Kabanata 4: Palabas ni Madam

9.2K 392 17
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved

==== ==== ====

==== ==== ====

Tuwang-tuwa si Teresita matapos bilangin ang kinita para sa araw na iyon, "Kung palaging ganito ang kita ay napakasarap magtrabaho. Konting balasa ng baraha, konting basa ng guhit sa palad, konting akting at konting payo, BOOM! Pera na!" siyang-siya nitong sabi.

Nailing naman si Virginia pagkarinig sa sinabi ng ina. Kahit paano ay nag-aalala siya na mabuko ito ng mga nagpapahula. Nag-aalala siyang dumating ang araw na mahantad sa mga tao ang katotohanan, na ito ay isang pekeng manghuhula.

"Hindi mangyayari ang ganoon, Virginia. Bago pa ako gumawa ng isang pagsisinungaling ay pinag-aaralan ko na agad kung paano sasagutin. Bago ko pasukin ang isang gusot ay inaalam ko muna kung paano ang paglusot. Iba ako! Ako si Madam Tereece!"  

Nagmamalaki at puno ng kumpyansang sagot ng kanyang ina nang paalalahanan niya. Hindi na niya muli pang binanggit ang bagay na iyon dahil nagliliparang kung ano-ano ang tumama sa kanya pagkatapos.

"Mas marunong ka pa sa akin! Kasalanan ko ba kung nagpapaloko sila? Sinabi ko bang puntahan nila ako dito at magpauto sa akin? Hindi! Sila ang may gusto ng gano'n. Gusto nilang may pinaniniwalan kahit mga bagay na imposible. Walang manloloko kung walang nagpapaloko. Huwag na huwag mong pinakikialaman ang diskarte ko! Anong sinasabi mong parehas? Sa panahon ngayon kapag parehas ang diskarte ng isang tao, gutom ang aabutin niya. Baka ultimo karayom na pang suwero ay hindi niya kayang bilhin para sa sarili. Aber, anong parehas na hanapbuhay ang nalalaman mo? Ano'ng trabaho ang ganito kadali pero malaki ang kita? Ano'ng hanapbuhay ang nanloloko ka na lang ay nirerespeto pa ng maraming tao? Hindi mo ba alam na ultimo mga kurakot na politiko ay nagpupunta sa akin upang humingi ng payo? Sinusuyo pa ako upang ikampanya ko lamang sa mga parukyano ko? Sige, kapag may malilipatan tayong gano'n ay titigil na ako. Mabilis pa sa alas kwatro sasama agad ako sa'yo!"

Ngunit ano nga ba ang maisasagot niya? Wala! Kaya nanahimik na lang siya at sinikap na magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa maling gawaing tutulan man niya ay wala siyang lakas ng loob na sawatain. Baluktot man ang katwirang pinaniniwalaan nito ay wala naman sa kanya ang kakayanang ituwid iyon. Bilang anak, nanatili lang siya sa tabi ng ina kahit pa nga alam niyang mali ang ginagawa nito. Masasanay din siya iyon ang ipinasok niya sa kanyang utak. Pilit niyang binigyan ng tamang pangangatwiran ang maling gawain ng ina. Mabigat man sa kanyang kalooban, hinayaan na lamang niyang gawin nito ang alam at gustong hanapbuhay.

Linggo....

Gahol na gahol sila ni Taweng sa pagseset-up ng mga props na kakailanganin ng ina bilang Madam Tereece. Naglagay na siya ng paskil sa labas ng pintuan. 'Session On' , ang isinabit niya sa doorknob at saka ini-lock. Eksaktong alas dose ng tanghali ay nagsara na sila para wala nang pumasok para magpahula. Nakaiskedyul kay Mrs. Corpuz ang alas-tres ng hapon. Kakausapin nito ang kaluluwa ng asawa sa pamamagitan ng kanyang inay. Natutulog pa ang kanyang inay sa tanggapan ng mga kliyente at nagpapagising ng alas dos medya. Matapos masigurong kasado na ang lahat, nagpalipas pa sila ni Taweng ng ilang sandali. Nang sumapit na ang oras na ibinilin ng ina ay saka pa lang niya ito ginising.

Wala pang alas tres ay dumating na ang kanilang kliyente. Suki nila ito, isa sa naniniwalang may kakayanan nga ang kanyang inay. Nahuli nito ang asawa at ang kulasisi dahil sa hula ng inay niya. Nang makaiwas sa aksidente, pinaniwalaan nitong dahil din sa inay niya.

Magalang nilang inasikaso ang mayamang ginang pagdating.

"Nandiyan na ba si Madam Tereece?" tanong nito.

"Opo Mrs. Corpuz. Halina po kayo sa loob," sagot niya.

Wala namang kakibo-kibo si Taweng. Naaakit ito sa naglalakihan at nagkikintabang alahas ng biyuda kung kaya siyang-siyang pinagmamasdan ang mga iyon. Pasimple lamang niyang binato ng hawak na basahan kung kaya natauhan, "Makatingin ka naman wagas. Baka mapagkamalan kang isnatser o kaya ay holdaper niyang si Misis, sige ka."

Lady PSYCHIC (lumuluhang kaluluwa)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon