Raxinne
“Sigurado ka na ba sa desisyon mo?” Paniguradong tanong ni ate Cristine habang nag-eempake ako ng gamit.
“Oho ate, hindi ko na po talaga kaya. Kung sakali mang papasok ulit ako sa trabaho, hindi na sa call center.” Walang bakas ng pagsisising sagot ko.
“Kung iyan ang desisyon mo,” walang magawang sagot ni ate Cristine sa akin. Narinig ko siyang bumuntong hininga bago umalis ng kwarto namin ni Que.
“Paano iyan? Magkita nalang tayo sa susunod ha? Balitaan mo nalang ako kung anong schedule ng shift ni Gerry sa fast food chain na pinagta- trabahuan niya ha?” tango lang ang sagot niya sa akin. Halatang hindi siya masaya sa naging desisyon kong pag-alis.
Lalo lang akong mahihirapan kung mananatili pa ako sa trabahong iyon. Hindi ko rin naman kasi nakikita ang sarili
ko doon. “Can I hug you, girl?” Andoon si Que sa lahat ng paghihirap ko simula noong nagsisimula pala kami sa pagpasok sa trabaho. Bumaba siya sa double deck bed at niyakap ako.“Mamimiss ka namin,” bulong niya sa akin. Bigla akong naiyak. Ang tagal din kasi naming magkasama. Sa loob ng pitong buwan na magkasama sa trabaho, parang kapatid na ang turing namin sa isa’t-isa.
“Ako rin, Que.” Totoo iyon, mamimiss ko sila. Pero nasa Davao pa rin naman ako. Hindi pa naman ako aalis ng bansa kaya may pagkakataon pa na magkikita kami. Hindi man naging madali ang naging proseso, alam kong nagdulot naman iyon sa akin ng aral.
Bumaba na ako ng third floor at nagpaalam na sa kanila. Nagyakapan kami at nag-iyakan. Naisip ko, ang bata ko pa nga sa trabahong ito o siguro, hindi ito ang gusto ko.
My life is too colorful to stuck myself into that rectangular room full of stress and unknown disorder. Kaya siguro ganoon kadisgusto ang utak ko na manatili sa trabahong iyon.
Hanggang sa bumaba na ako ng boarding house at pumara na ng traysikel palabas ng eskinita. Ni isa sa kanila ang humabol para sana pigilan ako. Pero, kahit pa mangyari iyon, hindi naman ako magpapapigil. Buo na ang desisyon ko.Pagkalabas ko ng eskinita ng Almendras, pumara na ako ng jeep patungong Calinan. Mabuti nalang at may payong ako. Sobrang init kahit alas-tres na ng hapon.
Tinulungan naman ako ng driver ng traysikel sa mga bagahe ko para makaupo ako ng maayos sa jeep. Pagkatapos n’on ay tumuloy na sa pag-usad ang jeep na sinakyan ko.
Siguro ganoon talaga ang buhay. Hihinto ka, uusad ulit. Hihinto, aalis, uusad ulit. Nakakahilo rin ang ganoong cycle kaya gumagawa talaga ako ng paraan na magawa lahat ng gusto ko.
Ayokong manatili sa isang lugar na hindi ko magiging tahanan. Gusto ko kasi iyong pakiramdam na kalmado lang at walang ibang bumabagabag sa utak maliban sa mga kailangang gawin sa mga normal na araw.
Sa aking paniniwala, ang isang tahanan ay hindi isang konkretong bahay na may
isang haligi at ilaw. Hindi iyon nahahati sa hapagkainan, kwarto, sala, at banyo.Ang isang tahanan ay isang pakiramdam kung saan maha- hanap mo ang kapayapaan sa kabila ng magulong reyalidad. Ngunit, bigo akong mahanap iyon. Palagi nalang.
Dahil siguro, n’ong nilisan ko ang lugar kung saan madalas kong kasama ang taong tinanggap ang buong ako, hindi na ako nakahanap ng katulad niya.
Huminto ang aking sinasakyang jeep sa tapat ng isang ancestral house kung saan bumaba ang isang matandang babae kasama ang lalaking mga nasa bente anyos pa at inakay siya nito pababa.
Bago pa umandar ang jeep, nakita kong pumasok sila roon at sinalubong naman sila ng isang babaeng kwarenta anyos sa aking palagay.
Ano kayang pakiramdam na tumira sa isang ancestral house noh? Napaka- nostalgic siguro n’on. Umandar na muli ang jeep at umusad na ulit. Pagdating namin sa Quirino Avenue, huminto ulit ito dahil sa traffic light.
Minsan, naiinis ako sa mga traffic lights kasi imbes na excited ka nang umuwi, bigla ka nalang titigil sa daan dahil hindi pa maaaring umusad.
