Buong buhay n’ya, kasama n’ya na ako.
At kapag sinabi kong buong buhay n’ya, nangangahulugan lamang ‘yon na simula pa nang ipanganak s’ya noong May 08, 1991, kasama n’ya na ako.
Masisigurado ko ‘yon dahil sabi ng Daddy ko, noong araw na ipanganak s’ya ay magkakasama kami nila Mommy at ng Daddy n’ya sa ospital, nagbabantay sa Mommy n’ya. Kakaisang taon ko pa lang no’n halos sa mundong ito. Matalik na magkaibigan ang mga mommies namin kaya naman naging matalik na magkaibigan na rin ang mga daddies namin. Mama at Papa na nga ang tawag namin sa magulang ng isa’t-isa. Kaya’t hindi na siguro nakapagtataka na lumaki kaming nakatatak na sa isip namin na mag-best friends din kami. Ang pruweba ng araw na iyon ay narito, hawak ko sa mga kamay ko. Isang picture na kinuhanan sa ospital. Kalong ako ng Daddy na katabi ni Mommy na katabi ni Mama na kalong s’ya katabi si Papa. Buhay sa photo album na ito ang alaala namin simula no’ng mga bata pa kami.
Inilipat ko ang atensyon ko sa ilan pang sumunod na mga larawan. Napatigil naman ako sa isa sa mga narito. Sa ibabang kanan nito ay nakaimprenta rin ang petsa ng araw na ‘yon: June 02, 1997. Bigla naman akong napangiti. Bumalik sa aking alaala ang nangyari no’n.
“Janella! Bilisan mo!” sigaw ko sa pintuan ng kwarto n’ya. Inihatid na ako ng mga magulang ko rito dahil maaaga pa ang mga pasok nila sa trabaho. Sabay na lang daw kami ni Janella sa pagpunta ng school.
“Migs, teka lang, nag-iipit pa nga e!” sigaw din n’ya pabalik.
“Ah ah! Ang tagal-tagal mo naman e!”
“Ah ah! Saglit nga lang ‘to e!”
“Migs, malapit na kaming matapos. Mauna ka na sa kotse,” malumanay na sagot naman ni Mama.
“Sabay na po kaming bababa, Mama.”
“O sige, saglit lang ‘to ha.”
“Thank you, Migs!” sigaw naman ulit ni Janella. Nang matapos sila ay sabay kaming pumunta sa kung nasaan ang sasakyan nila. Pumunta naman si Mama sa kusina para kuhanin ang lunch box ni Janella. Nang palapit na kami sa kotse, tumigil ako saglit para itali ang lumuwag na sintas ng aking sapatos; s’ya naman ay nanakbo palapit sa sasakyan. Hanggang sa may narinig akong parang bumagsak sa semento.
“Aray!” Parang may tono pa ang pagkakasabi nito dahil sa naginginig n’yang boses.
“Janella! Bakit ka nadapa?!” Tumakbo ako palapit sa kanya at hinawakan s’ya sa kili-kili. “Tayo, dali. Tayo!”
“Madison?” Nagmamadaling naglakad-takbo si Papa palapit sa amin.
“Daddy!!” May tono na naman ang pagkakabanggit n’ya nito. Tuluyan na s’yang humagulhol.
“Madison, baby?” Si Mama naman ang naglalakad-takbo dala ang lunch box ng baby namin.
“Mommy!!” Para talaga s’yang kumakanta nang araw na ‘yon.
“Saan masakit? Don’t cry, baby…”
Muli ay napangiti ako. Patawa ‘tong si Jam, first day ng pagiging grade one, nagkasugat pa sa tuhod. Iika-ika tuloy s’ya habang inaakay namin ni Mama sa magiging kwarto n’ya. Buti na lang magkadikit lang ang classrooms ng Grade Two at Grade One!
“Ayan, lampa ka kasi e.”
“Hindi kaya. Mommy o!”
Napatigil akong muli sa sumunod na larawan noong July 14, 1999. Nutrition Month sa school namin. Bawat grade ay magpe-present ng sayaw. Hindi ko s’ya nakitang kasama ng mga kalaro n’ya sa gym kaya hinananap ko s’ya. Pagsilip ko sa kwarto nila ay nakita ko s’yang umiiyak.
BINABASA MO ANG
Icarus
ChickLitPara sa lahat ng bigo. Para sa lahat ng nagmahal ng taong hindi sila nagawang mahalin pabalik. Para sa lahat ng hindi naniniwala sa forever. Para sa lahat ng naniniwala pa rin sa mahika ng pag-ibig. © All Rights Reserved December 2012