1996. Kasalukuyang nagpapatugtog sa radyo ng nakasapak na cassette tape ang limang dalagitang magbabarkada. Sumasabay sila sa pag-awit at pagsayaw sa tugtugin ng sikat ng kanta ng girl group na Spice Girls.
Napadaan ang magkapatid na sina Jose Mari at Lisa. Agad silang nagtungo sa kanilang mga kalaro.
"Sali naman kami sa inyo, Gwen." Sabi ni Jose Mari sa mga ito.
"Hindi pwede, JM! Kumpleto na kami!" Mataray na sagot ng malditang si Gwen.
"Oo nga! Ako kaya si Baby Spice!" Sagot naman ng matabang si Jenny.
"Kaya nga. Kumpleto na kaming mga Spice Girls. Meron ng Ginger Spice, Scary Spice, Posh Spice at Sporty Spice!" Sabi pa ni Gwen.
"Ganon ba? Edi ako na lang si Marimar." Sabay kembot ni JM.
Nainggit ang gusgusing at maraming disa sa buhok na si Lisa. "Pa'no naman ako Kuya JM? Sino ako?"
"Ikaw na lang si Pulgoso. Tutal mukha ka namang galising aso!" Biro ni JM sa nakakabatang kapatid.
"Anu ba yan! Nakakainis naman!" Kamot sa ulo ni Lisa.
"Oh ano pang ginagawa nyo dito? Alis na!" Taboy sa kanila ng mataporbeng si Gwen.
"Oo na aalis na kami! Hindi namin kayo bati!" Sabay belat na dila nya sa mga ito.
************************************
Pagdating nila JM sa bahay nila ay sermon agad ang inabot nila sa kanilang nanay.
"Oh bakit ngayon lang kayo? Yung itsura nyong dal'wa para kayong sumabak sa gera! Mabuti naman at nandito na kayo! Wag nyong ipasok yang mga step-in nyo dito sa loob ng bahay at kakalinis ko lang! Aalis ako ngayon at may mahjong kami nila kumareng Lita. Ikaw na bahala sa kapatid mo at paliguan mo na rin sya at suyudin mo ng suyod ang buhok nya para matanggal mga kuto nya sa buhok. Pagkatapos mag-saing kana rin. May ulam na tayo dyang tinola. Niluto ko na yang manok ng tatay nyo na natalo sa sabong kanina." Mahabang bulaslas ng kanilang nanay at umalis na ito.
"Kuya, ano nga ulit sabi ni nanay?" Tanong ni Lisa sa kanya.
"Nakalimutan ko na, Lisa. Ang haba kasi eh?"
"Ngek!" nagpose ito na parang si Aiza Seguerra.
************************************
Kinagabihan, habang nanonood sila ng balita sa telebisyon ay binalita dito ang mga nawawalang bata at ang salarin ay ang halimaw na taong gagamba na si Gagamvina.
"Katakot naman kuya? Totoo kaya 'yan?" Takot ni Lisa sa pinapanood.
"Ewan ko? Baka tinatakot lang nila ang mga bata gaya natin para hindi tayo lumabas ng dis-oras ng gabi? Diba tatay tinatakot lang kami ng balita?" Baling nya sa tatay nila.
Sumagot ang kanilang tatay. "Ang ibig sabihin niyan ay matulog na kayo ng maaga at may pasok pa kayo bukas sa eskwela."
************************************
Sa kwarto nila. Hindi makatulog si JM dahil sa balita sa t.v. kanina. Paano kung mapadpad sa lugar nila ang tinatawag nila si Gagamvina? Paano kung kunin sila nito gaya ng mga batang nawawala?