Chapter 1

0 0 0
                                    

Sa mga nakalipas na taon ay pamilya ang lagi kong inuuna. Si mama na hinanapan ko ng donor para sa kanyang kidney transplant. Maayos na ang kalagayan niya ngayon at sa awa ng diyos ay tinanggap naman ng kanyang katawan ang bagong kidney na ipinalit. Si Eleven ang nakababata kong kapatid ay kasalukuyang ika-apat na taon na sa kolehiyo, arkitektura ang programang kanyang kinukuha.

Noon halos hindi ko maibigay ang pangangailangan nila at ngayon na nakapagpupundar at naibibigay ko na ang higit pa sa kailangan. Masarap sa pakiramdam na may kinapupuntahan lahat ng paghihirap ko.

Nakapagpatayo ako ng bahay para sa amin, hindi na kailangang mangupahan. Nadadala ko na sa ospital si mama kung kailangan man ng follow up check-up. Mahal man ang art materials na kailangan ni Eleven ay naibibigay ko rin ang mga kailangan niya.

Nagtuturo ako sa isang state university sa kabilang bayan at mayroong part time para makapagturo sa isang private school. Hindi sobrang laki ng sahod pero nakatutulong na ito kahit papaano at mas malaki na kaysa dati.

“‘Ma nasaan si El?” Tanong ko nang ibinaba sa lamesa ang dala kong grocery.

Sinipat ko ang kanyang kwarto ngunit wala siya roon.

“Wala pa ‘nak. Alam mo naman yun busy sa university. Mamaya pa ang uwi no’n.”

“Alas otso na ng gabi ‘Ma, tawagan mo na. Dapat nga ay maaga siyang umuwi at wala kang kasama rito.”

“Hayaan mo na ‘yong batang ‘yon. Minsan lang maging estudyante. Narito ka naman,” nginitian ako ni mama.

Kinuha niya ang plastic ng mga grocery na dala ko at sinimulan na ilagay sa cabinet at refrigerator. Tumayo ako at tinulungan ko siya.

Nanginginig ang kamay ni mama habang hawak ang isang de lata. Nabitawan niya iyon at mabilis na sumandig sa kitchen counter at humawak sa kanyang ulo. Noong napansin niyang nakatingin ako ay umayos siya ng tayo at nagpanggap na walang nangyari.

“Dumulas sa kamay ko,” sabi niya at tumawa ng mahina.

Kita ko sa repleksyon ng salamin ang ginawa niya.

“‘Ma mag-iingat ka,” sabi ko habang nakangiti. Nagpapanggap na walang nakita.

“Pasensya na ‘nak tumatanda na si mama.”

“‘Ma kadalasan ba’y ikaw lang mag-isa rito? Lalo na kung may pasok si El,” tanong ko.

“Oo, wala naman ibang pumupunta rito ‘nak.”

“Dito na lang kaya muna ako ‘Ma.”

Tumigil siya sa paglalagay ng itlog sa refrigerator at lumingon sa akin. Nagtataka sa biglaan kong desisyon.

“Miss ko na ang lutong bahay lagi na lang ako nagpapadeliver. Tutubuan na ng pakpak ang likod ko kakakain ng manok,” biro ko. Pilit kong tinago ang pagaalala para hindi siya makahalata.

“Welcome ka naman palagi rito ‘nak. Pero hindi ba magiging sobrang layo ng trabaho kung dito ka. Baka sa traffic pa lang ay pagod kana.”

“Hindi ‘ma. Pagkatapos ng klase ko bukas ay magsisimula na akong maglipat.”

Inagaw ng puting bahay sa labas ang pansin ko. Tanaw ko ito mula sa bintana ng aming kusina. Sa pagkakaalala ko ay bakanteng lote ang katabi namin. Sigurado ako dahil balak ko rin sana itong bilhin para sana mas malaking bahay ang mapagawa ko, ngunit hindi kinaya ng aking budget kaya iniwan ko na lang muna.

Naglakad ako palapit sa bintana upang mas makita ito.

“‘Ma, kailan pa ito nakatayo rito?” Matagal na nga yata ang huli kong bisita rito kung kaya’t ngayon ko lang din napansin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: 2 days ago ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

State of SonderTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon