Copyright © ajeomma
All Rights Reserved==== ==== ====
==== ==== ====
Pababa pa lamang sa dyip ay agad nang sinalubong ng baklang si Taweng ang mag-ina. Agad nitong kinuha ang ilang plastik bag sa kamay ni Virginia, ''Super dami naman nitong mga pinabitbit sa iyo ni Madam. Talaga iyang motherhood mo girl, super makapag-maltrato! Minsan nga naghihinala na ako, e." Bulong ni Taweng habang naglalakad. Nauuna si Teresita at sila naman ay nakasunod lamang.
"Anong naghihinala? Linawin mo nga ang sinasabi mo. Alam mo namang mahina akong umintindi, e." Nakangiting pintas ng dalaga sarili.
"Naghihinala na talaga ako na ikaw si Cinderella at iyang nanay mo ang iyong wicked stepmother!" maarteng sabi ni Taweng, at saka inginuso ang ginang na animo maharlikang reyna na naglalakad sa gitna ng kalsada.
Natawa siya sa pagbibiro ng kaibigang kasama rin sa parlor ng 'manghuhulang' ina. Bahagya pa niyang siniko ang nakaismid na bakla, "Loka ka! Kapag narinig ka ng inay malamang sa parlor ka na naman patulugin. Sige ka!" Pananakot niya. Mabilis naging maamo ang mukha ng nakasimangot na si Taweng.
"Ay! Wiz ko tayp, girl. Afraid of the dark ang beauty ko doon! Patayin sa sindak si Barbara ang peg ko? Sa dami ng mga kaluluwang galit sa motherhood mo ay baka paa ko ang hilahin nila. Oh! No," sabi nito habang panay ang pag-iling.
"Kaya mag-behave ka.., ikaw din." Nananakot pa rin niyang sabi.
"Ah..., um!" sabi ni Taweng. Pinagdikit ang mga labi at saka kunwaring siniper. Pagkaraa'y nagmuwestra na dalian nila ang paglalakad at baka mapagalitan pa. Nangingiting nilakihan na rin niya ang paghakbang.
Pagdating sa kanilang bahay, nagtanggal agad si Teresita ng nakabalot sa katawan, "Kung hindi lang malaki kung magbayad si Mrs. Corpuz, nungkang mapunta ako sa Divisoria. Letse! Ang init!" Reklamo nito pagkaraang sumalampak ng upo at itutok sa kanya ang bentilador. Maagap naman siyang kumuha ng malamig na tubig at iniabot sa ina.
"Hoy, bakla!" tawag nito kay Taweng. "Magluto ka na at sarapan mo. Gutom na gutom na ko!" pasungit nitong utos matapos ubusin ang inuming laman ng baso.
"At ikaw naman, Virginia," baling sa kanya. "Umpisahan mo na ang paggawa ng isusuot ko sa linggo. Kailangang magmukha akong mahusay na medium."
Pareho silang sumunod sa ipinag-utos ng ina. Si Taweng ay nagtuloy na sa kusina habang siya naman ay sinimulan nang iahon mula sa plastic bag ang mga telang gagamitin.
"Papanik na muna ako sa taas. Tawagin mo na lang ako kapag nakaluto na si Bakla," sabi ni Teresita, pagkatapos ay pumanhik na sa hagdanan.
"Sige nay," sagot niya. Pagkaraan ay muli na niyang itinuon ang atensyon sa pagtatabas ng telang nakalatag sa sahig.
Kumain na sila nang makatapos si Taweng sa pagluluto. Wala namang naging reklamo ang ginang. Sandali lang ang ipinahinga niya matapos makapaghapunan. Mabusisi ang damit na gustong ipagawa ng ina, kung kaya ipinagpatuloy na niya ang pananahi. Mag-aalas dose na ng hatinggabi ay hindi pa rin siya natatapos. Panay na ang pagpag niya dahil sa mga lamok na nagdadapuan sa mga binti at braso. Sandali siyang huminto at may dinukwang, "Kaya naman pala sumusugod ang mga lamok, ubos na ang katol."
Nagsindi siya kanina dahil itinutok na lang ang bentilador kay Taweng na nakatulog na sa upuan kahihintay sa kanya. Matatakutin ito at hindi kayang matulog sa kanilang silid na nag-iisa. Nagtiis itong pagkasyahin ang sarili sa upuan basta kasama lang siya. Nakita niyang nagdadapuan ang lamok sa balat ng kaibigan, kaya ito na lamang ang binentiladoran niya at siya naman ay nagkatol na lang.
![](https://img.wattpad.com/cover/40657868-288-k34816.jpg)
BINABASA MO ANG
Lady PSYCHIC (lumuluhang kaluluwa)
ParanormalA Psychic is a person who professes an ability to perceive information hidden from the normal senses through extrasensory perception (ESP), or is said by other to have such abilities.-- Wikipedia Anak ng isang pekeng psychic si Virginia. Lingid sa k...