Chapter 5
Iyak nang iyak si Jackie ng gabing iyon. Pakiwari niya ay ang liit-liit ng tingin niya sa sarili dahil sa kagagahang nagawa.
Akalain mong ipag-alukan niya ang sarili sa guwapo at mayamang lalaki iyon?
Kasi naman, ang hirap-hirap ng buhay namin dito, eh. Kasi naman, ang tamad-tamad ng tatay ko! Ako pa ang inaasahang gumawa ng mga bagay na dapat ay lalaki ang gagawa. Kung hindi siguro siya ganoon, hindi ako magkakaganito.
Pero anuman ang sabihin niya sa sarili, huli na, nasabi na niya, nagawa na niya ang malaking kahihiyan na iyon.
Isa na lang ang kanyang konsolasyon, aalis na sa resthouse nito ang binata, hindi na niya makikita, hindi na sila magkikita.
At isa pa, siya lang naman at ito ang nakakaalam ng ginawa niya. Hindi na niya iyon sasabihin kay Rita.
Kaya naman kahit na paano, nakatulog na rin ang dalaga.
At kinabukasan, balik na naman siya sa pamamalakaya sa karagatan dahil lasing na naman ang kanyang tatay.
“KUMUSTA ang bakasyon?” kaswal na tanong ni Morris.
“Heto, nangitim.” Naupo na si Dominic sa kanyang swivel chair at sumandal matapos ipatong sa mahogany table ang dalang attache case.
Bahagyang kumunot ang noo ni Morris dahil tila kulang sa sigla ang pinsan.
“Kuya Dom, may problema ka ba? May nangyari ba sa resthouse mo?”
“Ha? Ano kamo?” Napapitlag pa siya sa tanong nito.
“Ang sabi ko, may nangyari ba sa bakasyon mo?”
“Nangyari? Wala! Ano naman ang mangyayari?”
“Ewan ko sa iyo. Dati naman kasi ay hindi ka ganyan pagdating mo rito kapag nagbabakasyon ka.” Dati ay parang mas masigla ka pagdating mo rito. Para bang ready ka nang magtrabaho uli ng walang pahinga. Pero ngayon… you look pale. Parang wala kang sigla.”
Muling natigilan si Dominic.
Am I? Tanong niya sa sarili.
“Baka napagod lang ako sa biyahe,” wika na lang niya. “Madaling araw ako umalis doon, nagbiyahe pa. Pagdating ko naman sa bahay kahapon ay hindi ako nakatulog agad dahil binasa ko pa ang mga papeles na iniwan doon ng secretary ko.”
“Ganoon?”
“Oo, ganoon. Ano ka ba? Bakit ba kung anu-ano ang napupuna mo?”
“Wala lang. Sige, aalis na muna ako, ha? Bukas na ako magre-report sa iyo.”
“Sige.”
Nang makaalis na si Morris ay napatitig sa kawalan si Dominic.
Ang totoo kasi, hindi totoong nagbasa pa siya ng mga papeles kahapon. Hindi niya hinarap iyon dahil tila nanlalata nga ang kanyang pakiramdam.
Nakahiga lang siya sa kama, pero hindi naman siya makatulog. Basta nakatitig lang siya sa kisame, tila nag-iisip, pero hindi naman niya alam kung ano ang kanyang iisipin.
Tila lumilipad ang kanyang kamalayan sa dako pa roon, pero hindi naman niya maamin sa sarili kung saan talaga lumilipad ang kanyang isip.
Doon sa kanyang resthouse sa La Union… kung saan nakatagpo niya ang weird at luka-luka yatang babae na iyon.
Damn! Padaskol na napatayo mula sa swivel chair ang binata nang maalala na naman niya ang dalagang mangingisda.
Mangkukulam nga yata iyon, ah. Bakit hindi ko makalimutan ang pinagsasabi niya? Bakit parang naririnig ko ang kanyang tinig, ang pagmamakaawa na isama ko na lang siya rito sa lungsod para maging katulong ko at nang magkaroon ako ng pagkakataong makasama siya dahil baka ma-develop ako sa kanya? My God! Nakaka-praning naman ang babaeng iyon, oo!