Black Stomach

126 10 0
                                    

Black Stomach

NANGINGINIG ang mga kamay ni Levi habang gumagapang palabas ng pinto. Wala na ang dalawang mata niya. Nagmistulang luha na rin ang sariwang dugo na tumutulo sa sisidlan ng mga iyon.

Tadtad ng malalalim na kalmot ang bawat sulok ng balat niya habang nakalawit na ang kaliwa niyang tainga at malapit nang maputol.

Kahit ganap nang nagdilim ang kanyang paningin, naaaninag pa rin niya sa natitirang pandinig ang ngumangasab na boses ng nilalang na gumawa nito sa kanya.

Pinilit niyang makagapang pababa ng hagdan kahit alam niyang wala na siyang pag-asa na makalabas nang buhay.

Ngunit muli siyang napasigaw nang maramdaman ang pagbaon ng matutulis na kuko sa kanyang balat habang ito'y gumagapang paakyat sa kanyang katawan.

Dito niya pinakawalan ang pinakamalakas niyang sigaw. At iyon na rin ang pinakahuli. Sa huling gapang niya, winasak ng nilalang ang likod ng kanyang ulo at inilusot doon ang mga kamay.

Lumabas ang mga ito sa dalawang sisidlan ng mga mata niya at patuloy na sinira ang mga iyon hanggang sa hindi na makilala ang kanyang mukha.

NATIGILAN lang sa paglalakbay ang isip ni Valerie nang marinig ang boses ni Julius. "Hey, what happened?"

Agad siyang bumawi ng tingin dito at nginitian ang lalaki. "Ah, w-wala. Naka-order ka na ba?"

"Kaya nga tinatanong kita kung ano ang gusto mo, eh." Saka nito inilapag ang menu sa harap niya.

"Ah, sorry!"

Kanina pa wala sa sarili si Valerie. Hindi talaga mawala sa isip niya ang nangyari sa nobyo. Mag-iisang buwan na mula nang masawi ito sa isang malagim na insidente. Hanggang ngayon, nangingilabot pa rin siya tuwing maaalala ang hitsura ng bangkay nito.

Ewan ba niya kung bakit ganito katindi ang epekto niyon sa kanya. Kahit umaga at maliwanag ang paligid ay hindi humuhupa ang kilabot niya. Sinusubukan na lang niyang sakyan ang lahat ng gawain ng kasama para may mapagbalingan lang ng atensyon.

"NABUSOG ka ba, Val?" tanong sa kanya ni Julius habang umaakyat sila patungo sa office.

"Ah, oo naman. Salamat."

"Are you okay now?"

"Siyempre naman. Huwag mo na akong alalahanin. Okay lang talaga ako." Pinilit niyang ngumiti para tigilan na siya ng lalaki.

Nitong mga huling linggo, napapansin niya ang madalas na paglapit sa kanya ni Julius. Parang lalo pa itong nagiging mabait sa kanya. Hindi naman ito ganoon dati.

Pantay-pantay ang turin nito sa lahat ng katrabaho. Bawat isa ay kinakausap at kinukulit nito. Pero ngayon, siya na ang madalas nitong nilalapitan at niyayayang kumain sa labas. Madalas na rin itong sumabay sa kanya sa pag-uwi.

Hindi niya alam kung sinasadya ba ito ng kapalaran niya. Mula nang mawalan siya ng nobyo, isang panibagong lalaki naman ngayon ang nagbibigay ng atensyon sa kanya.

Dahil nga rin kay Julius ay nakakapasok pa siya sa trabaho kahit gulong-gulo pa ang utak niya sa mga nangyari noong nakaraang buwan.

Kinabukasan nga, kahit wala silang pasok, panay pa rin ang chat nito sa kanya. Nangungumusta sa kung ano ang ginagawa niya, kung kumain na ba siya, at kung nangangailangan daw ba siya ng kausap.

Pansin din kasi nito ang labis na pananamlay niya. Matagal na siyang may social anxiety na dahilan ng labis niyang pananahimik sa loob ng opisina kaya halos wala pa siyang mga kaibigan dito. Pero lalo pang lumala ito ngayon dahil sa nangyari sa dating nobyo.

The Dark Dimensions (Published by Bookware Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon