Ang mundo ay nababalot ng misteryo, napakarami nitong mukha. Hindi lahat ng ating nakikita ay totoo at tama. Ngunit ang mga tao ay nanatiling mangmang sa mata ng katotohanan. At kahit gaano man katalino ang isang tao at subukan nito na malapit sa katotohan, malabo niyang masaksihan ang reyalidad na nakakubli sa likod ng pantasya. Maaring sa isang punto ay magawa niyang mapalapit kahit konti, marahil may kakayahan ang bawat isa na salunggatin ang tadhana. Subalit sa huli, tanging ang kawalan sa katinuan ang naghihintay lamang sa kaniya.
Gayunpaman, mayroong mga tao ang may kakayahang makita ang sekreto ng pisikal na mundo at makipagsalamuha sa mga nilalang na di nakikita ng normal na tao. Bagamat sumpa ito sa iba, mas pinili nilang tanggapin ang kanilang natatanging talento upang makatulong sa iba. At dahil dito, ginantimpalaan sila ng kalangitan ng mga ating-ating subalit mayroon din itong kalakip na mahalagang tungkulin. Ang tungkuling ito ay ang panatilihin ang kapayapaan sa pagitan ng mundo ng mortal at ng mga elemento. At ang mga hinirang na mga taong ito ay tinawag na mga "Sugo."
Bago natin simulan ang storyang ito, nais ko munang magpakilala. Ako nga pala si Benjamin Dela Cruz, isang bente anyos na binata. Buboy nga pala ang tawag nila sa akin nong sa aking kabataan. Hindi ako isang Sugo sa inyong inaakala, bagkus isa ako sa mga biktima ng kalupitan ng mundo ng mga elemento dahil na rin sa aking kapangahasan. Bata pa lamang ako noon nang magsimula ang lahat na ikinapahamak ng mga mahal ko sa buhay; isang masalimuot na pangyayari na di dapat danasin ng isang sampung taong gulang na bata.
Nagsimula lahat dahil sa isang utos lamang; utos na nanggaling sa mga nambubulas sa akin. Dahil sa takot, mas pinili kong sundin ang kanilang pinag-uutos upang tigilan na nila ang pangungutya sa akin.
Simple lang naman ang kanilang utos at ang kailangan kong gawin. Kailangan ko lang pumasok sa gitna ng kakayuhan na malapit sa aming nayon at magsunog sa ilalim ng matandang puno ng balete. Ayun sa mga kwento ng mga matatanda sa amin, sa gitna ng kakahuyan kung saan namumugad ang mga elemento, ang punong baleteng iyon ay tirahan ng isa sa mga bigatin sa mundo ng mga elemento.
Dahil musmos pa lamang ako non, hindi ko na binigyan ng pansin ang kanilang babala at piniling mapadali ang aking gagawin kaya nagdala na ako ng isang bote ng gasolina. Pasado alas tres ng umaga kasi ako nagtungo sa kakahuyan kung kaya nasisiguro kung mahihirapan ako magpaapoy sapagkat basa pa ang mga dahon at kahoy.
Kung inyong tatanungin kung saan ko nga ba nakuha ang gasolina at kaninong ideya ko ito nakuha, ito ay walang iba kung di ang Lolo Mito ko. Sa tuwing inuutusan kasi ni Lola Nida si Lolo Mito na magpaapoy 'pagkat siya ay magluluto, gumagamit si Lolo Mito ng gasolina para madaling umapoy ang mga uling dahil siya ay tinatamad sa pagbubunganga ni Lola Nida.
Balik tayo sa kwento; nong ako'y nasa kakahuyan na, nahanap ko agad ang matandang puno ng balete dahil sa laki nito. Di na ako nagsayang oras pa, dali-daling nag-ipon ako ng mga dahon at sanga at saka binuhusan ito ng gasolina.
Sandaling napatulala ako habang nakatingin sa puno ng balete. Waring nahulog ako sa hiwaga na bumabalot sa matandang puno.
Bumalik na lamang ako sa wisyo nang makaramdam ako ng malamig na hangin na dumampi sa aking batok. Naramdaman ko rin ang mumunting init na galing sa hawak-hawak kong isang piraso ng pospuro na dahan-dahan nagliliyab. At bago pa man ito maubos, pinitik ko ang pospuro sa mga nakaimpok na dahon at agad na kumaripas ng takbo papalayo.
Hindi na ako lumingon pa at dumiretso agad sa aming tahanan. Maingat at dali-dali rin akong nagtungo sa aking kwarto saka nagtago sa ilalim ng makapal na kumot. Di ko namalayan na agad akong nakatulog.
Pagkaraan ng ilang sandali, nagising ako sa malakas na sigawan sa labas.
"Sunog! Sunog!"
Nang dumungaw ako sa may bintana, nakita ko kung paano kainin ng apoy ang ilang kabahayan sa aming nayon . Pagkabalisa, takot, at pagsisi; halo-halong emosyon ang aking naramdaman habang pinagmamasdan ang buong pangyayari. Gayunpaman, agad akong nagtungo sa silid ng aking lolo't lola para makalikas. Subalit ang nadatnan ko sa kanilang kwarto ay mga duguan nilang damit at isang mahiwagang portal na walang atubiling aking pinasok sa pagbabakasaling mahanap sila. Nang ako ay makapasok, bigla akong nilamon ng kadiliman at nawalan ng malay.
