chapter 4

8 0 0
                                    

Chapter 4

KUMUNOT ang noo ni Dominic nang matanaw niya ang pamilyar na bulto ng isang babaeng nakatayo sa dalampasigan, nakatanaw sa kanya at sa malas ay siya talaga ang hinihintay.

Ano na naman ang ginagawa ng babaeng ito rito?

Hinagilap niya sa sarili kung naiinis siyang makita ito, pero salat sa ganoong damdamin ang binata.

Ang totoo, lihim siyang natuwa na naroon ito.

Dahil sa maghapong paglalayag niya sa karagatan, paminsan-minsan ay naiisip niya ang makulit na dalaga. At lagi siyang napapangiti kapag naalala ang pagkamali-mali nito at minsan ay ang pagiging clumsy.

Mangungulit na naman kaya ng huli niyang isda? O, baka may ibang pakay. Hapon na, ah.

Hanggang nakadaong sa pampang ang lantsa ay hindi pa rin ngumingiti si Dominic.

“O, bakit narito ka?” pagalit pa niyang tanong nang makalapit na rito.

“Ah, k-kasi… may sasabihin sana ako sa iyo.”

“Ano iyon?” Pero humakbang na ang binata patungo sa resthouse.

“K-kung ayaw mo nang bilhin ang mga huli kong isda, baka naman puwede mo akong kunin na katulong dito sa resthouse mo!” habol naman ito sa paghakbang niya.

“Ano?” Napatigil siya sa paghakbang at hinarap ito.

“K-kasi, ang hirap ng buhay namin. Kung hindi kami makakahuli ng isda, wala kaming makakain. Kung papasok na lang akong katulong sa iyo, may regular akong sweldo, hindi ba?”

“Pero hindi ko kailangan ang katulong dito. Bukod sa may katiwala na ako rito sa resthouse, isang linggo lang ako rito. At dahil apat na araw na ako rito, tatlong araw na lang ang ilalagi ko rito at babalik na ako sa lungsod.”

“H-ha? G-ganoon ba?”

“Oo, ganoon. Kaya puwede ba, tigilan mo na ang pangungulit sa akin.” Saka binilisan ng binata ang paghakbang at tuluyan na itong iniwan.

NAIWANG nakatigagal si Jackie habang nakatanaw sa sarado ng resthouse.

Habang nagiging mailap sa kanya ang guwapong binata, tila naman lalong nadaragdagan ang pagnanais niyang makalapit dito.

Hindi aware ang dalaga na unti-unti nang nagiging obsesyon ang dati ay pag-iilusyon lang niya na ito ang maging asawa.

Hindi! Hindi niya ako puwedeng iwan! Hindi siya puwedeng bumalik sa lungsod hanggang hindi ko siya napapaibig. Kapag nakaalis na siya, imposible na talagang may makilala akong lalaki na kagaya niya na tutupad sa mga pangarap ko sa buhay.

Malungkot at gulo ang isip na umuwi ang dalaga.

“Ikaw naman kasi, sinabi ko na sa iyong tigilan mo na iyang ilusyon mong iyan, kung bakit patuloy ka pa rin sa kalokohan mo. Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na ang mayaman at guwapong lalaki na kagaya niya ay para sa mayaman at maganda ring babae?” paninisi ni Rita sa kanya.

“Bakit, maganda naman ako, ah?” pahikbing wika ni Jackie.

“Oo nga, masasabing maganda ka, pero hindi ka mayaman, ano?”

“K-kahit na. Puwede namang lalaki lang ang mayaman, ah.”

“Ah, ewan ko sa iyo! Akala ko ba, kapag nabulilyaso ka sa plano mo, hindi ka iiyak? Bakit umiiyak ka?”

“K-kasi, gusto ko na talaga siya, eh. Ang totoo, ilang gabi ko na siyang napapanaginipan.”

“Ay, gaga! Baliw ka na talaga! Buti pa, bumalik ka na lang sa dati mong pangarap na makakilala ng mayamang matanda na madaling mamatay, iyon pa, baka sakaling posible iyon.”

Loved by the rulesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon