CHAPTER ONE
LINGGO. Nababato na si Felice. Nagpatanghali na nga siya ng gising dahil wala naman siyang gagawin. Nagbabanlaw na sa washing machine ang maid na si Doreng nang magising siya. Tinulungan niya ito sa pagsasampay. Ayaw niyang nakatunganga lang sa bahay. Nainip siya nang makapag-lunch. Tuksong naalala niya ang laging sinasabi ng kanyang mga officemates na mahirap daw kapag walang boyfriend na nagyayayang lumabas sa mga araw na walang pasok. Sa aminin daw at sa hindi ng mga babae, kailangan nila ng isang lalaki na mangungulit sa mga ganoong araw. Tama yata. Nahihiya lang siyang umamin. May pressure na rin na nagmumula sa mga kapatid at mga kaibigan niya. Beinte-kuwatro na raw siya ay bakit daw hindi pa yata siya nakakaisip na mag-asawa? Mahirap daw tumandang mag-isa. Kumilus-kilos na raw siya habang may panahon, habang posible pa raw na makahabol siya sa biyahe.
Paano siya “hahabol sa biyahe” ay wala naman siyang boyfriend? May nanliligaw naman sa kanya. Isa ang officemate nilang si Bernard. Presentable naman ito. Accountant ito sa kanilang kompanya. Malaki ang suweldo nito. Ano pa raw ba naman ang hahanapin niya? Kapag sinasabi niya sa mga kaibigan na wala naman siyang pagtingin dito, pinaiikot ng mga ito ang eyeballs at sinasabi: Sa panahon ngayon, secondary na lang ang sinasabing tibok ng puso. At ang future ang dapat isipin. Kalaunan daw, kapag secured na ang future niya sa piling ng isang lalaki, ay mapag-aaralan na rin niya itong mahalin. Hindi nabenta sa kanya ang ganoong idea. Doon pa rin siya sa belief na dapat ay may pag-ibig muna bago mag-isip ng future, kasama ang possible lifetime partner.
NAGSOSOLO lang sa buhay si Felice. Nasa ibang bansa ang mga kapatid niya. Ang kanyang Ate Raquel, pinakapanganay sa kanilang apat na magkakapatid, ay nakapag-asawa ng isang German national at doon na naninirahan sa Germany. Nasa Canada naman ang Ate Criselda niya, na nakapag-asawa ng Canadian national nang magtrabaho sa Hong Kong. Dating employed sa Philippine Embassy ang kanyang Kuya Tony at nadestino ito sa embahada ng bansa sa Amerika. Doon na rin ito nakatagpo ng napangasawa, isang Pilipinang US citizen. Nang natapos na ang tour of duty nito sa US at nire-recall na rito sa bansa, hindi na ito nagbalik. Sa tulong ng asawa ay naging green card holder ito. Sa States na rin ito nanirahan. Alam ni Bernard ang kuwentong iyon tungkol sa mga kapatid niya. Natutuwa ito. Mukha raw yatang kung saan madestino ang mga kapatid niya ay doon na rin nakakakita ng napapangasawa. Sa bangko raw siya nagtatrabaho, kaya hindi raw kaya isang tagabangko rin ang maging kapalaran niya? Wala itong ibang tinutukoy kundi ang sarili nito. Na pinagtatawanan lang niya. Ayaw niyang magsalita nang tapos, ngunit kataka-takang wala talaga siyang maramdamang anuman dito samantalang seryoso naman ito sa panliligaw sa kanya. Bakit daw naman ganoon? tanong sa kanya ng mga officemates.
“Wala lang” ang isinasagot niya.
Basta ganoon lang ang pakiramdam niya. Magtatatlong taon na siya sa pinapasukang bangko at halos ganoon na rin katagal na nanunuyo sa kanya si Bernard. Dalawang taon pa lang ang nakararaan nang mamatay ang kanilang mommy. Iyon din ang huling pagkakataong nagkita-kita silang magkakapatid. Nagsusulatan lang sila. Paminsan-minsan, kapag may espesyal na mga okasyon, nagtatawagan sila sa telepono. Naiwan sa kanya ang bahay na iyon sa Project 4, Quezon City. Medyo maluwang ang lote. Kulang-kulang na four hundred square meters. Maluwag na maluwag ang bakuran sapagka‘t katamtaman lang ang laki ng kanilang bungalow. Mukhang hindi na interesado roon ang mga kapatid niya. Sa tono ng pananalita ng mga ito, mukhang ipasosolo na iyon sa kanya. Pangalawang bahay nila iyon. Ibinenta ng kanilang mommy ang una at binili ang isang iyon ilang buwan pagkaraang maka-graduate siya sa college.
Noong una ay para iyong unwise decision. Mas malaki pa ang ipinagbili nila bagama‘t mas maluwang ang lote ng bagong-biling bahay. Nalaman nila kung bakit nagustuhan iyon ng kanilang ina. Mas malapit iyon sa kinaroroonan ng dental clinic. Nasa P. Tuazon Street lang ang klinika. Apat ang kuwarto ng bahay, at kahit wala nang gumagamit sa tatlong silid ay palagi pa rin niyang ipinalilinis ang mga iyon kay Doreng. Katuwiran niya rito ay baka biglang dumating ang mga kapatid niya, mabuti nang nakahanda ang mga iyon. Sila lamang ni Doreng ang naroon. Naiinip din ito. Panay ang suyo niya rito para huwag umalis. Dating isang libo lang ang suweldo nito pero ginawa niyang isang libo-limandaan. Ikinuha rin niya ito ng SSS number at ipinaghuhulog niya ng buwanang kontribusyon.
“Para pagtanda mo, may aasahan ka kahit paano. Kung sa iba ka mamamasukan, baka hindi ka ikuha ng SSS. Ikaw rin.”
Gusto niya si Doreng. Subok na niya itong mapagkakatiwalaan. Hindi siya kakaba-kaba kapag wala sa bahay. Ultimong pera na makita nito sa bulsa ng mga damit na lalabhan, sinasabi sa kanya, isinasauli. Ngunit ibinibigay na niya ang pera dito, panggastos para sa day off nito. Sabado ang off nito. May isang hilig ito. Basta tapos na ang mga trabaho, hihilata na ito sa sofa, hinahayaan lang niya, at magbabasa ng Tagalog romance pocketbook. Nang hapong iyon na naiinip siya ay pahinamad siyang naupo sa sofa. Iniunat niya ang kanyang mga paa. Nakita niya sa sandalan ng upuan ang isa sa mga pocketbooks ni Doreng. Dinampot niya iyon, pinagmasdan ang cover. Obviously ay drawing ng isang baguhang debuhista.
Pero tumawag iyon ng kanyang pansin. May naalala siya sa concept ng pabalat: seksing babae, hubad pero nakatapis sa katawan ang kumot, nakaupo sa gilid ng kama, parang nakikiusap ang tingin sa isang lalaking nagbibihis. May naalala siyang eksena. Eksenang sangkot siya. Siya ang babae sa ganoon ding ayos. Siya ang nakikiusap na ituloy na nila ang nasimulang romansa. Ngunit ayaw ng lalaki. Ayaw ni Francis...Naintriga siya sa konsepto ng pabalat. Parang wala sa loob na binaligtad niya iyon para tingnan ang back cover, gusto niyang makita ang teaser. Kapag bumibili siya ng mga English pocketbooks ay ganoon ang ginagawa niya para magkaroon siya ng ideya sa magiging takbo ng nobela. Nangunot ang kanyang noo sa teaser.
Ang babae sa kuwento ay si “Felice”—kapangalan niya! Ang bidang lalaki naman ay si “Francis.” Kapangalan ng dati niyang boyfriend! Kunot-noong tiningnan uli niya ang front cover. Nagkataon lang ba iyon? Isang coincidence na kapangalan nila ng dating nobyo ang mga bida, at ang cover ay parang may kinalaman din sa kanila? Bumangon siya. Nagpunta siya sa maid’s room. Namamlantsa na si Doreng pagpasok niya sa silid nito.
“Doreng, nabasa mo na ba ito?”
Inaninag nito ang pabalat ng pocketbook.
“Malapit ko nang matapos, Ate Felice. Bakit?”
“Ano ang kuwento?”
Napangiti ito. “Maganda. Medyo may mga eksenang seksi. Romansahan. Nakakakilig. Pero bandang huli, nakakaiyak. Ewan ko lang kung saan matatapos.”
“Ano ang takbo ng kuwento?”
“Basahin mo na lang para malaman mo.”
“Tinatamad akong magbasa. Ikuwento mo na lang sa akin.”
Inilapag nito sa katangan ang plantsa. Pinunasan ng basang basahan ang pinaplantsang uniform niya sa bangkong pinapasukan.
“Una muna, bigo iyong babae. ‘Tapos, sumama siya sa kanyang mommy sa Baguio. Doon niya nakilala si Francis.”
Oh, my God!
Naitakip niya ang isang palad sa kanyang bibig. Ayaw niyang makita nito na napanganga siya sa sinabi nito. Ganoong-ganoon din ang kuwento nila ni Francis. Tunay na kuwento.
“O, sige,” pasimpleng sabi niya kay Doreng, tumalikod na. Nang nasa sala na siya ay manghang pinagmasdan niyang muli ang pocketbook. May kutob siyang hindi iyon nagkataon lamang. Hindi coincidence lamang iyon. Sinadya iyon ng may-akda.
YOU ARE READING
I Just Can't Forget You by Monica Caparas
General FictionI JUST CAN'T FORGET YOU by Monica Caparas Published by Precious Pages Corporation "Anim na taon kang nawala. At ngayong narito ka na... lalo ko lang natiyak na sa iyo pa rin ang aking puso." ©️Monica Caparas and Precious Pages Corporation