PULANG ROSAS

0 0 0
                                    

31 May 2023

Sa pagsayaw ay 'di magaling,
Hirap ang katawan sa paggiling.
Huwag na ring asahan sa pagkanta,
Tono ko'y kung saan lang mapupunta.

Tula ko ma'y walang sukat,
Tulad ng pagtingin ko sa'yo na 'di masusukat.
Aaralin na lang kaya ang maging salamangkero't payaso,
Baka sakaling mapansin pa ng 'yong puso.

Wala ring saysay ang aking tinta,
Sa natatangi mong ganda'y 'di kayang ipinta.
Pasensya na't walang talento,
Ang nais lamang ang pagsinta'y matanto.

Hindi maipakita't maipahayag,
Dahil tayong dalawa'y malabo ring maglayag.
Paalam na, ito ang pulang rosas,
Ala-ala ng puso kong minsan sa iyo'y naposas.

Mga Tulang Ulan Sa Tag-initTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon