09/02/24Marahil nagtataka ka kung bakit isinulat ulit kita ng isang daang tula. Ito'y dahil sa tingin ko'y masyadong mabilis ang pagsulat ko sa unang ibinigay ko sa'yo; parang pinabilis ko, at hindi ko maitatangging minadali ko ang pagsusulat. Noong mga oras na iyon, gustong-gusto kong matapos ito kaagad. Pakiramdam ko kasi ang bilis ng lahat, at kung hindi ako sasabay sa bilis ng oras, mauunahan ako ni tadhana sa pagsulat. Baka sa kalagitnaan ng pagsusulat ko'y ibaba niya ang libro at isara ito, dahil sa kwento nating dalawa'y tapos na siya. Kaya't siguro nga'y minadali ko ang pagsusulat, at siguro'y masyado rin nating minadali ang lahat, lalo na ako, dahil alam kong walang permanente sa mundo. Kahit pa ipilit o gawin ang lahat, hindi pa rin ito magiging sapat; wala itong magagawa upang pigilan ang isang bagay sa pagkawala.
Ito nga siguro ang dahilan, rason kung bakit lahat ng bagay ay ginawa kong mabilisan. Hindi ko kasi alam kung paano pababagalin ang oras; ang kaya ko lang gawin ay pumayag sa tuwing may pagkakataon akong makasama ka, kahit saglit lang, alam kong saglit lang. At iyon ang dahilan kung bakit sa tuwing kasama kita, bawat segundo'y pinahahalagahan ko. Kung maaari nga lang na sabihin sa'yo na mahal kita kada minuto sa bawat 'saglit' na kasama kita, marahil ay ginawa ko na. Ngunit alam kong maiinis ka, at titingnan mo ako ng masama, sisingkitan ng magaganda mong mga mata—mga matang hindi ko magawang titigan pabalik sa takot na malaman mo kung gaano kalalim ang aking pag-ibig. Baka kasi ika'y mabigla, at sa pagkabigla, bigla kang tumakbo. lyon ang iniiwasan ko, dahil ang nais ko'y maging takbuhan mo sa tuwing nais mong tumakbo palayo sa mundo, hindi maging rason ng pagtakbo ng mundo ko.
Siyanga pala, naalala mo pa ba? Sinabi ko noon na hirap ako sa pagsulat ng mga Tagalog na tula; halos kalahating oras ang kailangan ko para makabuo. Samantalang kaya kong bumuo ng tatlo sa loob lamang ng sampung minuto kung hindi Tagalog ang gamit ko. Isa pa itong dahilan kung bakit sumulat ako ulit ng isang daang tula para sa'yo, upang ilahad ang nararamdaman ko sa pangalawang libro. Pero sa pagkakataong ito, hindi ko na sila isusulat sa English. Hahayaan ko na rin ang oras na tumakbo ng mabilis; susulat ako ng walang takot at pangamba. Puso't isipan ko'y pananatilihin kong kalmado, kalmadong susulat, kahit na iwanan ako ng oras at mundo.
Tutuparin ko rin pala rito ulit ang pangako ko—pangakong sumulat ng isang daang tula para sa'yo. Pangakong nagawa na ng unang librong isinulat ko, pero uulitin ko ito upang umakma sa pamagat na 'Isang Daang Tula Para Kay Arceo,' sapagkat Tagalog na wika ang nararapat sa tula, at hindi ito matatawag na tula kung ibang wika ang gamit ko.
Oo nga pala, katatapos ko lang isulat ang ika-unang tula na nilalaman nitong libro nang isulat ko ang mensaheng ito. Kaya kung nababasa mo man ito ngayon, isa lang ang ibig sabihin niyan: binigyan ako ni tadhana ng isa pang kabanata, huling kabanata upang maayos na makapagpaalam at ilahad ang tunay kong nararamdaman sa mas klaro at maayos na paraan. Kaya't dito sa huling kabanatang bigay ni tadhana, ilalahad ko ang lahat ng tinatago ng isipan. Detalyado ko silang ipapaalam; ang iba sa kanila'y dito mo lang malalaman—mga sekretong nabuo nung nahulog ako sa'yo. Mga sekretong hindi ko nagawang ilahad, dahil kung sila'y aking nilahad, mawawalan ako ng dignidad. Malalaman mo kung gaano ka ka-banal sa paningin ko, at malalaman mo rin kung gaano ako ka-hulog na hulog sa'yo.
Bago ko tapusin ang mensaheng ito, nais kong ipaalala na lahat ng nilalaman ng librong ito ay totoo. Ikaw ang paksa ng aking bawat tula; kung hindi dahil sa'yo, hindi ko sila malilikha.
- az
Note: I decided to publish this book here instead because I won't be able to give you another one; destiny doesn't want to spare me another chance.