Lawis, 12 years old...
"ITAAS mo pa, Lawis. Ayaw umangat, eh."
Bumuntong-hininga si Lawis at iniangat ang hawak na papagayo. Hila-hila ni Bryan ang pisi niyon.
Nasa likod sila ng pinapasukang elementarya at doon naisipang magpalipad ng saranggola. Ng 'kanyang' saranggola. Mahangin kasi roon dahil napalilibutan ng mga puno at malayo pa sa mga sasakyan.
"Layo pa," sigaw nito. Umatras pa siya. "Sige, bitawan mo na!"
Agad na natatakbo ang batang lalaki pagkabitaw niya at sa wakas ay umangat na rin ang saranggola. Hanggang sa maabot niyon ang mga ulap. Halos mabali ang leeg ni Lawis sa pagtingala at aliw na aliw sa panonood niyon.
Napatingin siya kay Bryan na siyang may hawak ng pisi. Kontentong nakatingala rin ito sa lumilipad na saranggola. Nakaupo naman sa lupa sa tabi ng batang lalaki ang isa pa nilang kaibigang si PJ.
Gusto rin niyang subukang paliparin ang saranggola. Nagtatakbo siya palapit sa dalawa para hiramin ang pisi ng saranggola subalit bago pa man siya makalapit sa mga kaibigan, isang itim na pusa ang dumaan sa harap niya na mabilis niyang ikinahinto.
Maraming mga ligaw na pusa ang pakalat-kalat sa kanilang paaralan kaya hindi katakataka kung may isa man siyang makita ngayon. Subalit ang hindi pangkaraniwan ay ang mismong pusang nasa harap niya.
Ngayon lamang nakakita si Lawis ng pusang kasing-itim ng pusang ito. At sa kabila niyon ay tila napakalusog din ng mga balahibo nito. Sa paraan nito ng paglakad ay may kayabangan ang asal ng pusa. Kaya nabuo sa isip ni Lawis na hindi ito isang gala.
Hindi mahilig sa pusa si Lawis. Pakiramdam niya ay may pagka-primadona ang mga pusa kumpara sa ibang mga hayop. Ginagawa ng mga ito ang gusto na animo walang pakialam sa iba.
Natigilan siya nang biglang huminto sa mismong tapat niya ang itim na pusa at tingalain siya. Tumutok sa kanya ang dilaw at nanlalaking mga mata nito at matiim siyang tinitigan. Napalunok siya at bahagyang kinabahan. The cat was leering at him. Na para bang naririnig ang iniisip niya.
Hinahamon ba siya nito?
Subalit hindi nag-iiwas ng tingin ang pusa. Tila ipinapako siya ng titig nito sa kinatatayuan. Hindi makapaniwala si Lawis na maging ang pusa ay may kakayahang i-bully siya ng ganito.
"Grim!"
Isang humahangos na batang babae ang sumulpot mula sa kung saan at walang babalang binitbit ang itim na pusa. Saka lamang naputol ang titigan nila ng hayop.
"Kanina pa kita hinahanap na pusa ka. Lagot ka kay Lola Lucy," pagkausap ng batang babae sa pusang sa palagay ni Lawis ay alaga nito. At sa hinuha pa niya ay ni hindi siya napapansin.
"Sa 'yo ba siya?" tanong niya upang iparamdam dito ang kaniyang presensya. Nakatingala siya sa babae dahil mas mataas ito sa kanya ng ilang pulgada. Marahil ay hanggang ilong lamang siya nito.
Saka lamang siya tiningnan ng babae. Tumutok sa kanya ang mga mata nito, kasabay ng pagtitig rin sa kanya ng itim na pusang bitbit na nito. May tila halos parehong mabangis na tingin ang dalawa na ikinagulat ni Lawis.
Bakit mukhang galit sa kanya ang batang babae?
"Lawis!" narinig niyang sigaw ni Bryan. "'Yung saranggola, babagsak!"
Nang tingalain niya ang kaniyang saranggola ay bumubulusok na nga iyon pababa. Dali-dali niyang tinakbo ang binagsakan ng saranggola. Sumabit iyon sa barbed-wire na nasa tuktok ng bakod ng school. At dahil gawa sa plastic, nagkaroon iyon ng maliliit na butas.