CHAPTER 1

2.1K 56 9
                                    

CHAPTER 1

DALTON ACADEMY

Isang napakalalim na buntonghininga ang ibinuga ng dalagang si Katherine nang makita niya ang eskwelahan kung saan siya mag-aaral. Ito ang unang araw niya sa Dalton Academy bilang isang estudyante.

"Ang suwerte ko naman, birthday ko pa ang simula ng pasukan,” angal niya sa sarili habang tinitingnan ang pangalan ng akademya sa na nakapaskil sa napakalaking tarangkahan nito. Tila naninibago siya sa nakikita at ani mo'y isa siyang turista na bagong dating sa isang lugar. Hindi niya lubos maisip na dito siya mapapadpad pagkatapos niyang mag-aral sa isang simpleng paaralan noong nasa elementarya pa lamang siya. Tiningnan niya ang oras sa kanyang relos at nagsimula na siyang maglakad papasok sa eskwelahan.

Namangha siya sa nakita. May mga gusaling halatang luma na ngunit nakaaakit pa rin sa mga mata dahil sa disenyo nito na parang sinauna. Nakakita siya ng mga estudyanteng halatang may mga kaya sa buhay dahil sa tindig at bihis ng mga ito. Ngunit ang nakapukaw ng kanyang atensyon ay ang isang sulok ng eskuwelahan na tila abandonado at walang kahit na sinong dumadaan dito. Nakaramdan siya ng kakaibang kuryosidad dahil sa nakikita kaya nilapitan niya ang lugar na ’yon.

Isang napakalaking pinto ang nasa harapan niya na parang pinabayaan na dahil ang nasa nakatambak sa tabi nito ang iba't ibang lumang gamit. Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa seradura ng pinto at isang kakaibang hangin ang naramdaman niya nang mahawakan niya ito. Ipininid niya ang seradura upang ito ay mabuksan ngunit bago pa man niya ito magawa ay may bigla na lang humawak sa likurang bahagi ng balikat niya.

"Miss, bawal ka rito," saway ng isang lalaki sa kanya na nakasuot ng isang uniporme na pang-guwardiya. Nagulat ang dalaga dahil sa bigla nitong pagsulpot ngunit wala itong nagawa kundi ang sumunod na lamang sa guwardiya ng eskuwelahang ’yon. Hindi na lamang siya nagsalita at naglakad na lang papalayo. Nagdesisyon na lamang siyang hanapin kung saan ang kanyang silid-aralan. Tinungo niya ang gusali kung saan naroroon ang kanyang papasukan. Nasa ikaapat na palapag ito at kung titingnan mo ay napakataas ng kisame sa bawat silid-aralan kaya hindi mapagkakailang napakatayog ng bawat gusali ng eskuwelahan.

Nang marating ni Katherine ang kanyang silid na papasukan isang napakaingay na hiyawan ang sumalubong sa kanya. Mga nagliliparang mga papel at maiingay na estudyante ang nakita niya pagpasok pa lamang niya ng pinto. Ilang saglit lang ay isang lalaki ang dumating sa loob ng silid-aralan, nagmamadaling umupo ang mga estudyante samantalang si Katherine ay nanatili pa ring nakatayo sa pintuan.

"Good morning everyone, I am your class adviser for the whole year, tawagin 'nyo na lamang akong Sir Hero," wika ng lalaking dumating. May pagkaseryoso ang mukha nito at halatang terror pagdating sa pagtuturo. Tulad ng isang tipikal ng guro, ito ay may tamang pangangatawan at madalas na nakasuot nang pormal na kasuotan. Ngunit sa likod ng uniporme nito ay may nakatagong lihim na hindi pa nabubunyag: lihim sa kanyang pagkatao na kahit na sino sa eskuwelahang ’yon ay walang nakaaalam. Napansin ng guro si Katherine na kanina pang nakatayo sa pintuan. Nagulat ang dalaga nang bigla na lamang siyang titigan ng guro niya nang napakatalim at halatang seryoso.

"Ikaw, ano pang ginagawa mo riyan? Humanap ka ng sarili mong upuan,” paninita nito.

"O-opo!" nanginginig na tugon ni Katherine at kaagad naman itong humanap ng upuan. Pumuwesto siya malapit sa may bintana sa likurang bahagi ng silid-aralan.

"Freshmen pa lang kayo. Kaya kung ako sa inyo, habang maaga pa, disiplinahin 'nyo na ang sarili ninyo." Ipinatong nito ang kamay sa desk bago muling nagsalita. "Dahil kung hindi, ako mismo ang magdidisiplina sa inyo." Tumingin ito sa buong klase nang seryoso.

