CHAPTER 16

7 1 0
                                    

CHAPTER 16

WALANG kahit na sinong estudyante ng Dalton Academy ang makalulusot sa pagkakataong iyon. Doble ang kabang nararamdaman ng mga mag-aaral sa araw na itinakda. Iyon ang araw ng kanilang pagsusulit. Walang nakaaalam kung anong maaaring mangyari sa mga susunod na oras. Ang alam lang nila, hindi na sila makatatakas pa sa kamay ni Miss X, lalong-lalo na ang mga pumapasok rito.

Nanginginig ang isang babae habang papasok ng stadium. Yakap nito ang isang kuwaderno na marahil ay nagsilbing reviewer niya sa araw na iyon. Pero magkakaroon pa nga ba ng silbi ang hawak niya kung sa oras na siya ay magkamali, buhay niya ang magiging kapalit? Baka hindi na.

Napansin naman ito ni Katherine na kasunod lang niya. Lumapit siya sa dalaga at tinapik ito sa balikat. “Kaya mo 'yan. Tiwala ka lang.” Nginitian naman siya ng babae pero halatang pilit.

“Salamat,” tanging sambit ng babae. “M-Mauna na ’ko,” dugtong pa nito na halatang balisa at tila ba wala sa sarili. Kumaripas ito ng lakad at hindi sinasadyang masagi si Keeno. Napatigil ang binata sa kinatatayuan nito na para bang may panibagong pangitain na nakita.

“Keeno,” tawag ni Katherine sa kanya.

“Apoy.” Iyon lang ang nabanggit ng binata.

“Ha? A-Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Katherine. Bigla na lang kasi nitong sinabi ang mga katagang iyon na wala man lang dahilan.

“Nakakita ako ng apoy. Hindi pangkaraniwang apoy.” Halos pagpawisan nang butil-butil si Keeno. Hinahabol nito ang hininga. Hindi nito magawang ihakbang ang mga paa dahil halos manghina ito.

“Chris!” Napatingin sa kinaroroonan nila si Chris na noo'y abala sa kausap na kaklase.

“Anong nangyari?” nag-aalalang tanong ni Chris nang makitang halos mawalan ng balanse si Keeno at akay ni Katherine.

“Hindi ko alam. B-Basta niya lang sinabi na ‘apoy’. I... I don't know!” naguguluhang turan ni Katherine. Maging siya ay hindi rin makapagsalita nang diretso sa kabang naramdaman nang makita si Keeno na halos wala na sa sarili.

Kaagad na kinuha ni Chris ang bag ni Keeno at hinanap ang bagay na maaaring makatulong sa binata.

“What are you doing?” tanong ni Katherine.

“I'm looking for his inhaler. Hindi mo ba alam na may asthma si Keeno. Every time na mai-stress siya, kinakapos siya nang hininga,” paliwanag ni Chris bago matagpuan ang gamot ni Keeno. “Here, Keeno,” saad pa nito bago ipalanghap sa kaibigan ang inhaler.

Uubo-ubo pa ito bago tuluyang lumuwag ang paghinga. “Okay na ’ko. Salamat.”

“Ano ba talagang nangyari?” usisa agad ni Katherine.

“May sumagi sa akin, hindi ko siya napansin pero... nakakita ako ng apoy na bumabalot sa katawan niya,” saad ni Keeno.

“Apoy ang papatay sa taong iyon?” tanong ni Katherine.

“It can be. Pero sana, ’wag mangyari ang pangitain ko.” Alam ni Keeno na imposibleng makontra nito ang kanyang pangitain. Hindi iyon basta mapipigilan maliban na lang kung may taong kokontra nito. Hindi rin ganoon kadali iyon kung tutuusin.

“Maaaring hindi lang siya ang mamamatay sa apoy,” saad naman ni Chris.

“Ha? Anong sinasabi mo, Chris?” tanong ni Katherine nang biglang tumayo si Chris at amuyin ang paligid.

“Hindi n'yo ba naaamoy? Amoy sunog?” sambit nito. Sa talas ng senses ni Chris, halos lahat iyon ay gumagana. Lalo na ngayon na may naaamoy siyang kakaiba. “Ang hangin...” Inilabas niya ang kanyang dila. “Mapait,” dagdag niya.

“Kakaiba ang mga nangyayari sa paligid.” Saka pa lamang iyon napansin ni Katherine.

Bigla na lang tumunog ang cellphone ng tatlo. Sabay-sabay nilang tiningnan ang anunsyo.

This is not a drill. Go to the stadium, now!

Kumaripas ng takbo ang tatlo kasama ang iba pang mga mag-aaral.  Walang dapat mahuli sa kanila sa oras ng pagsusulit. Bingyan lamang sila ng limang minuto papasok ng stadium at ang mahuli, ay pagsasarhan agad ng tarangkahan.

Inabutan ng tatlo ang mga estudyanteng kabado at takot na takot. Ilan sa mga ito ay nanginginig pa at hindi halos makagalaw sa kainauupuan. Tulala at umiiyak. Ganyan ang naging tagpo nang pumasok sila. Ngunit ang mas kapansin-pansin ay iilan na lang ang natira sa mga estudyanteng naroon. Nasaan ang iba? Sa pagkakaalam kasi nila ay mahigit sa isangdaang examinees ang pumasok sa stadium. Pero ang nakita ng mga bagong pasok ay halos mangalahati na lang.

“Amoy sunog,” sambit ni Katherine bago napagtanto ang sinabi ni Chris kanina lamang. “Hindi kaya...”

“Sinusunog nila nang buhay ang nagkakamali sa exam,” singit ni Vlad na bigla na lang tumabi sa kanilang tatlo.

“A-Ano?” takot na takot na wika ni Katherine.

“Pa... paano mo nalaman?” pigil naman ang hiningang tanong ni Keeno.

“Sinilip ko kanina sa gate. Kada estudyanteng magkakamali, bubugahan ng apoy ng flame thrower,” paliwanag ni Vlad na parang wala man lang bakas ng takot sa mukha noong sabihin ang mga katagang iyon.

“Isa lang ang ibig sabihin nito,” wika naman ni Chris. “Kailangan nating itama ang lahat ng sagot,” dagdag niya.

Hindi alam ng apat ang maaaring mangyari sa kanila sa oras ng pagsusulit. Kung nanaisin pa nilang mabuhay, dapat lang na masagot nila ang lahat ng tanong sa kanila. Dahil kung hindi... buhay nila ang magiging kapalit. Habang nasa kalagitnaan ng katahimikan ang lahat, biglang bumukas ang malaking LED sa harap nila at bumungad ulit ang anino ng isang babae — si Miss X.

“Kumusta Daltonians, ready na ba kayo sa exam ninyo?” tanong ni Miss X pero kahit isa sa sa mga taga-Dalton Academy ay walang umiimik sa takot. “Mukhang excited na nga kayong lahat. Ngayon, simulan n'yo nang maghanap ng upuan para sa ating pagsusulit." Halatang pinaglalaruan lamang ni Miss X ang mga estudyante. Halata sa boses nito ang bawat hagikhik na para bang excited sa mga mangyayari.

Nang makapamili ang mga estudyante ng kanya-kanyang mga upuan ay saka lumabas ang mga taong nakasuot mg itim na pantalon at jacket. Nakaguwantes pa ang mga ito pagkatapos ay nakasuot ng maskarang mata lang ang nakikita. Subalit kapansin-pansin ang hawak ng ilan sa mga ito.

Flame thrower.

Tama nga ang hinala ni Vlad. Isang malaking kahangalan ang pagsusulit na iyon para sa kanila pero mas malaking kahangalan kung tatakasan nila. Mamamatay at mamamatay pa rin sila.

“Are you ready for my first question?”

Ready nga ba sila sa unang tanong?

Itutuloy...

Itutuloy

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 26 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ACADEMY OF DEATH(Under Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon