CHAPTER THREE
“BAKA hanapin mo ang isang pocketbook mo, Doreng, ha? Hiniram ko. Nasa kuwarto ko. Babasahin ko muna.”
“Oki lang, Ate Felice. Marami pa naman akong pocketbook, eh. Magaganda. Gawa ng Precious.”
Humigop muna siya ng sabaw. Sabay silang naghahapunan nito.
“Talaga?”
“Oo naman. Huli ka na sa balita. Magaganda talaga ang mga pocketbooks nila, lalo na ang Kristine Series ni Martha Cecilia.”
“Baka naman inuubos mo na ang suweldo mo sa kabibili ng mga pocketbooks na iyan?”
Ngumiti lang ito. Tumayo ito mayamaya at kumuha ng malamig na tubig sa ref nang makitang malapit na siyang matapos.
“Bakit bigla kang nagkaroon ng hilig sa pagbabasa ng Tagalog pocketbook, Ate?” tanong nito habang sinasalinan ng tubig ang baso niya. “Di ba, dati, makakapal na librong Ingles ang binabasa mo?”
“Wala lang. Nakita ko lang kasi na natural ang dating ng writer, hindi gaya ng iba diyan na TH.”
Natawa ito. “Marami talaga ang pocketbook na ewan ba kung bakit napa-publish! Nakakaasar na ang kuwento, pati paraan ng pagkukuwento. Ang sarap ihambalos sa mukha ng nagsulat.”
“Mas matapang ka naman pala sa akin,” maluwang ang ngiting wika niya rito. “Hindi ko naman kayang gawin ang ganoon. Mumurahin ko na lang siya nang talikuran.”
Tinapos niya ang pagkain. Pagkatapos ay nag-toothbrush. Hindi na niya panonoorin ang paboritong telemagazine show. Magkukulong na siya sa kuwarto. Ipagpapatuloy niya ang naputol na pagbabasa.
NAKATAYO si Felice sa tabi ng railings, mahigpit ang hawak doon. Nakatanaw siya sa lawak ng Mines View Park. Isang lawin ang nakita niyang sumisid ng lipad mula sa isang matarik na bangin patungo sa makapal na kakahuyan. Gusto niyang libangin ang sarili kaya umalis siya ng hotel na tinutuluyan. Nasa convention ang mommy niya. Isinasama siya pero ayaw niyang sumama. Maiinip lamang siya roon. Puro mga dentista ang magkikita-kita at tiyak na pulos tungkol sa profession ng mga ito ang magiging paksa. Klinika at ngipin. Braces at false teeth. Fixed bridge at tooth planting. Hindi tungkol sa ngipin ang problema niya. Sa puso. Kahit maraming beses na binati at pinuri siya ng ina tungkol sa nangyari sa kanila ng nobyong si August ay hindi pa rin maalis-alis sa isip niya ito. Mahal niya ito at masakit para sa kanya ang nangyari. Lagi at laging nagbabalik sa isip niya kung paano sila nagkakilala, kung paanong naging close muna sa isa‘t isa bago siya nito niligawan. Masaya ang kanilang umpisa. Puno sila ng magagandang pangarap para sa kanilang mga sarili. Para sa kanilang bukas. Para sa bubuuin nilang pamilya balang-araw.
Akalain ba naman niya na sa ganoong kaliit lang na dahilan matatapos ang lahat sa pagitan nila! Akalain ba naman niya na ganoon pala kababaw ang pagtingin ni August sa man-woman relationship? Doon siya humantong, sa Mines View Park, nang umalis sa hotel na tinutuluyan nang makaalis din ang mommy niya. Doon, sa pagkakatingin niya sa lunday at alon ng landscape, nagbabalik sa isip niya ang mga nakaraan nila ni August. Hindi niya napigilang mapaiyak. Hinayaan niyang umagos ang luha sa magkabilang pisngi, nakakaluwag pala iyon sa nagsisikip niyang dibdib. Nakita niya mula sa sulok ng mga mata ang lalaking iyon na sumilip sa mukha niya. Mabilis siyang nagpahid ng luha.
Nakangiti ito. “Hi!”
Hindi siya umimik. Sa halip, bigla siyang tumalikod at tumalilis. Parang nakita niya sa isip ang naging anyo nito matapos niyang iwan: namula ang mukha sa pagkapahiya, napakamot sa batok, hinabol siya ng nanghihinayang na tingin. Dinig din niya ang tawanan ng isang grupo ng kalalakihan. Mga barkada siguro ng lalaking in-snub niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/382907928-288-k878953.jpg)
YOU ARE READING
I Just Can't Forget You by Monica Caparas
General FictionI JUST CAN'T FORGET YOU by Monica Caparas Published by Precious Pages Corporation "Anim na taon kang nawala. At ngayong narito ka na... lalo ko lang natiyak na sa iyo pa rin ang aking puso." ©️Monica Caparas and Precious Pages Corporation