Prologue

5 2 0
                                    

BILING-BALIGTAD si Amara habang umuungol sa pagkakahimbing. Maya-maya ay nagpumiglas ito na parang nanlalaban sa pilit na tumatangay sa kaniya. “Tama na! Tigilan n’yo na ako! Lumayo kayo sa akin, parang awa n’yo na!” marahas niyang sigaw habang umiiyak.

Habol ang hininga, doon na siya napabalikwas ng gising at napahagulgol. Pilit niyang inapuhap ang switch ng lampshade sa ulunan at kasabay sa pagkislap ng liwanag, muli siyang napasigaw.

Sa takot. Sa galit.

“Mamaaa! Bakit? Bakit po? Anong kasalanan ko at pinarurusahan ninyo ako ng ganito?!”

Biglang bumukas ang pinto ng silid. Iniluwa noon ang humahangos na si Rosita, ang sisenta anyos na yaya at kasambahay na nag-alaga kay Amara sapul noong maliit pa ito.

“Amara!” Puno ng pag-aalala na mabilis nitong dinaluhan ang alaga.

“Yayaaa!” parang batang tungayaw ng disinuwebe anyos na dalaga pagkakita sa kawaksi. Sumiksik ito sa dibdib ng matanda.

Dali-dali itong inabutan ni Rosita ng tubig at inalalayan sa pag-inom. Nanginginig halos ang buong katawan, hindi magkandatuto si Amara sa pag-inom.

“Yayaaa…!” Tila sumbong ni Amara pagkuwan habang ‘di maampat ang pagluha.

“Nanaginip ka na naman, anak…” awang-awa si Rosita sa alaga. Hagod-hagod nito ang likod ni Amara.

“Yaya, ayoko na…ayoko na! Mababaliw na ako, yaya!”

“Ssshh! Huwag mong sabihin ‘yan! Ano ka bang bata ka?” Naiiyak na rin si Rosita.

“Anong kasalanan ko, yaya? Bakit ako pinarurusahan ni Mama? Naging masama ba akong anak sa kanila ni Papa? Hindi naman, ‘di ba? Naging masunurin naman ako sa kanila! Mahal na mahal ko sila!”

“Amara, wala kang kasalanan, hija. Wala..! Huwag mo sanang sinasabi ‘yan!”

Sinuntok ni Amara ang dibdib. Inumpog ang ulo sa headboard ng kama. “Ayoko na! Ayoko na ng ganito! Gusto ko nang mamatay! Wala na akong katahimikan! Lagi na lang akong ginagambala ng mga taong hindi ko naman kilala! Ayoko naaa!”

“Amara, Diyos ko! Tama na! Ano ba? Huwag mong saktan ang sarili mo anak! Amaraaa!” Hindi malaman ni Rosita kung paano aawatin ang alaga sa ginagawa nitong pananakit sa sarili.

Wala siyang napagpilian kun’di ang sampalin ito para matauhan.

“Y-yaya…” kumalma nang sabi ng dalaga. Sapo ang pisngi, napatitig ito sa matanda.

“P-patawarin mo ako anak, hindi kita gustong saktan pero—”

Humahagulgol pa rin, buong higpit na napayakap na lang ang dalaga sa tagapag-alaga niya.

Nag-iyakan silang dalawa.

NAPAHIMBING na uli si Amara matapos pakalmahin ni Rosita at muli’y palakasin ang loob nito.

Hindi niya na ito iniwan. Animo’y musmos pa lamang ito na tila inihele niya para muling makatulog.

Awang-awa siya rito. Bakit nga ba ito nagdurusa? Ano nga ba ang kasalanan nito at nahihirapan ito ng ganoon na lamang?

Normal naman dati ang buhay ni Amara. At ito’y nag-iisang anak lamang nina Vergel at Rodora.

Labing anim na taong gulang ito nang magkasunod na masawi sa parehong trahedya ang kaniyang mga magulang.

Si Vergel ay pinaslang ng isa nitong empleyado sa hindi malamang dahilan. Bigla na lang nag-amok ang empleyado nito at inundayan ng sunod-sunod na saksak si Vergel bago ito naman ang nagsaksak sa sarili.

Makaraan ang isang taon, si Rhodora naman ang nasawi sa malagim na aksidente. Nahulog sa bangin ang kotseng minamameho nito. Halos hindi na makilala ang bangkay ni Rhodora nang hanguin ito sa bangin kaya sinunog na lamang ang bangkay nito.

Bago ang nangyari kay Rhodora, kinausap nito nang masinsinan ang noo’y dalagita pa lamang na si Amara.

