DALAMPASIGAN, KUNG SAAN TAYO UNANG NAGKATAGPO

9 3 0
                                    

Bitbit ang isang puting jar sa aking mga kamay habang naglalakad sa tabing-dagat, nadarama ng aking paa ang mamasang mga buhangin, mga maliit na hayop pang-dagat na tumutusok sa aking daliri. Kasabay ng pag-alon ang luhaan kong puso.

Naalala mo pa ba ito?

Suot ko ang regalo niyang bistida, ang pinaka-paborito ko sa lahat, umupo ako sa buhangin habang tinatanaw ang karagatan.

“Kay ganda, ano?” Tanong ni Fynn sa akin.

“Sobra,” isinandal ko ang aking ulo sa matipuno niyang braso na agad naman niyang inalalayan ang aking ulo upang maging komportable ako. “Salamat.”

“Gusto ko kapag nai-kasal na tayo, dito, dito sa dalampasigan kung saan tayo unang nagkatagpo.” Masaya nitong sabi sa akin habang ang malalambot at mahahaba nitong daliri ay humahaplos sa aking braso.

Narito ako sa plinano mong lokasyon kung saan gaganapin ang kasal natin.

“Kita mo ’yon?” May tinuro siya sa kabilang dalampasigan, na isang bangka ang kakailanganin upang makapunta ro’n.

“Ang alin?” Tanong ko habang sinisipat ang tinuturo ng kaniyang hintuturo.

“Iyong hindi gaano kataasan na bundok. Diyan sa pwestong iyan—diyan ko ipapatayo ang ating bahay,” ngumiti ako ng pagkatamis-tamis dahil sa kaniyang sinabi.

Ang sarap sa pakiramdam kapag ang lalaking mahal mo ay puno ng plano para sa inyong dalawa.

Niyakap niya ako dahil humampas ang malamig hangin.

Kay lamig ng hangin na humaplos ngayon sa aking mga balat, nagsitayuan din ang aking mga balahibo sa braso. Ang mahaba at maalon kong buhok ay nakisabay sa hangin. Ang puting bestidang regalo niya sa akin na suot ko ngayon ay hinahangin na rin.

“Iana, pangako ikaw lang ang babaeng pakamamahalin ko,” ang mga mata nitong kulay tsokolate ay hinuhuli ang aking titig. Kaya kusa na lamang nagpahuli ang aking mga mata at nagpakulong sa sinseridad nitong mga mata.

“Fynn, pangako ikaw lang din ang lalaking mamahalin ko kahit sa susunod na buhay.” Hinalikan niya ang tuktok ng aking ulo at muling nagsalita.

Hinawi niya ang mga buhok kong humaharang sa aking mukha, “ikaw lang ang babaeng ihaharap ko sa diyos. Ang dalampasigan na ito ay magiging saksi sa ating pag-iibigan, ang dagat at paglubog ng araw ang siyang tanging magiging koneksyon sa ating pagmamahal. Kasing tibay ng tahanan na ipapatayo natin sa kasalukuyan ang ating pag-iibigan, walang makakapaghiwalay sa ating dalawa dahil habang buhay ay kasama natin ang isa’t isa,”

Lumalakas ang alon, nagbabadya ng ulan ang kalangitan at nakisabay naman ang aking mga mata. Muling humampas sa akin ang isang mapaglambing na hangin na tila ba’y niyayakap ako nito.

Kasabay ng pagbagsak ng ulan ang pagbagsak ng luha sa aking mga mata.

Sana’y naririto ka pa.

Sana’y kasama pa kita.

Tumayo ako sa aking kinauupuan, buhat pa rin ang jar na aking hawak. Pinakatitigan ko ito habang binabasa ang nakaukit doon.

Fynn Helkurth Kevhedo
January 04, 1999 - December 8, 2024

Ang daya, maaga kang kinuha sa akin—sa amin.

“Mama!”

“Anak!”

Sabay na sigaw ang tumawag sa akin kaya hinarap ko silang luhaan. Ang isang bata ay nakasuot ng raincoat habang ang aking ina ay may dalang payong, tumatakbo sila patungo sa aking kinatatayuan ngayon.

Dalampasigan, Kung Saan Tayo Unang Nagkatagpo (Oneshot)Where stories live. Discover now