Sa pagbukas ng aking mga mata, bumulaga sa akin ang kakaibang daigdig at mga misteryosong nilalang na nagkukumpulan sa isang tabi.
"Dayo! Isang dayo," maingay na bulong-bulungan ng mga maliliit na nilalang.
Winalang bahala ko ang kasalukuyang sitwasyon at agad na naglibot para hanapin ang dalawa kong natitirang mahal sa buhay. Wala man lang bahid ng anomang pag aalinlangan sa aking mukha subalit bakas ang takot sa aking mga mata; takot di para sa di pamilyar na mundo kung di ang hindi makita ang dalawang tao na aking hinahanap. Subalit sa ilang oras na paghahanap, bigo akong mahanap sina Lola Nida at Lolo Mito. Tuluyang tumulo ang kanina pang nangingilid na mga luha sa aking mga mata. Bumigay na rin ang nangangatog kong mga tuhod at napadapa sa lupa. Muling binalot ng halo-halong emosyon ang aking isipan ngunit pagsisisi ang nangingibabaw.
At dahil sa malakas kong pag-iyak, nagising ang mga nagsisilakihan at nakakatakot na nilalang na papunta ngayon sa aking kinaroroonan. Nilamon ng takot ang buo kong sistema at naging parang statwa na nanghihintay na lang sa kaniyang katapusan.
Subalit mayroong humablot sa akin at iniligtas ako mula sa karimlan. Patuloy lang kami sa pagtakbo hanggang sa nagtago sa ilalim ng isang malaking puno. Nang makahinga nang maluwag, doon ko pa lamang nadiskobre ang itsura ng aking tagapagligtas; isang bata na kagaya ko, isang batang babae, ngunit hindi tao. Sa tulong ng mumunting liwanag sa mga alitaptap, napagmasdan ko nang mabuti ang anyo ng batang babae. Malaberde ang kutis ng kaniyang balat pati narin ang kaniyang napakahabang buhok. Parang pinagtagpi-tagping damo ang kaniyang buhok na syang tumatakip sa murang katawan niya. Kapansin-pansin din ang bugtong na kulay dilaw na bulaklak na tumubo sa ibabaw ng kaniyang ulo.
Ipinaliwanag ng batang babae ang buong pangyayari sa akin. Kahit hindi ko man lubos maintindihan ang kaniyang mga sinasabi, bawat salita na lumalabas sa kaniyang bibig ay itinatak sa aking isipan.
Ayon sa batang babae, ikinuwento sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan puno na dinakip ng mga engkantong nakatira sa balete sina Lolo Miong at Lola Nita. Nabuhayan ako ng loob ng malaman ko na malapit lang pala sa amin ang lokasyon kung saan ko mahahanap sina lolo at lola, ngunit agad din akong binuhusan ng malamig na tubig sa mga sumunod kong nalaman.
Mariing sinabi ng batang babae na kailanman wala akong kakayahan para bumalik sa daigdig ng mga tao, at ang tanging daan papunta sa kaharian ng mga engkanto ay dito sa mundo ng mga elemento. Dagdag pa niya, nang mapunta ako dito sa kanilang daigdig, niligaw ako ng mga engkanto kung kaya't napunta ako sa lugar na libo-libong milya ang layo sa kaharian nila. Kahit ganun ang aking mga narinig, mas pinili ko pa rin maging positibo.
Tinanong ko sa kaniya kung saang direksyon ko mahahanap ang kaharian ng mga engkanto subalit pagbugtong-hininga na lamang ang kaniyang naisagot sa akin. Nangangahulugan na lamang ito na mabibigo lang ako sa aking magiging paglalakbay. At dahil na rin sa mura kong edad, malamang magiging putahe lang ako ng mga nakakatakot na nilalang sa mundong ito. Pinayuhan na lamang ako ng batang babae na huwag ko ng ituloy ang mga pinaplano ko at handa siyang tumulong para makapamuhay ako sa mundo nila.
Masasabi kong napakabusilak ng puso ng batang babae dahil handa niyang protektahan ang gaya kong isang dayo lamang. At alam ko na alam niya na lahat ng ito ay kasalanan ko at parusa sa aking nagawa.
Lumipas ang panahon, tuluyang kong tinanggap ang pagkawala ng aking natitirang mahal sa buhay. Namuhay ako habang dala-dala ang mga mapapait na ala-alala na bunga ng aking kamangmangan. At sa sampung taon kong pamumuhay sa mundong ito, hindi pa rin naghihilom ang sugat ng nakaraan, at patuloy kong pagsisisihan ang aking mga nagawa.
YOU ARE READING
Estranghero
ParanormalSa pagsapit ng gabi, mas mabuting manatili na kayo sa inyong tahanan 'pagkat ang mga kwento-kwento tungkol sa mga aswang at maligno ay maaring may katotohanan. Hindi natin alam kung ano ang mga umaaligid sa madidilim na sulok. Huwag ka ring magpapad...