"Naiintindihan n'yo ba?!" pasigaw nitong pagtapos sa kanyang mga sinabi na siya namang ikinagulat ng mga estudyante sa harapan nito at nasindak sa takot dahil sa pagbabanta nito. Natahimik ang buong klase.

"Sagor!" utos nito.

"Yes Sir!" sabay-sabay na sigaw ng mga estudyante at nagsimula na itong magklase. Halos lahat ay nakatingin sa kanya at seryosong nakikinig sa mga sinasabi niya.

Habang seryosong nakikinig si Katherine sa leksyon na kanyang guro ay napansin niyang may isang babaeng nakatayo sa may pintuan, ngunit ganoon na lamang ang pagtataka niya kung bakit parang hindi ito napapansin ng guro nila at patuloy pa rin itong nagkaklase. Matalim ang tingin ng babaeng nasa pintuan sa kanyang guro. Tila malaki ang galit nito kay Sir Hero. Ngunit hindi ito napapansin ng lahat maliban kay Katherine. Hindi niya magawang magsalita dahil baka mapagalitan siya ng guro nila. Napansin ni Katherine na nakasuot ito ng uniporme ng eskuwelahan nila kaya nalaman niya na estudyante din siya ng eskwelahang 'yon. Maya-maya lamang ay dahan-dahan itong naglakad papalayo sa silid-aralan na parang walang nangyari. Dahil sa pagtataka ay naisipan ni Katherine na tanungin ang katabi niya.

"Huy! Nakita mo ba 'yong babaeng nakatayo kanina sa may pintuan?" bulong niya sa katabing babae na seryosong nakikinig sa kanilang guro ngunit napukaw ang atensyon nito kay Katherine dahil sa itinanong nito.

"Huh? Wala naman akong nakitang tao mula pa kanina sa may pintuan, ah? Baka namamalik-mata ka lang?" tugon nito.

"Pero hindi, nakita ko talaga may babaeng nakatayo sa pintuan," wika ni Katherine at laking-gulat na lamang niya nang makita niyang nasa harapan na pala niya si Sir Hero.

"Miss, kung pumasok ka dito para lang makipagdaldalan. Maari ka nang lumbas," utos nito na siya namang ikinatahimik ng lahat.

"S-Sorry Sir..."

"Get out of my class! Now!"

Wala nang nagawa si Katherine kaya inayos niya ang gamit at lumbas na lamang ng silid-aralan. Ngunit sa paglabas niya ay sakto naman niyang nakita ang imahe ng bababe na kanina lamang ay nakatayo sa pintuan. Nakatalikod ito at nakatingin sa bintana sa dulong bahagi ng pasilyo. Hindi ito gumagalaw at parang seryosong tinitingnan ang labas ng bintana. Isang malamig na hangin ang dumampi sa balat ni Katherine na siya namang ikinatyo ng balahibo niya. Ngunit hindi na lamang niya iyon pinansin at nagdesisyong lapitan ang babae. Unti-unting lumamig ang hangin sa paligid na tila ba may nakamasid sa kanya. Habang humahakbang siya papalapit sa babae ay isang boses ang tila tumatawag sa kanya.

"Tulungan mo ako. Tulungan mo ako," paulit-ulit ito at parang ang babaeng nilalapitan niya ang nagmamay-ari ng boses na 'yon. Hanggang sa ilang metro na lang ang layo niya sa babae ay hinawakan niya ang balikat nito.

"Miss, okay ka lang?" nag-aalala niyang tanong hanggang sa unti-unti itong humarap sa kanya at laking gulat niya sa nakita.

Duguan ang mukha ng babae at tila namumutla ito na parang isang bangkay. Ngunit ang nakapangingilabot ay ang pagdugo ng leeg nito na tila ginilitan ng kung sino man. Nanginginig sa takot si Katherine dahil sa nakita kaya napa-atras siya.

"H-huwag k-kang lalapit," nanginginig niyang sabi sa duguang babaeng nakikita niya at bigla na lamang siyang napatakbo papalayo hanggang sa marating nito ang hagdan. Nagmamadali siyang bumaba ng hagdan para lang makalayo sa babaeng duguan. Ngunit dahil sa pagmamadali ay nahulog siya sa hagdanan at nagpagulong-gulong sa ibaba hanggang sa mawalan ito ng malay.

ACADEMY OF DEATH(Under Editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon