Secrets of the Sword of Life [SOTSOL]

152 5 0
                                    

Prologo

"Mangako ka sa 'kin, Maia, hindi mo hahayaan ang sarili mo na masaktan sa labanan," saad ni Chuno habang hawak ang kamay ng kasintahan.

"Pangako..." sagot niya. "Pero ipangako mo ring hindi ka masasawi."

"Oo," mabilis itong sumagot na lalo pang hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay niya. "Pangako."

Pagkatapos niyo'y sabay silang pumorma upang lumaban. Nasa gitna sila ngayon ng pakikipaglaban sa mga bandidong Mongol dahil sa Espada ng Buhay na hawak ni Chuno. Nasa likod lamang nila ang Phoenix na si Bae.

May kakayahan ang Espada ng Buhay na bigyan ng imortalidad ang isang nilalang, iyon ang dahilan kung bakit marami ang naghahangad dito. Ngunit hindi kailanman naging mahalaga kay Chuno ang mabuhay nang walang kamatayan, at kahit kailan, hindi iyon pumasok sa kanyang ulirat. Ang nais lamang niya'y ang mabuhay kasama ni Maia.

Pagkuwa’y pumailanlang ang isang malakas na putok. Hudyat ng pagsisimula ng digmaan.

"Sugod!!!" nagmula iyon kay Heneral Zhuo na namumuno sa hukbo ng mga kaaway. Nagsimula namang sumugod ang mga kawal na kasama nito.

Sila Chuno at Maia laban sa hindi mabilang na hukbo. Hawak ni Chuno ang Espada ng Buhay, ngunit may hangganan ang lakas na kaya niyang ibigay. Maging si Maia'y nag-aalinlangan sa lakas na taglay. Ngunit wala silang mapagpipilian...kailangan nilang lumaban.

--

Tumalon si Maia at tumayo nang nakaporma ng pag-atake sa pagitan ng mga espada ni Chuno. Matapos niyo'y muli siyang tumalon at sinalubong ang pagsugod ng mga kaaway.

Ginamit niya ang bilis sa pag-atake at pagsalag. Wala siyang gamit na espada, ngunit ang lakas niya'y katumbas ng isandaang tao.

--

Sa kabilang dako, nagpakawala naman ng hangin si Chuno gamit ang espada. Umikot siya nang mabilis habang iwinawasiwas ang Espada ng Buhay. Nang tumalon siya sa ere'y sumabay ang pagtilapon ng mga kalaban.Isang grupo na naman ang nagpagitna sa kanya at muli na naman nyang ginawa ang naunang pag-ilag at pag-atake.

"Chuno!" narinig niyang sigaw si Maia mayamaya habang nakapigil ang kamay nito sa isang atake at nakalingon sa kanya."Sa likod mo!" Itinulak nito ang kabuno at sinipa ito palayo.

Maliksi naman siyang lumingon sa likod at tumalon paatras upang iwasan ang panang tatama sa kanya. Nailagan niya ang unang tama, ngunit hindi ang ikalawa--nadaplisan pa rin siya sa balikat. Sinugod niya ng espada ang gumawa no'n sa kanya. Tinulungan pa siya ni Bae na ihagis ito sa ere.

Ilang sandali pa ng madugong labanan at nagkalat na ang mga bangkay ng mga kaaway. Ang akala nila'y wala nang mga kalaban. Pagod na sila at unti-unti na silang nauubusan ng lakas. Kahit si Bae'y nanghihina na rin.

Humakbang palapit sa kanya si Maia at niyakap siya nang mahigpit. "Sa wakas," nausal nito, matapos niyo'y idinantay nito ang mukha sa balikat niya.

Ginantihan ang yakap nito. "Sa wakas," ulit niya. Huminga siya nang malalim.

Ilang saglit pa silang nagkayakap doon. Sa wakas, muli na namang masisilayan ang liwanag ng araw. Muli na naman silang makararamdam ng kapayapaan. Magiging malaya na sila sa pagsasaya sa parang.

Mayamaya pa'y umakma na silang aalis ngunit nagpakawala ng isang ungol si Bae.

Nilingon nila ito at nakita nilang nakapunto ang tingin nito sa malayo. Sinundan nila ang tingin nito at nabanaagan nila ang isang papalapit na hukbo. Nang mga oras na iyo'y para lamang itong isang malaking grupo ng mga itim na langgam.

Secrets of the Sword of Life [SOTSOL]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon