Bisita

216 13 2
                                    

Bisita

MAY bagong dating na bisita. Pero hindi ito tao. Hindi rin hayop. Kundi isang bagong planetang napadpad sa kalawakan at ngayo'y papalapit na sa direksyon ng mundo.

Wala sanang pakialam si Magnus sa mga balita sa TV. Matagal na siyang walang pakialam sa mga kaganapan sa mundo. Binubuksan lang niya ang TV para magkabuhay ang malungkot niyang bahay.

Pero masyadong inagaw ng balitang ito ang atensyon niya kaya napilitan siyang ihinto ang pinipinta at ibinaling sa TV screen ang paningin.

Ayon dito, kamakailan lang nadiskubre ang bagong planetang nakapasok sa solar system. Wala pang nakakaalam kung kailan ito nabuo. Pero nakatitiyak ang mga eksperto na bagong silang pa lang ito sa kalawakan.

Bagama't medyo malayo pa ang kinaroroonan nito, papalapit daw sa direksyon ng Earth ang planetang ito. At hindi magtatagal, maaari nitong mabangga ang mundo.

Kung magpapatuloy ito, lahat ng buhay sa mundo at lahat ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ay tuluyang mawawala dahil walang laban ang Earth sa ganitong uri ng sakuna.

Imbes na mabahala, na-bad trip lang si Magnus sa balita. Kung kailan sineseryoso na niya ang pangarap na maging pintor, saka pa may mangyayaring ganito sa mundo.

Napilitan na siyang patayin ang TV pagkatapos ng balita. Pinagmasdan muli niya ang surreal painting na tinatrabaho sa harap ng canvas niya.

Nawalan na tuloy siya ng ganang magpatuloy. Nabali na ang creativity na bumabalot sa kanya kanina. Kailangan muna niyang ipahinga ang utak para manumbalik ang tawag ng imahinasyon niya.

Hindi siya makakalikha kung may bumabagabag sa isip niya. Napilitan siyang magbanlaw ng katawan at mamasyal sa labas. Pero hanggang sa pag-uwi, ayaw pa ring umandar ng utak niya.

Nangalay na lang ang dalawang mata niya sa kakatitig sa larawan ay wala pa rin siyang maumpisahan.

Napilitan siyang ilabas ang telescope niya at nagtungo sa likod ng bahay. Parang nagkainteres tuloy siyang hanapin sa kalawakan ang bagong planetang sinasabi sa balita. Masyado nitong ginugulo ang isip niya. Pati sa mga social media ito ang palaging pinag-uusapan.

Inayos niya ang kanyang tent kung saan nakapuwesto ang Sky-Watcher Skymax-180 Pro niya na naka-connect sa kanyang monitor.

Nang mahanap niya ang tamang puwesto para makita ang kinaroroonan ng planeta, agad niyang ifinocus ang telescope doon at kinuhanan ito. Saka niya ito pinalinaw sa software ng kanyang monitor hanggang sa makita niya nang detalyado at malapitan ang misteryosong planeta.

Pinagmasdan niya ito nang mabuti. Saka niya naalala ang balita noong nakaraan na nasa thirty eight million miles pa lang daw ang distansya nito sa mundo. Ngunit unti-unti iyong nababawasan habang papalapit pa ito.

Hindi niya maiwasang mangilabot at mamangha sa berde nitong kulay na binabalutan ng tila asul na mga ulap. May parang usok din na nahagip ang kanyang telescope na tila lumalabas sa atmosphere nito.

Di kalaunan, ang kanyang pagkamangha ay napalitan ng kaba.

Paano kung totoo ngang babangga sa Earth ang planetang ito sa susunod na mga buwan? Ano na lang ang mangyayari sa buhay nilang lahat dito? Paano na ang pangarap niya?

Hindi naman problema sa kanya kung kailan gustong kunin ng Diyos ang kanyang buhay. Pero huwag naman sana sa ganitong paraan. Ayaw niyang maabo nang buhay sa kalawakan kasama ang sariling mundo. Masyado naman yatang brutal iyon.

Ayon pa sa mga nakaraang balita, kasing laki raw ng Neptune ang planetang ito. Dahil sa berde nitong kulay at mga asul na ulap, tinawag ito ng mga eksperto bilang Mold Planet.

The Dark Dimensions (Published by Bookware Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon