Panimula

1 0 0
                                    


Noong unang panahon. Isang malayong nakaraan, bago pa man ipinanganak ang mga bituin, at bago pa man nagkaroon ng unang buhay sa malawak at walang laman na kalawakan, naroroon ang mga Diyos. Hinubog nila ang kalawakan gamit ang kanilang banal na mga kamay, bawat isa ay may gampanin at ambag. Bawat isa ay natatangi at makapangyarihan na pwersa. 


Kabilang sa kanila si Seraphis, ang diyosa ng pag-asa at pag-ibig.


Ang kanyang mga kapatid, diyos ng digmaan, kalungkutan, kaguluhan, at diyosa ng kapalaran, ay humanga sa kanyang lakas. Para sa kanila, ito ay isang pwersa na labis na dalisay, labis na maliwanag—isang enerhiya na hindi lamang sumusuporta sa 'di perkpektong mundong kanilang nilikha, kundi ang pwersang taglay ni Seraphis ay itinutulak sila patungo sa kadakilaan. 

Si Seraphis ay ang liwanag sa dilim, ang bulong ng init sa lamig, ang pangako ng bukang-liwayway kahit sa pinakamadilim na gabi. Kung saan may takot, siya ay nagdadala ng pag-asa. Kung saan may poot, siya ay nagtatanim ng kapayapaan.

Ngunit sa paglipas ng panahon, ang liwanag ni Seraphis ay nagsimulang magningning nang higit sa lahat. Ang kanyang kapangyarihan ay lumakas sa bawat mortal na nanalangin sa kanya, bawat panalangin na binubulong sa pinakamasalimuot na pangyayari at pinakatapat na puso. Ang kanyang pag-ibig ay walang hangganan, ang kanyang pag-asa ay walang limitasyon. Siya ay naging mismong pintig ng puso ng kalawakan, isang pwersang napakabigat na maging ang kanyang mga kapatid ay nakaramdam ng pagyanig nito. At sa pagyanig na iyon, nagsimulang mag-usbong ang inggit.

Sila ang mga diyos na naghari sa kalangitan sa loob ng mahabang panahon, sila ang humuhubog sa mga kapalaran ng mundo at nagtatakda sa pwersa ng digmaan, taggutom, at kamatayan nang walang takot. Ang presensya ni Seraphis ay nagbigay banta sa kanilang mga kaharian. Ano ang magagawa ng kanilang lakas, kanilang kadiliman, o kanilang tuso laban sa dalisay at hindi matitinag na kapangyarihan ng pag-asa?

Dahil sa takot na ang liwanag ni Seraphis ay magtataboy sa kanilang mga sarili, nagsimula ang mga diyos na magplano. Sila ay nag-usap nang palihim, ang kanilang mga bulong ay parang lasong nagsimula ng lamat sa paggitan ng bawat diyos. Natatakot sila sa pwersa ni Seraphis—kung ano ang maaari niya pang maging. Sa kanya, nakita nila ang potensyal na maaaring magwakas sa kanilang lahat, na wasakin ang mga kaharian na kanilang maingat na itinayo.

Dahil roon, isa-isa, nilabanan nila si Seraphis.

Unang sumugod ang diyos ng digmaan, si Kael, gamit ang kanyang espada na panlaban sa mga nilalang na maaaring magwasak sa kanilang nilikhangmundo, tinapos niya pundasyon ng kaharian ni Seraphis. 

Sumunod ang diyos ng kalungkutan, si Nero, na ang mga salita ay tila mga pangil na binabad sa dalamhati, naghasik ng mga binhi ng pagdududa sa puso ni Seraphis. 

Pagkatapos, ang diyos ng kaguluhan, si Iltar, ay pinalaya ang kanyang kaguluhan, sinubukang hilahin si Seraphis sa kailaliman ng pagkalito at kaguluhan. 

At ang huli, ang diyosa ng kapalaran, si Phyris, ay naghabi ng isang sapot ng kapalaran, tinitiyak na anuman ang gawin ni Seraphis, hindi niya kayang tumakas mula sa darating na delubyo.

Ngunit si Seraphis, sa kanyang walang katapusang pag-ibig, ay hindi lumaban. Hindi niya kayang saktan ang kanyang mga kapatid, kahit na sila pa ang nagsimula ng digmaang ito laban sa kanya. Iniabot niya  pa rin ang kanyang mga kamay, ang mga braso'y nakabukas, iniaalok ang kapayapaang kanyang pinaniniwalaan. Umaasa siya—tunay na umaasa—na kahit na sa kanilang inggit, makakakita pa rin sila ng lakas upang magpatawad, upang makita ang higit pa sa kanilang mga takot.

Ngunit huli na.

Sa isang huling, malungkot na pagkakanulo, nagkaisa ang kanyang mga kapatid laban sa kanya. Magkasama nilang ikinadena siya gamit ang mga tanikala na kanilang sariling pwersa ang gumawa, mga tanikala na hindi kayang sirain ng anumang puwersa ng pag-ibig o pag-asa. Ang kanyang mga sigaw ay tinakpan ng kanilang mga tawa, ang kanyang liwanag ay pinatay ng kanilang kadiliman. 

Ang Diyosa ng Pag-asa at Pag-ibig ay itinapon mula sa kalangitan, ang kanyang liwanag ay nagkalat sa pinakamalayong bahagi ng mundo, nakalimutan ng lahat maliban sa mga patuloy na nananalangin ng kanyang pangalan sa mga tahimik na sulok ng kanilang mga puso.

Kung kaya, si Seraphis ay bumagsak.

Ang kanyang kaharian ay gumuho. Ang kanyang liwanag ay lumabo. At sa unang pagkakataon, nakaranas ng kalungkutan ang kalawakan.

Ngunit sa kalooban ng mga sugatang puso, sa mga kaluluwa ng mga nagdusa at nawalan, may isang ningning ng pag-asa na patuloy na sumikat. At sa ningning na iyon, isang pangako ang natupad: Babalik siya.

Ang mga diyos man ay nagpatumba sa kanya, ngunit walang kadiliman ang makapipigil sa kanyang liwanag.

Ito ang kwento ng kanyang pagbagsak. At ang kwento ng kanyang pagbabalik.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 15 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Losing My DivinityTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon