Pagkatapos ng kanilang masayang pamamasyal, nakauwi na sina Kael, Aishka, at Aisha. Hindi maipinta ang ngiti sa mukha ni Aishka-tila wala nang makakapantay sa kasiyahan na nararamdaman niya. Sa bawat hakbang ng kanilang pag-uwi, dama ni Aishka ang init ng presensya ng dalawang taong mahalaga sa kanya. Para kay Aishka, kumpleto na ang araw; ang pagdama ng hangin, ang mga kwentuhan, at simpleng mga tawa kasama sina Kael at Aisha ay nagbigay ng aliw at saya sa kanyang puso.
_____
Habang naglalakad pauwi si Aisha, napansin niyang bukas pa ang mga ilaw sa labas at sa loob ng kanilang bahay. Hindi na siya nagtaka dahil madalas namang ganito kapag gabi na siyang umuuwi. Ngunit nang makapasok siya sa loob, agad niyang napansin ang kakaibang katahimikan. Doon, nakita niya ang kanyang asawa na tahimik at seryoso ang mukha, nakaupo at nakatingin lamang sa kanya.
"Saan ka galing?!" sigaw ng asawa ni Aisha, ngunit hindi ito pinansin ni Aisha at ipinagpatuloy ang pag-aayos ng kanyang mga pinamili sa kusina.
"Saan ka galing, Aisha?" ulit na tanong ng asawa niya, ngayon ay nakatayo na sa pintuan ng kusina, na tila naghintay ng sagot.
Habang patuloy na inaayos ni Aisha ang mga pinamili, hindi na niya kayang balewalain ang bigat ng tanong ng kanyang asawa. Sa kabila ng tahimik na paligid, naramdaman niyang lalong bumibigat ang kanyang dibdib. Sa wakas, ibinaba niya ang mga hawak at humarap dito.
"Bakit ba palaging ganito?" sabi niya, mahina ngunit puno ng poot. "Hindi ba sapat na inuuwian pa rin kita?"
"ikaw, saan ka nanggagaling? Minsan lang kitang makita dito sa bahay, tapos ganito pa ang sasalubong sa akin?"
Sumiklab muli ang galit sa mga mata ng kanyang asawa. "Hindi mo ako sinasagot, Aisha! Saan ka galing?!"
Hindi na nakayanan ni Aisha ang tensyon. Huminga siya nang malalim at tumingin nang diretso sa mga mata ng asawa. "Wala na 'tong patutunguhan. Hindi na kita kayang kausapin. Pagod na ako."
Tila hindi nakinig ang kanyang asawa. "Saan ka galing?" muling tanong nito, ngunit ngayon ay mas malamig ang tono, puno ng hinala. "O mas tama bang itanong... sino ang kasama mo?"
Nagkatinginan sila, at alam ni Aisha kung saan patungo ang tanong. Hinanda niya ang sarili, ngunit bago pa siya makasagot, narinig niya ang mga salita na matagal nang kinakatakutan.
"Magkasama ba kayo ng Atty na 'yun?" tanong ng kanyang asawa, tahimik ngunit puno ng galit.
Biglang tumahimik ang buong paligid, tila ba nag-aabang ang mundo sa susunod na mangyayari. Hindi na sumagot pa si Aisha-dahan-dahan siyang naglakad papunta sa pintuan, kinuha ang kanyang bag, at tuluyang lumabas ng bahay. Hindi na siya lumingon.
"Aisha, sagutin mo ako!" Humabol ang kanyang asawa, pero huli na-nakalabas na si Aisha ng bahay.
Sa labas, agad bumuhos ang malakas na ulan. Tila ba sinasabayan ng kalangitan ang sakit na nararamdaman ni Aisha. Basang-basa siya ngunit patuloy siyang naglakad palayo-malayo sa mga tanong, sa hinala, at sa sakit na dulot ng relasyon na matagal nang sira.
Niyakap ni Aisha ang sarili habang patuloy ang pagbuhos ng ulan. Tila sinasabayan nito ang sakit na matagal nang kinikimkim sa kanyang puso. Napaupo siya sa gilid ng kalsada, basang-basa, ngunit hindi alintana ang lamig.

YOU ARE READING
ATTORNEY LIM
Acción"Mahal kita, Aisha at alam kong mahal mo pa rin ako!" "May asawa na ako, Kael"