Chapter Two

28 1 0
                                    

CHAPTER TWO

NAGKULONG si Felice sa silid niya. Nakanti ng pocketbook na iyon ang kanyang kuryusidad. Malakas ang kutob niyang sariling kuwento ng kanyang buhay ang tinalakay sa nobela. Nang nasa silid na ay saka lang niya napagtuunan ng pansin ang pangalan ng writer. Never heard. Pero mahusay gumawa ng mga pangungusap. Wala ang pagtatangkang pamulaklakin ang mga salita pero naroon ang dulas ng hagod. Direkta sa gustong ipahayag. Dinoble niya ang unan at inihanda ang sarili sa matagalang pagbabasa. Habang nagbabasa ay nakisabay sa kanyang isip ang daloy ng isang matamis at mapait na nakaraan.

MAG-­IISANG oras nang naghihintay si Felice kay August, first boyfriend niya. Eighteen years old lang siya nang sagutin niya ito. Hindi gaya ng isa, iba. Naging open siya sa kanyang mommy tungkol sa damdamin sa manliligaw. Inamin niya sa ina na in love siya rito. Hindi siya nito sinaway na makipag-­boyfriend. Binigyan lamang siya nito ng paalala.

“Kaya mo na bang mag-handle ng relationship?”

“I guess so.”

“This is not a guessing game. This is an important matter, sweetheart. Why, are you not sure of yourself kung kaya mo na?”

“I’m eighteen already. Kaya ko na.”

“I’ll take your word for it. Sige, kung kaya mo na, sumige ka.”

Dentista ang mommy nila. Naging mahigpit sa ilang bagay pero naging maluwag din sa ilan. Hinayaan sila nitong mamuhay nang malaya, ma-­enjoy ang buhay-­teenager. Isang mahalagang parte ng pagdadalaga ang pagkakaroon ng boyfriend. Naging boyfriend nga niya si August. Birthday nito nang araw na iyon na hinihintay niya ito. Sa library iyon. May usapan silang doon magkikita. Third year din ito, paris niya. Magkaiba lang ang kanilang course. Fine Arts ang kinukuha nito at Accounting naman ang sa kanya. Naiinip na siya. Maya’t mayang kinakapa niya sa bulsa ang gold bracelet na ireregalo niya sa nobyo—kay August. Pinag-­ipunan niya mula sa kanyang school allowance ang ipinambili niyon. Isang gold necklace ang ibinigay nito sa kanya noong nakaraang birthday niya, at gusto niyang magbalik ng pabor. Ayaw niyang puro na lang siya “take”. Gusto rin naman niyang mag-­“give”.

At ngayon ay naiinip na siya sa paghihintay sa boyfriend. Ano kaya ang nangyari sa taong iyon? Hindi na siya makapagkunwaring nag-aaral ng leksiyon. Nanghahaba na ang leeg niya sa pagtanaw sa labas ng library. Naisip niyang baka nakalimutan na nito ang usapan nila. Pero malabong mangyari iyon. Si August ang tipo ng lalaking makakalimutan ang assignment ng pinakamasungit na professor, pero hindi makakalimot sa usapan nilang pagde-­date. Makaka-­kiss daw ba ito sa professor? Sa kanya ay hindi lang nakaka-­kiss si August. With matching mahigpit na yakap pa iyon. Kaya imposibleng makalimutan nito ang usapan nila. Dumating din ito mayamaya, humihingal.

“Bakit ngayon ka lang?” tanong niya nang nasa labas na sila ng aklatan.

Dumukot ito ng panyo at nagpunas ng pawis.

“Napagod ako, ah.”

“Saan ka ba nanggaling? Bakit hingal na hingal ka pa?”

“Sa labas. Naghanap ng pawnshop.”

Napakunot-­noo siya. “Pawnshop?”

“Oo, nagsangla ako ng kuwintas. Na-­delay ang allowance ko. Wala tayong pan-­date.”

“Pambihira. Nagsabi ka na lang sana sa akin para pinautang na lang kita. Hindi ka dapat nagsangla agad. Ikaw rin, babawasan ng mga iyon ang necklace mo. Dapat sinukat mo kung gaano kahaba bago mo sinangla. Tingnan mo, 'pag tinubos mo na iyon, tiyak na mas maikli na iyon kaysa dati.”

“Hindi naman siguro.”

“Anong hindi naman siguro! Iyon ang usap-­usapan, hindi ba? Binabawasan ng mga pawnshop ang mga nakasanglang alahas sa kanila.”

I Just Can't Forget You by Monica CaparasWhere stories live. Discover now