Kabanata I

9 1 0
                                    

Sa pagtakbo ng oras, lumilipas din ang panahon na nagdaan, kasabay nito ang pagtanda at paglisan ng mahal natin sa buhay. Tanging mga alaala na lang at mga pangako ang natitira para sa mga naiwan. At ang mga naiwan naman ay patuloy na kinikimkim ang mga litrato ng kahapon, upang kahit paano hindi makalimutan ng mundo ang mga taong namayapa na.

Ako si Annie Batumbakal, isang dise-nuwebe anyos na dalaga. At ako ay bunga ng isang broken family. Masakit man aminin ngunit kailangan kong isalaysay ang aking buhay.

Nagsimula ang lahat ng magkabuo ng anak ang magsyota na nag-aaral pa lamang sa hayskul. Kahit na ganoon man ang nangyari, itinuring ako ng itay na isang biyaya kung kaya agad na pinanagutan niya ang aking inay kahit na mahirap ang buhay nila sa probinsya. Samantala, salunggat sa pananaw ng itay kay inay. Nais sana ni inay na ako ay ipalaglag kung di lang sa pagpupumilit ni itay na ako ay bigyan ng pagkakataong mabuhay sa mundo.

Isa akong malaking pagkakamali at kahihiyan sa aking inay. Tinuring niya akong parang isang kadena na nakagapos sa kaniyang mga paa. Ninanais niyang makawala at tuluyang makalipad nang malaya.

Kaya pagkatapos akong isilang, bigla nalang nawala na parang bula si inay at ang kaniyang pamilya sa aming lugar.

Ginawa lahat ni itay ang kaniyang makakaya upang makita muli si inay, subalit kabiguan lamang ang nahanap niya sa huli. At simula noon, hindi ko na muling nasilayan pa ang ilaw ng aming tahanan.

Lumipas ang taon, naging matibay naman ang haligi ng aming tanahan kahit ilang bagyo man ang dumaan. Simple lang naman ang trabaho ng itay, isang magiting na mangingisda. Kahit kakaunti lang ang nahuhuli, nagawa pa rin niya akong mapag-aral at tugunan ang aking mga pangangailangan.

Lumaki man ako na walang ina, sagana naman ang aking natatanggap na pagmamahal mula sa aking itay. Kailanman, masasabi kong di nagkulang sa akin ang itay at napalaki niya ako nang wasto sa tulong na rin ng kaniyang nabubuhay pa na ina; ang aking mahal na lola.

Tumungtong ako sa edad na katorse, ipinagtapat sa akin ng itay ang tunay na rason kung bakit walang ilaw ang aming tahanan. Hindi lang ito dahil walang kuryente sa amin. Subalit sa bawat salita na lumabas sa bibig ng itay, dahan-dahan namang tumulo ang aking mga luha.

Naalala ko pa na sa tuwing tinatanong ko si lola kung bakit wala ang inay. Imbes na ako'y sagutin, lagi niya akong binibiro na di ko ba siya tinuturing na ina. Kahit na bata pa ang aking pag-iisip, alam ko na may malalim na dahilan. At alam ko na di pa patay ang totoo kong ina dahil wala naman kaming dinadalawan na puntod bukod sa puntod ng ama ni itay.

Ngayon nauunawaan ko na.

Masakit man tanggapin ang katotoohan ngunit kailangan ko itong lunokin at huminga nang malalim habang ang aking pananaw ay nakatuon lang sa kinakabukasan. Ginawa ko na lamang itong rason para magsumikap pa nang masuklian ko ang itay sa lahat ng nagawa niya sa akin. Ngunit bago ko pa man ito magawa, inunahan na ako ng kalangitan sa aking hangarin.

Lumipas ang apat na taon, bago pa man tuluyang sumibol ang araw ng aking kaarawan, nakita na lang ng isa sa aming kanayon na inaanod ng alon ang itay sa may dalampasigan. At isang malamig na bangkay na ang aming nadatnan.

Labis na paghihinagpis ang natanggap kong regalo sa araw ng aking debut. Nangako ang itay na manghuhuli ng marami para makapaghanda kami nang bongga. Nangako rin siyang uuwi nang maaga sapagkat mamamahinga pa siya para marami siyang lakas upang isayaw ako nang matagal sa sayawan. Naniwala naman ako sa kaniyang mga salita ngunit napako lamang ang lahat ng pangako sa bato kung saan nakaukit ang kaniyang pangalan.

Tatlong araw pagkatapos ng libing ng itay, bigla naman nagpakita na waring multo ang tunay kong ina sa aming tahanan. Isang malaking himala na para balikan ng isang ina ang dating sanggol na iniwan niya na tila isang dumi ng hayop lamang. Ito ang unang beses na bumuhos ang matinding poot na matagal ko nang kinikim mula pagkabata.

Lalong umapoy ang aking galit nang malaman ko na matiwasay ang buhay ng aking ina sa manila kasama ang bago niyang pamilya. Halo-halong emosyon ang aking nararamdaman subalit sinubukan akong pakalmahin ng aking mahal na lola.

Nang ako ay kumalma, nakipag-usap sa akin ang aking ina na maari ba akong sumama sa kaniya sa manila para makapag-aral sa kolehiyo at makabawi na rin sa akin. Ngunit mariin naman agad akong tumanggi.

Sa gitna ng malakas na pagbunok ng ulan, masugid kong binaybay ang daan papunta sa sementeryo. Bagamat madilim ang lugar, nakita ko agad ang puntod na aking hinahanap.
Tandang-tanda ko kung saan nakahimlay ang itay 'pagkat sariwa pa sa aking alaala kung pano lamunin ng kadiliman ang kabaong niya.

Bumigay ang aking mga tuhod saka napasalampak sa lupa nang nasa harapan na ako ng puntod ng aking itay.

Dahan-dahan kong pinalaya ang mga luhang kanina pa nais na kumawala. Subalit napakabait ng ulan, sinabayan nito ang pagdaloy ng mga butil ng pagdadalamhati sa aking mukha at itinago nito ang aking pusong nangungulila. Itinago rin ng ingay ng pag-ulan ang sandali na mahina ako sa pagkakataong ito.

Marahan kong pinunasan ang mga putik na tumalsik sa lapida. Habang nakatitig sa picture frame na nakalagay sa gilid ng puntod, ramdam ko ang init ng dating pangkalinga ng yumao kong ama kahit na nanlalamig buhat ng basang-basa na ako ng ulan.

Pagkaraan ng ilang sandali, naputol ang aking pag-iisa nang maramdaman ko ang isang presensya sa aking likuran; ito'y walang iba kungdi ang aking mahal na lola na ngayo'y pinapayungan ako.

"Masakit para sa'tin ang pagkawala ng 'yong itay, iha. Pero mas nasasaktan ako na makita ka sa lagay mo ngayon... Halika't umuwi na tayo, iha. Ikalulungkot lang ng 'yong itay kapag nilagnat ka. "

Napakalumanay talaga ng boses ng aking lola, na sa tuwing naririnig ko ito para niya akong niyayapos.

Gayunpaman, pagtango lang ang naging sagot ko sa kaniya. Nauna nalang umuwi ang aking lola ngunit iniwan niya sa aking tabi ang isang payong na dala niya para sa akin.

Lumipas ang kalahating oras ng aking pagmuni-muni, tumila rin sa wakas ang ulan. Napagdesyunan ko na ring umuwi sa amin at namaalam na sa aking itay.

Ngunit bago ko pa man tuluyang lisanin ang sementeryo, nakaramdam ako ng kakaiba kung kaya't napalingon muli ako sa puntod ng aking itay.

Agaw pansin ang misteryosong bato na nakalagay ngayon sa gilid ng puntod. Nakakasiguro akong wala pa ito kanina.

Dahil sa kuryusidad, agad ko itong dinampot at bigla nalang ako napunta sa kakaibang mundo sa isang kisapmata lamang.

"Sandali, isang tao?" Isang malalim na boses ang aking narinig sa aking likuran na alam ko ay nanggaling sa isang lalaki.

Subalit bago pa man ako makalingon, bumalik muli ako sa aking kinatatayuan sa may harapan ng puntod ng aking itay. Napatingin ako sa kaliwa't kanan dahil sadya akong naguguluhan at di makapaniwala sa aking naranasan.

Mabilis kong tinignan ang aking kamay para tignan ang hawak ko, nagbabakasaling totoo ang aking mga nakita. Ngunit nawala na parang bula ang batong dinampot ko kanina.

"Nakakapagtaka." Nagkibit-balikat na lamang ako at tuluyan nang nilakbay ang daan pauwi sa amin.

Siguro guni-guni ko lamang lahat iyon dala ng gutom na kanina ko pa nararamdaman. Pero ang masasabi ko lang; kung totoo man ang aking mga nakita, nais ko itong makita muli dahil agad na nahulog ang loob ko sa hiwaga ng mundong iyon.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 22 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

EstrangheroWhere stories live. Discover now