Chapter 1

504 14 2
                                    

ANG KASALUKUYAN, Maynila

"Mama, pakibaba lang ninyo ako sa may Eskinita 22," ani Vana sa tsuper ng jeep.

Panglimang beses na niyang sinabi iyon sa tsuper at iisa ang reaksiyon ng ibang pasahero. Nagulumihanan sila.

"Eskinita 22 ba kamo?" Tinitigan siya ng isang matandang lalaki. Parang diyaryo ang braso nito sa dami ng tattoo. Noong kabataan nito, siguradong maton ito.

Tumango lang siya, nanlalaki na ang mga mata dahil naiintriga siya sa reaksiyon ng mga pasahero.

Kinilabutan ang matandang maton. "Tinamaan ng lintek! Ano'ng gagawin mo ro'n?"

Hindi na nakapagpigil ang isang binatilyong mukhang durugista. "Ingat ka, Miss. Bihira ang nakakalabas doon nang buhay!"

Sino ba naman ang hindi kakabahan doon?

Mangatug-ngatog na siya nang bumaba sa jeep. Nang makita niya ang eskinita, gusto na niyang umatras pabalik sa sasakyan. Alas-tres pa lang, pero madilim na sa Eskinita 22. Hindi naman talaga iyon eskinita dahil kasya ang dalawang sasakyang magkasalubong. Makipot lang tingnan ang daan dahil sinakop na ng mga nabubulok na bahay ang buong eskinita.

Tama ba ang lugar na pupuntahan ko? Tiningnan niya ulit ang kapirasong papel. Nakasulat doon ang tirahan ng kliyenteng pupuntahan ni Atty. Napoleon de Vargas III.

Napaka-cheap talaga siguro ng abogadong ito. Kung ganito ka-cheap ang kliyenteng pinupuntahan niya, siguro desperado siyang makahawak ng kaso. Tahimik niyang nilait ang abogadong hindi pa man nakikita.

Sabagay, cheap din ako. Kaya nga pagtitiyagaan ko siyang hanapin. Determinado na siya nang pumasok sa Eskinita 22.

Ilang metro pa lang, naaalibadbaran na siya. Nagkumpulan sa tabing-kalye ang mga siga ng Eskinita 22, mabalasik ang mga mukha at parang sanay pumatay ng tao.

Iniwasan niyang mapatingin kahit kanino. Yung mga marka sa katawan nila, tattoo kaya iyon o libag na dumikit?

Pinalis niya ang kasupladahan. Mukhang pinagpipistahan na siya ng mga astig. Parang nakatutok sa kanya ang matatalim na mga mata nito, kinikilatis ang mga bilbil at pata niya. Dapat yata maong at rubber shoes ang sinuot ko. Binatak niya pababa ang maikling damit. Tumaguktok sa mabatong kalye ang mababang takong ng sapatos niya.

Abut-abot ang pagsipol ng mga siga. Sinusundan iyon ng mga tawang malaswa.

Abala siya sa pagtingin sa numero ng mga bahay. Kaya nagitla siya nang humarang ang isang siga na, astig pa.

Napatigil siya bigla, napigil bigla ang hininga niya. Pero hindi dahil sa takot.

Ang tindi ng putok nito. Hindi iyon nalalayo sa basurang isang buwang hindi nakolekta. Mukhang isang taon nang hindi naliligo ang astig.

Aba! 'Pag ganito siya kabaho, hindi na niya kailangang makipagsaksakan. Ipaamoy lang niya ang kili-kili niya, hilo na ang kalaban.

"Hi, beauty!" Ngumisi ang maton, tumambad ang ngiping bungi-bungi na bulok pa. Hindi lang putok ang problema nito. Makapatay-langaw din ang baho ng hininga. Pinigil niyang mapangiwi. Mahirap na, baka magalit ang mabahong siga.

"Mawalang-galang na po." Lumigid siya sa kalye at kamuntik nang mahulog sa kanal. "May hinahanap ako."

"Ako nga ang hinahanap mo!" Humarang ulit ang tigasing siga. Mahilu-hilo na siya sa tindi ng amoy nito. Amoy walang-ligo, talaga. Para siyang ginapangan ng ipis nang tumingin ito mula sa kanyang ulo hanggang sa paa.

"Sarap papakin nito!" Dumila-dila ang siga, kumindat pa sa mga alipores na siga rin. Nagtawanan ang isang batalyong siga.

"Pagkatapos mo, kami naman!" Nagsigawan ang iba.

Leon Ng Fuente Montano - Nina De VegaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon