Chapter 1

3 1 0
                                    

“Amara huwag kang lalayo, anak ha? Diyan ka lang maglaro sa malapit,” bilin ni Rhodora sa anak.

Tumingin si Amara sa kaniyang ina at nginitian ito ng malapad bago sumagot. “Opo mama, babalik din po ako agad!” sagot nito at naglakad na papunta sa mga kapwa bata niya na naglalaro. 

Masaya si Rhodora habang pinagmamasdan ang anak na nakikipaglaro. Nasa park kasi sila ngayon upang i-celebrate ang ikawalong taong kaarawan ni Amara.

Habang abala si Rhodara sa ginagawa niyang paghahanda ng kanilang pagsasaluhan, nilapitan siya ni Rosita, ang tagapag-alaga ni Amara. “Rhodora,” anitong nakabahid sa anyo ang pag-aalala. “Sa tingin mo ba, magiging handa ang anak mo at maiintindihan niya ang nakatadhana sa kaniya?”

Napabuntong hininga si Rhodora sabay sulyap uli sa anak.  “H-hindi ko rin alam Manang Rosita. Bata pa si Amara. Puno ng kainosentihan. Ayokong kamulatan niya ng maaga ang nakatakda sa kaniya. Nais ko sana, habang bata pa siya, maging masaya lang muna siya. 'Yong walang pag-aalala at pagkatakot na nararamdaman." wika  ni Rhodora. 

“Nauunawaan kita Rhodora, pero hanggang kailan kaya natin maitatago kay Amara ang totoong kapalaran niya? Alam nating lahat ang magaganap. Musmos ka pa lamang noon nang malaman mo mula sa 'yong ina at abuela ang magiging kapalaran mo na hanggang sa mga sandaling ito'y tinataglay mo pa.”

Nakagat ni Rhodara ang kaniyang pang-ibabang labi. Saglit siyang napatigil sa ginagawa at sumungaw ang luha sa mga mata.

Gusto niyang pigilan ang nakatakda para sa kaniyang anak, ngunit alam niyang hindi iyon mangyayari. Ang tanging magagawa na lamang niya'y idalangin sa Diyos na nawa'y gabayan ito sa nakatadhanang darating sa buhay nito; subalit, hanggang kailan niya iyon magagawa? Mayroon na ring nakaamba na kapalaran para sa kaniya na hindi niya rin maaaring pigilan.

Tinitigan ni Rhodora si Rosita. Hinawakan ang mga kamay nito. “Manang Rosita, alam ko po nag-aalala ka rin para kay Amara pero batid kong makakatulong ka namin ni Vergel sa paggabay sa kaniya. Ipangako mo Manang, wala muna siyang malalaman sa ngayon. Ayaw kong magkaroon siya ng pangamba at kalituhan na maaaring maging sanhi upang hindi siya makapamuhay ng normal. Hayaan muna po nating maging malaya siya bilang bata. Dahil kapag dumating na ang nakatakda para sa kaniya— ” Tila nagsisikip ang dibdib ni Rhodora. Hindi na nito nadugtungan ang sinabi at naaawang sinundan na lamang uli ng tingin si Amara.

Si Manang Rosita man ay naaawang pinukulan  din ng tingin ang alaga.

“B-baka ang mga ngiting ibinibigay niya sa atin ngayon ay biglang maglaho, Manang..." Tuluyan nang nabasag ang tinig si Rhodora nang magsalitang muli. "Ayoko munang  mawala ang mga ngiting iyon, Manang. Napakasaya ko kapag nakikita kong masaya ang anak namin ni Vergel."

Ginagap ng kawaksi ang mga kamay ni Rhodora. Ang simpatiya niya'y umaapaw para sa pamilyang ito.

Napabuntong hininga na lamang si Rosita. "Umayos ka. Pahirin mo na ang mga luha mo. Baka makita ka pa ni Amara na umiiyak." sabi na lamang nito.

Maya-maya nga'y lumapit na si Amara na akay ng ama nitong si Vergel. “Mama!" anitong larawan ng kasiyahan.  "Binilhan ako ni papa ng ice cream!” masayang sambit nito na lumapit pa sa ina upang patikimin ng hawak nitong sorbetes.

“Hindi ako tinantanan ng anak mo mahal. Kako'y minsan lang naman siya kumain ng ice cream kaya pinagbigyan ko na,” turan ni Vergel at umupo na sa upuang bato na naroroon.

“Basta huwag kakain ng maraming ice cream, okay anak?” ani Rhodora matapos pagbigyan ang anak na tumikim siya. "Ang yummy naman! But remember this, ha? Madali kang magkasipon at magkaubo kapag nasosobrahan sa malalamig." Pinisil pa ni Rhodora ang ilong ng anak.

ALPASTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon