NASA likuran ni Greg ang papalubog nang araw. And he was like some demigod na handang magpataw ng mabigat na hatol sa mga nagkasala, foreboding and ominous.
Something in Sarah's heart leaped up like a living flame. Nanikip ang lalamunan niya. Dito lahat natuon ang kanyang atensiyon. In a flash, she was totally unaware of the other man who stood so close to her, one arm possessively around her waist. Isang anyo lang ang pumuno sa isip niya sa mga sandaling iyon—
Binasag ng marahas na tinig ni Greg ang pagkakamaang niya.
"Kailangan na nating umuwi, Sarah. Kanina pa nag-aalala ang mama. Akala niya'y may kung ano nang masamang nangyari sa 'yo. Mabuti na lang at nasabi niyang nabanggit niya sa 'yo ang tungkol sa lugar na ito." Walang anumang bumaling naman ito sa lalaki. "At ikaw, Charlie, hindi ba't dapat ay nasa bentahan ka ng mga baka ngayon sa Milagros?"
"Nagbago'ng isip ko," kibit ng lalaki. "Napag-usapan namin ni Aileen na sa Aroroy na lang kami kukuha sa isang buwan. May nakapagsabing mas mababa'ng presyo r'on."
Bahagya lang naningkit ang mga mata ni Greg. Walang bumahid na emosyon sa mukha nito. "Ganoon ba.. "
"Gusto ko sanang puntahan para sabihin 'yon sa 'yo, pero—" Nagkibit-balikat muli si Chalie, huminto sa pagsasalita.
Inaasahan niyang mula kay Greg ang: Pero ano? Sa halip ay "Ikaw ang masusunod sa gusto mong mangyari sa rancho n'yo," ang mabilis lang nitong sabi. "Sa inyo ang lupaing iyon, hindi akin, at—" Bahagyang kumunot ang noo nito sa pagka-katingin kay Charlie. "—dapat naman talagang alam mo ang kailangan mong gawin." Tumingin itong muli sa kanya. "Tayo na, Sarah."
"S-sige Charlie," paalam niya, saka sumunod sa nauna nang si Greg. Sumakay siya sa passenger's seat sa tabi nito, itinago ang sketch pad sa ilalim ng upuan. Habang nagmamaniobra ito ay muli siyang sumulyap kay Charlie na sakay na ng thoroughbred nito. "Ang ganda ng kabayo ni Charlie, 'no?" buong-paghangang sabi niya, impressed sa matikas na hayop.
Sandaling hindi tumugon si Greg. Bago, "Hindi birong halaga ang inubos niya para sa kabayong 'yan. Perang sana'y ginamit niya para ma-rehabilitate ang bakahan nila."
Obvious na hindi ito sang-ayon sa kung anuman ang ginagawa ni Charlie. For her part, wala naman siyang kamuwang-muwang sa kalakaran ng cattle raising, ngunit buong-puso siyang sumasang-ayon sa sinabi nitong si Charlie ang dapat na masunod sa gusto nitong mangyari sa sarili nitong ari-arian.
Gayunman, ibang usapan na oras na magpakasal sina Greg at Aileen. Magkakaroon na ng karapatan ang lalaki na makialam. Magkakaroon ng mga pagtatalo. And in the end ay nakikita niyang magiging dominante si Greg. Hindi kayang tapatan ni Charlie ang karakter nito.
Nagulat siya nang bigla itong nagsalita. "Gaano katagal nang nangyayari ang bagay na 'yon?" pagalit, nagtitimpi nitong tanong.
Biglang baling siya rito. "W-wala ka naman sigurong pakialam sa bagay na 'yon," aniya. "Hindi ko naman siguro kailangang sabihin sa 'yo kung saan ako nagpupunta."
"Wala akong pakialam kung saan mo man gustong pumunta—ang gusto kong malaman ay gaano kadalas kayo nagkikita ni Charlie Avena," mabigat nitong turan.
"Sa akin na 'yon," nananadya niyang anas. Biglang preno ito. Halos sumubsob siya sa dashboard kung hindi lang niya agad naitukod ang kanyang mga kamay. Galit na bumaling siya sa lalaki, inis na inis.
"Bakit—"
"Bakit kulang ng butones ang blusa mo, Sarah?" agaw nito sa nais niyang sabihin. Dumako ang mga mata nito sa gawing iyon ng kanyang blusa.
She was shocked. Wala ang unang butones at bukas ang ikalawa! At bahagyang nakadungaw ang pisngi ng kanyang makinis at malusog na dibdib. Bigla niyang tinakpan iyon, hiyang-hiya. Ano ang nangyari? Imposible namang si Charlie ang may kagagawan niyon. Hindi kaya nasabit sa kung saan nang gumagapang siya sa damuhan kanina?
YOU ARE READING
Sa Sulok Ng Puso - Olga Medina
Romance"Ang mga insultong 'binigay ko sa iyo'y upang pagtakpan ang aking damdamin. Pero tama ka, sa isang sulok ng puso ko'y mahal pala kita..."