Prologue

1.1K 17 2
                                    

TAONG 1800, Fuerte Montana

Sa pinakamataas na tore ng fuerte inilagay ni Juan Carlos de Vargas ang magiging silid nilang mag-asawa. At bilang asawa nito, iyon na ang magiging kuwarto ni Dorita.

Paikot ang korte ng silid na iyon. At kahit saang parte mapadako ang tingin ay may bintana.

Mula sa mga iyon, nakikita ang maasul na dagat sa paligid ng fuerte.

Lahat ng barkong papalapit sa bayan ng Montana ay makikilatis mula sa mga bintanang iyon. Kung kaaway ang papalapit, papuputukan iyong mga kanyon bago pa man makalapit sa dalampasigan ng bayan.

"Dati iyon," naibulong ni Dorita. "Hindi na fuerte ang lugar na ito."

Nakadama siya ng pamamanglaw. Kailangan maya't maya'y ipapaalala sa sarili na tahanan na nila ni Juan Carlos ang malakastilyong fuerte.

Pilit niyang kinalimutan na noong isang taon lang, dalawang dosenang bangkay ng mga guardia civil ang iniwan ng mga pirata. Maraming bilanggo ang nabulok sa mga kulungang nasa ilalim ng gusali. Bartolina ang tawag sa mga kulungang iyon. At kahit hindi pa niya napupuntahan iyon, naiisip na niya ang mga kawawang nilalang na iniwan doon.

Sa pagitan ng mga bintana, may pintong papunta sa asotea na nakapaikot sa tore. Binuksan niya ang pinto.

Nagitla siya nang tumama ang pinto sa balustre ng asotea. Kalimitan, ang pinto ay bumubukas papunta sa nagbubukas. Ngunit ang pintong iyon ay bumubukas, hindi papasok sa silid, kundi palabas sa asotea.

Humakbang siya sa asotea, pero agad nangatog ang mga tuhod niya. Napakapit siya sa balustre. Para siyang nakabitin sa hangin. Sapat na marahil ang isang malakas na hipo ng hangin para mapatapon siya sa mabatong dagat sa paanan ng tore.

Napalingon siya nang marinig ang mga yabag palapit. Nagmumula iyon sa loob ng fuerte. May umaakyat sa tore.

Bumungad si Juan Carlos sa makitid na hagdanan.

Ngumiti si Dorita, nahihiya na naman dito. Lalapit na sana siya nang biglang sumara ang pinto. Nagitla siya. Napakalakas ng paghampas niyon.

Napaurong siya sa balustre, nanginginig na ang buong katawan. Kung hindi siya nakaiwas, posibleng naipit siya sa pinto at sa hamba.

Biglang bumukas ang pinto, lumabas si Juan Carlos. Nakakunot ang noo nito habang tinitingnan ang pinto.

"Hindi ko gusto ang pagkakayari ng pintong ito. Kung may nakatayo dito sa asotea at biglang lumakas ang hangin, puwedeng humampas ang pinto sa kung sinumang nakatayo dito sa asotea."

Ngumiti lang si Dorita, hindi pinansin ang galit nito. Gaya nang dati, naghalo ang pananabik at pangamba tuwing pagmamasdan niya ito.

Dahil may dugong Kastila, mas malaki si Juan Carlos kaysa karaniwang Pilipino. Halos napuno ng matipunong katawan nito ang bukana ng pintuan.

"Kumusta ang aking esposa?" Hinila siya nito papasok sa silid at isinara ang pinto.

Sumunod siya nang lumapit ito sa isang bintana. Naramdaman na lang niyang humapit ang isang kamay nito sa kanyang maliit na baywang.

Nakaharap na sila sa bintana nang isandal siya nito sa maskuladong katawan. "Hindi ba maganda ang tanawin dito?"

"Oo." Kinakapos ang kanyang hininga. Kanina lang sila ikinasal at hindi pa siya sanay na mahawakan ng isang lalaki. Damang-dama niya ang mabigat at mabilis na pagtibok ng puso nito, ang nag-iinit na katawang-lalaki nitong sinasandalan niya.

Nahalata nito ang kaba niya. Muli siyang ibinaling dito, buong-pagmamahal na pinagmasdan ang mukha niya.

"Natatakot ka ba sa akin?" Umangat ang isang kamay nito, masuyong hinaplos ang kanyang pisngi.

Leon Ng Fuente Montano - Nina De VegaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon