Chapter 2

0 0 0
                                    

Pauwi na noon si Anya mula sa pagde-deliver ng Laing at sumang Moron sa bayan, may suki sila roon na nagmamay-ari ng isang Pansiterya sa may Plaza malapit sa Munisipyo.

Katulad ng mga Zantillan ay regular rin na umo-order sa kanila si Aling Marta. Dating kusinera ng pamilya Zaavedra ang medyo may-edad nang babae. Nang mag-migrate sa States ang pamilyang pinagsisilbihan ay nagtayo ito ng isang maliit na negosyo na pinangalanang Pansiterya ni Marta.

Kung ang Lola Mareng niya ang may pinakamasarap na lutong laing sa buong San Isidro, si Aling Marta naman ay nakilala sa pagluluto ng pinakamasarap na pansit sa bayan nila. Katunayan ay iilang buwan pa lamang na tumatakbo ang Pansiterya nito ay naging pamoso na agad dahil sa dumaraming parukyano.

Habang inaayos ang sisidlang basket ay nagpaalam na si Anya sa babae.
"Aling Marta, hindi na ho ako magtatagal at siguradong hinihintay na po ako ni Lola." aniya.

Lumapit sa kanya si Aling Marta na noo'y abala sa counter. Nakangiti ang babae na inabot sa kanya ang bayad sa mga naorder nito.
"Salamat Anya at sa uulitin." sambit ng ginang. "Sya nga pala para sainyo ni Lola Mareng." dugtong nito habang inabot sa isang serbidora ang isang supot at ibinigay sa kanya.

"Naku po—nahihiyang sambit niya. Nahulaan na agad niya kung ano ang laman niyon.

"Sige na kunin mo na, para talaga sainyong mag-lola iyan. Ikaw rin magtatampo ang grasya sayo." nakangiting turan pa ni Aling Marta sabay biro.

Nahihiya man ay may ngiti sa labi na tinanggap niya ang bigay ng babae.
"Maraming salamat po Aling Marta, tama ho kayo mahirap nang magtampo ang grasya. Saka pihadong ikatutuwa po ito ng Lola. Paborito niya po itong pansit niyo eh."dugtong pa niya.

"Mabait kayong mag-Lola sa akin kaya tama lang naman na ibalik ko ang pabor. Sino ba naman ang magbibigayan kundi tayo-tayo lang din naman,hindi ba?' masayang pahayag pa ng babae sa kanya.

"Opo, tama po kayo." sang-ayon niya rito. "Paano ho, ako'y yayaon na at baka abutan pa ho ako ng paglatag ng dilim. Maraming salamat po ulit dito sa pabaon niyong pansit."

Masayang tumango si Aling Marta at tinapik sya sa balikat. "O siya sige na at mag-iingat ka sa daan, hah? Ikumusta mo na lang ako saiyong abuela." bilin ng babae na hinatid pa siya sa may pinto.

May ngiti sa labi na naglakad si Anya palayo. Nilingon pa niya si Aling Marta na kuntodo kaway kaya't kinawayan niya rin ito bago nagpatuloy na siya sa paglalakad. At dahil, mababa na ang sikat ng araw ay napagpasyahan niya na maglakad na lamang pauwi para makatipid sa pamasahe.
Dalawang piso at singkuwenta sentimo rin ang matitipid niya pambili na rin iyon ng gaas para sa kanilang gasera. Kaya dumaan muna sya sa isang tindahan at bumili ng isang bote ng gaas. Pagkatapos ay tinalunton niya ang patungong Suba dahil iyon ang shortcut na daan papuntang Barangay Laoyon.

Hustong nangangalahating oras na sya sa paglalakad nang matanawan ang tila nagkakagulong grupo sa kalsada. Tila may gulo pa ata siyang madaraanan. Mukha kasing nag-aaway ang grupo. Lima sa bilang niya at pulos babae. Tingin pa nga niya ay mga dayo. Siguro ay mga tagakabilang-bayan. Natanaw rin niya ang isang owner type jeep na nakaparada hindi kalayuan sa mga ito.

Sandali pa ay may pagkunot ng noo na napabagal sya sa paglalakad. Hindi lang kasi basta nagtatalo ang mga natatanaw kundi mga nag-uupakan. Pansin niyang may pinagtutulungan ang apat na babae, hindi nga lang niya masino pa. Habang papalapit ay napansin niya ang isang mountain bike sa gilid ng kalsada at nakatumba. Agad na rumihistro ang pagkabahala sa kanyang mukha nang makilala kung sino ang nagmamay-ari niyon.
Mabilis syang lumapit sa grupo at hindi nga siya nagkamali ng sapantaha. Ang pinagtutulungan ng apat na dayong babae ay walang iba kundi si Kate Zantillan.

My Only LoveWhere stories live. Discover now