Simula ng Katapusan
Isang pangkaraniwang araw sa dapit hapon kung saan napagpasyahang maglinis ni Jinger sa hindi kalakihang kwarto na kanilang tinutuluyan ng kanyang Amang si Portillo, na isa sa mga libreng silid sa gusali ng FGDi Bldg. (Ferwin Gemy Distributor Incorporation Building) kung saan ito kasalukuyang namamasukan bilang senior helper. Ang naturang establisyemento ay matatagpuang nakatayo sa lugar kung saan kilala bilang isa sa mga paboritong dinadayo ng ating mga lokal o banyaga mang mga turista na sa ating pinakamamahal lang na bansang Pilipinas makikita; sa napakapayapa, makakalikasan, at masaganang lungsod ng Puerto Prinsesa, Palawan, sa Baranggay ng Tagburos.
Kakatapos pa lamang magtanggal ng mga sapot sa kisame at ngayon ay kasalukuyang nagpupunas na ng pader habang malakas na nagpapatugtog at ganadong nakikinig ng mga musikang nanggagaling sa kaniyang telepono si Jinger. Sa mga oras na iyon ay kasalukuyang tinutugtog ang awiting may pamagat na "Umbrella", na kinanta ng isa sa mga kilala at napakasikat na mang-aawit sa pangkasalukuyang panahon na si Rihanna. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla na lamang sumagi sa kaniyang isipan ang kaniyang maestro na si Marcus. Kasabay noon ang biglaang naramdaman na pag-aalala sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, para sa kaniyang guro. Dahil sa hindi mawari at mawaglit na nararamdaman ay nagawa niya na lamang huminto sa kaniyang ginagawa upang maupo at saglit na makapagpahinga.
Si Marcus ay isang napakamasayahin, mapagbiro, presko, at napakadaling lapitan na klase ng tao ngunit sa likod ng iilang magagandang katangian niyang ito ay hindi rin aakalain nino man na sa likod ng napakabuting imaheng ipinapakita sa marami ay may napakadilim bagama't hindi sekretong masamang gawain at trabaho ito bukod sa pagiging guro. Samantalang, si Jinger ay nasa ika-limang baitang at pangatlong markahan sa elementarya noon sa paaralang pinapasukan sa Maynila, sa Kasiglahan Village Elementary School, nang napagpasyahan ng kaniyang mga magulang na umuwi sa probinsiya ng kaniyang Ina, sa Leyte. Sa kadahilanang gusto na ng kaniyang Lolo na makapiling ng muli mula sa mahabang panahong pagkakawalay ang kaniyang pinakapaborito at matalinong bunsong anak na si Maggie, ang mapag-arugang Ina ni Jinger, at nang makita na rin silang mga apo nito. Kaya bumiyahe ang buong pamilya nina Jinger patungong Leyte at mas pinili ng mag-asawang sina Portillo at Maggie na doon nalang rin maipagpatuloy ng kanilang mga anak na sina John Lex, Jinger, at Jenica, ang kanilang naudlot na pag-aaral. Ang dahilan kung bakit naging tagapagpayong guro ni Jinger si Marcus noong ika-anim na baitang nito sa Mababang Paaralan ng Arado.
At doon nagsimulang magkrus ang dalawang landas na sana ay hindi na lamang ipinagtagpo.
Habang nagpapahinga ay naisip ni Jinger na bakit hindi niya na lamang kumustahin ang guro sa kaniyang nakababatang kapatid, na si Jenica. Na siyang naiwan namang namamahala ngayon sa kanilang mumunting tahanan sa Leyte, na matatagpuan sa Baranggay ng Balorinay sa bayan ng Burauen. Nagbabaka sakaling may alam ito sa kung anong kalagayan ngayon ng kanilang dating guro upang maibsan ang agam-agam na nararamdaman.
Sa pagitan ng dalawang magkapatid na dating naging estudyante ni Marcus ay si Jenica talaga ang naging mas malapit dito. Isang taon lang naman ang agwat ng magkapatid sa edad kaya hindi na nakakapagtakang magkasunod itong dumaan sa baitang na hinahawakan ni Marcus. Bukod din sa napakabibong bata at mag-aaral ni Jenica naging mas magkalapit pa sila ng maestro dahil sa minsang paglahok ni Jenica bilang representante sa larangan ng pagpipinta noong ika-anim na baitang nito sa Arado Elementary School. Kasama ni Jenica ang guro mula sa kanilang napakamasusing pagsasanay hanggang sa pagkakamit na nga ng pagiging kampeon nito sa naturang patimpalak, na ginanap sa North Central School na matatagpuan naman malapit sa pinakasentro ng bayan ng Burauen, kasama ang iba pang mga karatig paaralan na nakilahok sa kumpetisyon.
Nahihinuhang, siguro ay may nangyaring masama sa guro dahilan kung bakit ito biglaang naalala ni Jinger na sinabayan pa ng hindi maipaliwanag na pag-aalala o kutob, na hinding-hindi niya kailanman binabalewala dahil minsan lamang siya dito magkamali. Na alam nating maging tayo, kagaya niya, ay malakas din ang paniniwala sa sariling kutob.
Ang hindi nga lang maintindihan ni Jinger ay kung bakit siya makakaramdam ng kagyat na hindi maipaliwanag na pag-aalala dito gayong hindi naman sila naging ganoong magkalapit. Gaya lang rin naman sa normal na samahan ng isang guro sa kaniyang mga estudyante, ang sa kanila. Sabayan pang isang taon pa lamang ang inilagi ng kanilang pamilya simula ng lumipat sila ng Leyte, at napakamahiyaing ring bata ni Jinger kung kaya't napakaimpossibleng magkalapit talaga ang dalawang ito ng sobra. Datapwa't nagbabaka sakali pa rin itong makahingi ng kahit anong impormasyon sa kaniyang kapatid at umaasang mabibigyang kapanatagan ang sarili.
Agad na minaniobra ni Jinger ang kaniyang sariling telepono upang gumawa ng mensahe para sa kaniyang kapatid. Kinamusta niya ito at pagkatapos ay agad na pinunto ang pakay sa mga oras na iyon. Ngunit, ang tanging naging tugon ni Jenica ay wala daw siyang nalalaman patungkol sa pangkasalukuyang ganap sa buhay ng maestrong si Marcus kaya tingin niya ay nasa mabuting kalagayan naman ito. Maliban sa pagkakaroon nito kamakailan lang ng isang laganap na bidyo na kuha ng isa sa mga pangkasalukuyang estudyante ng guro. Dagdag pa ni Jenica sa kaniyang Ate, na huwag ito masyadong alalahanin at pag-isipan agad ng kung ano-ano kung wala naman silang sapat na basehan, pruweba, at nalalaman patungkol sa kung ano talaga ang totoo at pinakapuno't dulong rason sa naturang insidente sa likod ng kumalat na bidyo.

YOU ARE READING
Diversity
General FictionThis is a story that you haven't read before. This book depicts me.