Chapter 3

0 0 0
                                    

NAKAMASID lamang noon si Rosita sa mag-ina. Sinadya ni Rhodora na marinig niya ang lahat ng mga sasabihin nito sa anak dahil ito ang magiging gabay ni Amara kapag siya ay nawala na.

“R-Rhodora— “ ani Rosita na biglang nangamba. “K-kailangan ba talagang maganap iyon? Baka hindi kayanin ni Amara…”

“Manang Rosita, alam mo ang kasaysayan ng aming angkan mula pa sa aking mga ninuno, dahil ang iyong mga ninuno’y nakasama rin nila sa kanilang mundo.”

“O-oo nga, pero, nakalipas na ang napakaraming taon. Hanggang sa modernong panahon ba na ito’y hindi pa rin nababasag ang pagpapasalin-salin ng alindog?”

Umiling si Rhodora. “Patunay ang nangyari kay Vergel, Manang Rosita. Ang paghihiganti ng mga nilalang sa aming mga ninuno ay patuloy pa rin naming aanihin sa kasalukuyan. At susunod na ang magaganap sa akin.” Napaluha si Rhodora.

“Diyos ko! Ano ang ibig mong sabihin, Rhodora?” Napaantanda pa ang matanda.

Napailing na muli ang babae. “Hindi ko masabi sa kung paanong paraan, Manang Rosita ngunit ang tiyak, mangyayari iyon at hindi ko mapipigilan.”

“M-Mama? Ano po ang sinasabi ninyo? Tinatakot n’yo ako!”

Hinagkan ni Rhodora ang noo ng anak. “Sa bisperas ng ikalabingwalo mong kaarawan, may liham na darating sa ‘yo, Amara. Basahin mong mabuti iyon. Unawain. At tanggapin ang lahat ng nilalaman noon.

“Ang kaakibat noon ay paghihirap ng pisikal at mental mong kalagayan. Ngunit isang araw, ipagpapasalamat mong naging saksi ka sa lahat ng iyon. Dahil ikaw pala ang magiging sagot sa lahat ng mga tanong na hindi ko nagawang bigyan ng kasagutan, dahil pinili kong umibig sa iyong ama.”

Maang na napatitig na lang si Amara sa ina.

NAPALUNDAG si Snow habang kalong ito ni Amara at biglang tumakbo sa ilalim ng kama.

Naninindig ang balahibo ng pusa. Ang buntot ay nakataas. Malikot ang nanlalaki nitong mga mata na tila ba naghahanap ng mapagtataguan.

"Snow, bakit?" ani Amara na nagtaka sa inasal ng kaniyang pusa.

Lumuhod siya at sinilip ito sa ilalim. Inilahad niya ang mga kamay. "Snow, come here. Anong problema, ha?"

'Ngumiyaw' si Snow.

Mararamdaman sa huni nito ang takot na tila ba may kakaibang mangyayari; malalim at matinis ang bawat paghuni nito kaysa karaniwan at tila nagmamakaawa.

Nang biglang pumasok si Rhodora sa silid ni Amara. "A-anak..." nangangatog nitong sambit. Bakas din sa anyo at tinig ang takot.

Tulad ni Snow, malikot din ang mga mata ni Rhodora. Na tila ba may mga nakikitang kakaiba sa paligid.

Hindi pinansin ni Amara ang ina. Ang atensiyon nito'y nasa alagang pusa na hayun at lalo pang sumiksik sa ilalim ng kaniyang kama. "Snow, come here! Ano ba at bigla ka na lang sumuot diyan?"

Alalang-alala si Amara sa pusa niya. Dumapa pa ito at inunat ang isa niyang kamay upang abutin ang alaga ngunit kahit anong pilit niya ay hindi niya ito maabot-abot. Mas lalo pa ngang nagsumiksik sa pinakasulok.

"Snow, halika na, please?" maamong sambit niya rito.

"Anak!" Sigaw na ni Rhodora na ikinagulantang ni Amara. Napatayo ito at noon niya lang napansin na naroroon pala ang ina.

Binuksan nito ang bintanang salamin sa kaniyang silid. Nakatayo ito roon at waring may tinatanaw.

Bagaman tinawag siya, ngunit ang pansin ay hindi inaalis doon. "M-mama?" pagkuha niya sa atensiyon nito, ngunit hindi siya tinugon.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: 3 days ago ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ALPASTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon