"Ayon na sya." Tinuro ni Mila ang exit ng building namin.
Alam kong si Raven ang tinutukoy nya dahil nang makita ko pa lang ang tropa nya ay kaagad na 'kong tumalikod at nagkunwaring naghihintay ng jeep para hindi halatang inaabangan ko talaga syang lumabas.
Hahablutin ko pa sana si Mila ngunit hindi ko na sya naabutan dahil nakatakbo na agad sya palayo sa akin. Hindi ko naman sya mahabol dahil ayaw kong humarap sa gawi ni Raven at nagpanggap na lang na hindi ko alam na lumapit sa kanya ang isang kaibigan ko.
"Kassy, tingin ka sa likod," nang-aasar na agad ang tono ng pananalita ni Margot.
"Ayoko, gago!" Pasinghal na bulong ko sa kanya at nagkunwaring sumisilip silip pa sa daan at naghihintay ng jeep.
Aminado akong hindi pa talaga kami sumasakay dahil inaabangan ko talaga sya at wala namang magawa ang dalawang kasama ko.
"Magbabye ka muna, Raven."
Humigpit ang kapit ko sa braso ni Margot sa kahihiyan dahil sa narinig mula kay Mila. Tinatawag pa nya ang pangalan ko ngunit hindi ko sya nililingon dahil nasa likod lang talaga namin sila.
"Ano ba yan, ayaw naman tumingin. Sige na nga, alis ka na."
Nang makalapit ulit si Mila sa akin ay agad ko syang tinanong. "Hayop ka, anong sabi?"
"Wala. Kumaway lang. Ayaw mo naman lumingon eh."
"Para ka kasing tanga. Bakit mo naman nilapitan."
"Para nga makapagbabye kayo."
Papalapit na nang papalapit ang pagtatapos ng academic year 2022-2023. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil matatapos na ang klase o malungkot dahil hindi ko na makikita ang crush ko.
Sa huling tatlong linggo ay puro group activity ang final project ng bawat subject namin. Sa kamalas-malasan ay hindi talaga kami nagkasama sa kahit isang group.
"Si Raven?" Maagang bungad ko kay Dianne nang makitang nasa likod na ang bag ni Raven ngunit wala sya don.
"Ewan, lumabas yata kasama sina Migs."
"Saan daw pumunta?"
"Ay, hindi ko alam, bes. Dapat pala tinanong ko?" She asked sarcastically.
Bukod sa palagi ko na syang hinahanap, kabisado ko rin ang mga group nya sa bawat subject. Mas kilala ko pa nga ang groupmates at group number nya kaysa sa sarili kong group eh.
"Dito rin daw gagawa sina Kyle."
Nagpantig ang mga tenga ko at tinigilan ang paglalaro sa mga pusa. Humarap ako kina Migs dahil sa narinig. Ngayon kasi ay nasa bahay nila kami para magbadminton dahil project namin 'yon sa PE.
"Weh?" hindi pa makapaniwalang tanong ko.
"Di ko sure. Sabi lang nila kanina dito rin daw sila."
Naexcite ako sa narinig at lumapit kina Margot para ichika ang nasagap kong balita. Si Kyle ang leader sa group nina Raven. Kinikilig ako dahil kahit sabado ngayon at hindi ko ineexpect na makikita sya dahil wala namang pasok ay makikita ko pa rin sya mamaya.
"Ang tagal naman nila.." Nawawalan na ng pag asang bulong ko habang pinaglalaruan ang raketang hawak. Tapos na kaming maglaro at nakaupo na lamang ako sa lapag. Wala pa rin sila.
"Hinihintay mo pa rin si Raven? Wala na yon, di na pupunta."
Kami lang nina Margot at Mila ang nasa labas kaya malaya naming napag uusapan sya. Ang ibang groumates namin ay nasa loob ng gate. Tanging mga bakal na fence lang ang namamagitan sa'min kaya nakikita pa rin naman namin ang isa't isa.