“Nagaganap na ang nakatakda, anak.” anito sa malungkot na anyo. “Ayawan mo man ang mga mangyayari, hindi natin ito mapipigilan.”

Nakamasid lamang noon si Rosita sa mag-ina. Sinadya ni Rhodora na marinig niya ang lahat ng mga sasabihin nito sa anak dahil ito ang magiging gabay ni Amara kapag siya ay nawala na.

“A-ano po ang ibig ninyong sabihin, Mama?” Puno ng kainosentihan, tanong ni Amara sa ina.

Hinaplos ni Rhodora ang pisngi ng anak. “Pagsapit ng ikalabing walo mong kaarawan, ang kakayahan kong makita at makahalubilo sa panaginip ang mga taong nasa kabilang panig ng ating mundo, ay magiging kakayahan mo rin, Amara.”

Kumunot ang noo ng dalagita.

“Ngunit huwag kang matakot. Isang araw, matutuklasan mo ang lahat kung bakit nangyayari iyon. At ikaw, ikaw ang magbibigay ng katarungan hindi lamang sa mga nilalang na iyon na pinagkaitan ng kalayaang manahimik, kun’di maging sa amin ng iyong ama.”

Nanatiling nakakunot ang noo ni Amara.

“R-Rhodora— “ ani Rosita na biglang nangamba. “K-kailangan ba talagang maganap iyon? Baka hindi kayanin ni Amara…”

“Manang Rosita, alam mo ang kasaysayan ng aming angkan mula pa sa aking mga ninuno, dahil ang iyong mga ninuno’y nakasama rin nila sa kanilang mundo.”

“O-oo nga, pero, nakalipas na ang napakaraming taon. Hanggang sa modernong panahon ba na ito’y hindi pa rin nababasag ang pagpapasalin-salin ng alindog?”

Umiling si Rhodora. “Patunay ang nangyari kay Vergel, Manang Rosita. Ang paghihiganti ng mga nilalang sa aming mga ninuno ay patuloy pa rin naming aanihin sa kasalukuyan. At susunod na ang magaganap sa akin…” napaluha si Rhodora.

“Diyos ko! Ano ang ibig mong sabihin, Rhodora?” napaantanda pa ang matanda.

Napailing na muli ang babae. “Hindi ko masabi sa kung paanong paraan, Manang Rosita ngunit ang tiyak, mangyayari iyon at hindi ko mapipigilan.”

“M-Mama? Ano po ang sinasabi ninyo? Tinatakot n’yo ako…!”

Hinagkan ni Rhodora ang noo ng anak. “Sa bisperas ng ikalabingwalo mong kaarawan, may liham na darating sa ‘yo, Amara. Basahin mong mabuti iyon. Unawain. At tanggapin ang lahat ng nilalaman noon.

“Ang kaakibat noon ay paghihirap ng pisikal at mental mong kalagayan. Ngunit isang araw, ipagpapasalamat mong naging saksi ka sa lahat ng iyon. Dahil ikaw pala ang magiging sagot sa lahat ng mga tanong na hindi ko nagawang bigyan ng kasagutan, dahil pinili kong umibig sa iyong ama.”

Napatanga lang si Amara sa ina.

Totoo sa mga binitiwang salita, isang nakagigilalas na pangyayari ang dumatal kay Amara sa bisperas ng kaarawan nito. Ang liham na sinasabi ni Rhodora— inihatid sa kaniya ng hangin. Nasambot ng dalawang palad niya. At ang nilalaman noon, ayon doon ay hindi niya dapat katakutan manapa’y tanggapin dahil ang lahat ng magaganap ay mayroong dahilan.

Iyon ang umpisa. Katulad noon ni Rhodora, ang ‘alindog’ ay naipasa kay Amara.

Halos gabi-gabi, dinadalaw si Amara ng sari-saring nilalang sa kaniyang panaginip. May iba-ibang anyo ang mga ito. May anyong normal na tao. May anyong halimaw. May mga engkanto. At ang isang nagpapahilakbot sa kaniya— isang pari! Isang prayle noong unang panahon.

Ang isang paa nito’y nakatanikala. Pilit itong kumakawala sa pagkaka-kadena ng isang paa. Tinatawag ang kaniyang pangalan. Pilit inaabot ang kaniyang mga kamay.

At pinag-aagawan siya ng iba pang mga nilalang!

Kung bakit— hindi niya matalos ang dahilan. Na ayon pa sa liham, si Amara mismo ang tutuklas ng mga misteryong iyon na nakikita niya sa panaginip. Kung bakit at paano iyon nangyayari. Kung ano ang dahilan ng lahat ng iyon…

ALPASTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon