kanya-kanya kaming may dalang flashlight. Naisipan naming maghiwa-hiwalay upang mapadali ang paghahanap.
Si Luwi, piniling ako ang maging kasama, sina Shy at Pomela naman ang magkakasama, saka sina Liane at Julius.
“Basta pag nahanap niyo na sila, text-text nalang.” Paalala ni Liane at agad kaming tumango sa kanya.
Pinili naming maghanap ni Luwi sa ibang mga bahay na nakahilera malapit sa tinulugan namin. Sina Julius at Liane ay napiling maghanap sa kakahuyan sa likod lang ng mga bahay.
“Carlos? Zyra? Andito ba kayo?” Sigaw ko pagkapasok ng unang bahay. “Lu, dito ka, dun ako sa second floor.” Naghiwalay kami ni Luwi at nagtungo ako sa second floor. Lahat na ata ng mga kwarto ay natingnan ko na pero wala paring bakas nina Carlos at Zyra akong nakita. Bumaba ako sa first floor at hinanap si Luwi. “Lu?” Nakita ko naman agad si Luwi.
“They’re not in here.” Aniya kaya napagpasyahan naming magtungo sa kasunod na bahay. Hanggang sa halos lahat ng mga bahay sa lugar na ito ay napuntahan na namin kaya tinext ko ang kasamahan namin.
Nagpahinga muna kami saglit ni Luwi sa isang playground na naroon sa katapat ng huli naming pinasok na bahay. “Saan kaya sila?” Tila nanlulumo si Luwi. I understand him dahil pinsan niya si Zyra kaya natural lang na mag-aalala siya.
“Lu, wag tayong mag-isip ng masama. Baka en-enjoy lang nila ang sandaling ito habang magkasama sila kasi nga diba lowkey lang ang relasyon nila since ayaw ng mommy ni Zyra kay Carlos?”
“Ewan. Di ko talaga mapigilang kabahan.” Tinapik ko na lamang ang balikat niya.
Maya-maya, may naaninag kaming flashlight patungo sa direksyon namin at nakita namin sina Pomela at Shy na kapwa hinihingal. “Ano, nakita niyo ba sila?” Tanong ko agad.
“Siguro naman kasama namin sila ngayon kung nakita namin, diba?” Pamimilosopo ni Shy kaya sinamaan ko siya ng tingin.
“Sshhh!” Biglang sita samin ni Pomela. “Naririnig niyo ba iyon?” Agad kaming tumahimik at pinakinggan ang paligid. Hanggang sa narinig namin ang nakakakilabot na palahaw sa bandang unahan namin. May narinig din kaming yapak ng mga paa tila papunta sa direksyon namin.
Kapwa kami napahiyaw at napatalon sa gulat nang may bumagsak sa likuran namin. Agad naming itinutok doon ang flashlight. Ganun nalang ang pagkagimbal namin nang makilala ang taong bumagsak sa likuran namin. “Z-Zyra…” Nanginginig ang boses na sambit ni Luwi.
Si Zyra, nasa harapan namin. Gutay-gutay na ang katawan at may butas sa dibdib tila ba parang kinuha ang puso niya. Nakadilat ang dalawang mata niya at puno ng dugo ang damit niya. Ngunit alam naming lahat na wala na siyang buhay sa puntong iyon.
Narinig ulit namin ang isang malakas na palahaw kaya napalingon kami sa unahan. Napaupo kami sa takot nang mailawan namin ang isang nakakatakot na nilalang, isang nilalang na hindi ko aakalaing makakakita ako nito sa personal. Walang ulo, may hawak na matutulis na kadena at may suot na isang bag sa kanang balikat. Sa kaliwang kamay nito ay may hawak na isang laman loob na hugis puso at agad niya iyong pinasok sa leeg niyang putol. Alam ko kung sino siya, hindi ko man nabasa ang kwento niya, siguradong-sigurado ako. S-Si Ben…
Itutuloy...