DAMBUHALANG LAGIM
"WALA na bang may pera sa inyo?" lango na ang boses na sabi ni Loonie habang dumudukot ng pera sa bulsa. "Naku! E, wala na rin pala akong pera, eh! Paano na 'yan!"
Nakakadalawang case pa lang sila kaya bitin na bitin sa inuman ang apat. Nais man nilang pahabain pa ang kanilang session ay pare-pareho nang butas ang mga bulsa nila.
"Hindi na bale! Buti na lang naalala ko. Tirahin na lang natin 'yung alak na binigay sa 'kin ng pinsan ko." Tumayo sa kinauupuan si Donnel at pasuray-suray na pumasok sa loob.
"Ang gagaling n'yo talaga, e, 'no? Pupunta-punta kayo rito wala naman pala kayong pang-ambag! Sa susunod magpatupad na tayo ng batas na bawal nang sumama sa session ang mga walang pera!" lango na rin ang boses na sermon ni Armon sa mga kasama.
Sa kanya na kasi galing ang pera na pinambili sa dalawang case kanina. Kahit gipit sa buhay hindi niya nakakalimutang maglaan ng budget para sa mga emergency sessions gaya nito.
"Sayang lang at hindi na natin kasama si Pareng Magnus," pakli sa kanila ni Ram, ang pinakamatibay sa kanila at hindi agad nalalasing kaya tuwid pa ang boses.
Apat na lang sila ngayon na magkakasama sa inuman. Wala na ang kaibigan nilang si Magnus na mag-iisang taon na sa mental hospital matapos masiraan ng ulo sa hindi malamang dahilan.
"Shit, oo nga, eh! Nakakapanghinayang talaga!" sagot dito ni Armon sabay tungga sa huling laman ng bote niya.
Labis silang nasasayangan sa sinapit ng kanilang kaibigan. Sa kanilang lima kasi, si Magnus lang ang pinaka nakaaangat sa buhay.
Isa itong magaling na pintor at mas malakas pang kumita ang lalaki sa mga commission nito kaysa sa minimum wage na mga sahod nila.
Kaya naman ganoon na lang ang panghihinayang nila sa nangyari. Ang huling balita nila rito, nagwala raw ito sa loob ng isang museum at nagbasag ng mamahaling gamit. Nakasugat pa raw ito ng mga empleyado na naging dahilan ng pagkakakulong nito.
Hindi roon nagtapos ang malagim na kapalaran ng lalaki. Mas lalo pa raw lumala ang kalagayan nito habang nasa kulungan. Umabot sa puntong nakapanakit na rin ito ng mga kapwa preso at isang pulis.
Kaya sa huli, inilipat na ito sa isang mental hospital upang mas matutukan ang kalagayan.
"Heto 'yung sinasabi ko sa inyo mga p're!" biglang pakli ni Donnel. Halos matisod pa ito sa paglalakad pabalik sa puwesto nito.
Inilapag nito sa mesa ang alak na may tatak na Devil's Breath. Isa raw ito sa pinakamatapang na alak na nagmula sa Russia. Pinadala ito ng pinsan ni Donnel na nasa US.
"Hindi ko pa natitikman 'to, eh. Ni-reserve ko talaga 'to para sa session natin. Pero sabi ni insan masarap daw talaga 'to at matapang!"
"Gaano ba katapang 'yan? Mapapatumba ba natin si Mayweather d'yan?" natatawang biro ni Loonie, tinutukoy ang paborito nitong boksingero.
Nasa isang malaki at bilog na bote ang alak. Sa packaging at disenyo pa lang ng bote nito, halatang mamahalin na.
Isa-isang tinagayan ni Donnel ang mga barkada bago naglagay sa sariling baso nito. Si Armon naman ang unang tumikim. Nagulat siya; mamahalin din ang lasa. Medyo mainit lang sa dila pero masarap sa pakiramdam.
"Gago! Ang tapang nga!" komento niya rito at itinaas pa ang baso.
Sabay-sabay na ring tumikim ang iba. Lahat sila nagustuhan ang pinaghalong tapang at sarap nito. Balanse ang pait at tamis na may halong kakaibang aroma na napakasarap sa bibig at ilong.
"Kaso isang bote lang ito, pare! Mabibitin tayo rito!" asik ni Loonie pagkatapos tumungga sa baso nito.
"Oo nga. Mukhang mapapaiksi lang ang session natin ngayon, ah!" singit uli ni Armon at muli pang tumungga.
BINABASA MO ANG
The Dark Dimensions (Published by Bookware Publishing)
HorrorIsang kakaibang planeta na namataan sa kalawakan. Isang programa sa radyo na naghahatid ng kamatayan sa sanlibutan. Ang babaeng may lihim na itinatago sa kanyang leeg. Ang misteryosong aparato sa loob ng laboratoryo. Mga lalaking biktima ng kakaiban...