Taong 1997-" Anya, apo parine na at inihahanda ko na ang pinangat na gabi sa sisidlan sinamahan ko na rin ng sumang moron. Maaari mo na itong ihatid sa Villa at malamang ay naghihintay na sayo si Luding." malakas ang boses na wika ni Lola Mareng.
Kasalukuyan itong nasa kusina at katatapos lang isalansan sa may katamtamang laki ng basket ang limang tali ng pinangat na laing at sampung sumang moron. Tinakpan nito iyon ng malapad na dahon ng saging at pinatungan ng tela. Nang matapos sa ginagawa si Lola Mareng ay hinila nito ang nakasampay na telang katsa sa may balikat. Pinunasan ang pawis sa noo at buong mukha. Pagkaapos ay naupo sa bangko para hintayin ang apo.
"Andiyan na po, La." Si Anya na nagmamadali nang tumungo sa kusina mula sa kanyang silid. Tapos na itong maligo at kasalukuyan nitong tinatali sa likod ang may kahabaang buhok. Lumapit agad ang dalaga sa kanyang abuela.
"Lola, hinintay niyo na lang po sana ako na makapagbihis para ako na po ang naghanda ng mga dadalhin kay Manang Luding. Dapat ay nagpaapahinga na po kayo ngayon at madaling araw pa kayong gising at gumagawa." anang dalaga na may kaakibat na pag-aalala sa himig. Ang tinutukoy nitong Luding ay ang matalik na kaibigan ng Lola niya na nagtatrabaho bilang mayordoma sa pamilya Zantillan. Isa sa mga prominenteng pamilya sa bayan ng San Isidro.
" Nakow, ano ba naman iyong paghahanda, madali lang naman gawin iyan. Ikaw itong nagmamatigas na naman ang ulo. "sita ng matanda. "Aba'y basa pa iyang buhok mo ay tinatali mo na agad! Bilis kalasin mo iyan at baka ubanin ka ng wala sa oras. "utos pa nito sa apo.
Napangiti si Anya, kahit kailan hindi na talaga sya nakalusot sa mapanuring mata ng Lola niya. Ang sinabi nito ay isang kasabihan ng mga matatanda na kapag nagtali ka raw ng buhok habang basa pa ito ay tutubuan ka ng mga puting uban. Walang pagpapatunay kung totoo nga ang kasabihan na iyon ngunit minabuti ni Anya ang sumunod dahil mahirap nang makipagtalo sa lola niya. Basta matandang kaugalian ay hindi sya mananalo rito kaya't kinalas niya ang tali at muling sinuklay ng kamay ang matingkad at mala ginto na buhok. Ibinulsa na lamang niya ang tali para magamit niya mamaya kapag natuyo na ang buhok niya.
Maaga pa lamang kanina ay gising na silang mag-Lola. Si Lola Mareng ay naging abala sa pagluluto ng specialty nitong pinangat na gabi o mas kilala sa tawag na Laing. Isang uri ito ng pagkaing Bicolano na niluluto sa gata. Kung saan ang mga pangunahing sangkap ay pinatuyong dahon ng gabi, at karne. Maaari rin itong sahugan ng kahit na anong pagkaing dagat. Tinitimplahan ito ng mga pampalasa na katulad ng siling labuyo, tanglad, bawang, bakalot, luya at bagoong. Siyempre pa ay hindi mawawala ang gatang niyog pagkat sa gata ito niluluto.
Siya naman ay natoka sa paggawa ng sumang moron. Gawa naman ito sa malagkit na bigas na pinagiling pa sa bayan. Niluluto rin ito sa gata at nilalahukan ng cocoa powder for chocolate flavor. Pero pwede rin naman plain lang na kulay. Ngunit kadalasan ay ginagawang kombinasyon ang dalawang kulay. Titimplahan ito ng asukal at minsan pa nga ay sinasamahan ng mani para dagdag panlasa. Pagkatapos ay ibabalot ang mga ito sa dahon ng saging at saka pa lamang lulutuin sa apoy. Kabisadong-kabisado na ni Anya ang paggawa ng sumang moron sa turo na rin ni Lola Mareng. Ang pagluluto ng Laing at sumang Moron ang siyang ikinabubuhay nilang mag-Lola. Ang sumang Moron ay patok pang agahan at meryenda. At kapag piyesta ay talaga namang ang lakas ng kanilang benta dahil sa maraming order. Maliban roon ay sila rin ang nag su-supply ng Laing sa mga Zantillan. Kasama kasi ito sa iniaalok na pagkain sa Resort pagkat naging mabenta ito sa mga parukyano at turista. Lutong Laing ni Lola Mareng ang syang nagustuhan ni Donya Isabel pagka't wala raw itong kasing sarap.
"Lola magpahinga na lang po kayo ha? Pagkatapos ko pong maihatid ang mga ito sa Villa ay uuwi rin po ako kaagad." bilin niya sa matanda.
Bagama't malakas pa ay may katandaan na rin ang kanyang abuela, minsan ay inaatake na rin ito ng rayuma kaya hangga't maaari ay ayaw niyang naiiwan itong mag-isa sa bahay. Kaya naman lagi na'y nagmamadali siyang makauwi mula sa iskwela o sa kung saan man. Kinuha na niya ang basket at naghanda na sa pag-alis.
YOU ARE READING
My Only Love
RomanceIsang ubod lalim na paghinga ang ginawa ni Anya bago inilibot ang tingin sa kanyang paligid. Pagkatapos ay isinuot niya ang de- kulay na salamin sa mata. Sinukbit ang signature na shoulder bag at maingat na hinila ang katamtamang maleta ay marahan...