“Ang tagal naman umusad,” rinig kong bulong ng katabi ko.Mukhang nagmamadali yata siya. Rush hour talaga kapag mga ganitong oras.
Siguro, kaya tayo hindi maka- usad sa nakaraan ay dahil sa sobrang pagmamadali natin, nakalimutan na ang kahalagahan ng paghinto kahit sandali.
Nakalimutan nating huminga.
“Kuya, para!” At sa bawat paghinto, kalakip n’on ay kaginhawaan. Dahil, kahit ilang beses ka mang huminto sa iba’t-ibang sitwasyon, kung ang kasunod naman n’on ay ang tamang destinasyon, wala ka namang pagsisisihan.Bumaba na agad ako pagkarating ko sa tapat ng botika. May nakaparadang traysikel doon na maaaring sakyan papuntang Malagos; Lugar kung saan talaga ako nakatira. Agad naman akong sumakay sa isa sa mga nakaparadang traysikel.
Kasalukuyan akong nakaupo ngayon sa loob ng traysikel, naghihintay ng ibang pasahero na dadating. Habang naglalaro ng Block Blast sa cellphone,
isang pamilyar na boses ang nagpahinto sa akin sa paglalaro.
“Pwede ko po bang iwan iyong gamit ko dito? May bibilhin lang ako saglit,” agad akong nag-angat ng tingin.Nang makita ko siya, halo-halong emosyon ang aking naramdaman. Ito ang unang beses sa tatlong taong hindi naming pagkikita. Nakasuot siya ngayon ng beige-colored plain t-shirt at puting baggy pants. Nakadagdag din ng appeal ang bagong gupit niyang buhok.
Hindi siya nag-abalang lumingon sa akin. Kahit sulyap hindi niya ginawa. Dire-diretso lang ang lakad niya palayo roon sa botika.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Kailan nga pala niya ako pinaglaanan ng tingin? Kahit noong high school hindi niya ginawa.
Nagsidatingan na nga ang mga pasahero na mula pa sa mga karatig lugar. Dalawa roon ay galing grocery at isang estudyante. Hindi na siya hinintay ng driver at sinabing sa susunod na lamang siya na traysikel sasakay.
Nanghinayang ako. Iyon lamang ang nag-iisang pagkakataon ko na makita siya at maramdaman ang presensya niya. Pero mukhang hindi pa handa ang mundo sa muling pagtatagpo namin. Baka hindi ito ang panahon para magkausap ulit kami.
O baka umaasa lang ako kasi nakita ko ulit siya?
Habang nasa byahe, kinokontak ko si Queenie. Nang sumagot, agad ko namang sinabi sa kaniya ang nangyari.
“The heck! kani-kanina lang, nagpapabalita ka kung anong schedule niya sa fast food chain, ngayon nagkita kayo? Nagkita kayo ni Gerry?”“Oo, pero may dala siyang bag na malaki. Naiwan nga doon sa terminal, may pinuntahan pa kasi siya.”
“Baka sign na iyon na magkakabalikan kayo!"
Sambit nito. Sana nga iyon ang mangyari; Ang bumalik siya sa akin.
“Sa tingin mo?” Mabilis namang sumang-ayon ang babae. “Pero hindi sa ngayon, hindi pa kayo handang harapin ang isa’t-isa eh.” May punto ito.
Hindi lahat ng pinagtatagpo ay nakatakdang ipagtagpo. May mga senaryo talaga sa buhay na kahit sabihin mong nakalaan kayo sa para sa isa’t-isa, nakatadhana lamang itong maging parte ng mga alaala mo at hindi nakatakdang manatili.
At siguro nakatakda lamang kaming magkita at hindi para bigyan ng konting pag-asa ang matagal nang naudlot na pag-ibig.
Nakarating ako ng payapa sa bahay. Sinalubong naman ako ng nanay kong kanina ay nagsisibak ng kahoy. Sa pamilya kasi namin, hindi nagma-matter kung anong gender mo basta kung kaya mong gawin, gawin mo.
“Kumusta ka naman? Ang tagal mo ring hindi umuwi,” hindi ko alam kung anong isasagot ko sa nanay ko sa naging tanong niya. Iniba ko nalang ang usapan.
“Bumili ako ng grilled liempo roon, Ma. Hintayin nalang natin si Papa umuwi,” sandaling napatigil ang mama ko. Napalingon naman ang kapatid ko sa kaniyang narinig. “Bakit? Bakit natahimik kayo?” Takang tanong ko.
“Nakalimutan mo na bang matagal nang patay ang papa mo?”
BINABASA MO ANG
ANAHEIM
RomansaWhat is your definition of home? Is it a four corner room with bookshelf beside the window? Has a beige-colored door? Has a small dining room and kitchen where you can create wonderful memories? None of these are considered home. Her home is a huma...